Pabatid Tanaw

Friday, August 16, 2013

Mahalin ang Buhay



Magagawa mong likhain ang buhay na nasa iyo ngayon, 
hindi mula sa kung ano ang nakaraan at nawala sa iyo.

Sa ganang akin, ang kahulugan nito ay yakapin at mahalin ang lahat ng nasa iyong kapaligiran; mga mahal sa buhay, kalikasan ng kapaligiran, mga masasayang sandali, mga karanasan, wastong pananalig, atbp. Tanggapin ang katotohanan at harapin ang buhay na isang regalo. Lahat ay panandalian lamang at may kaukulang katapusan. Ang tamasahin ang bawa’t sandali; mga relasyon at bukluran na nagaganap sa mga mahal sa buhay; mga kaibigan, at mga kasama; at huwang makalimot na ang buhay ay mapanglaw kung wala sila. Samantalahin ang mga pagkakataon at bawa’t sitwasyon, dahil hindi na ito mababalikan pa. Ang magawang mahalin ang sarili kung sino kang talaga, at magawang kilalanin ang iyong mga kakayahan para tuparin ang iyong mga pangarap.
   Kalakip nito ang kalakasan na magawang limutin at iwasan na maging hadlang ang mga kabiguan, karanasan at kapighatian ng kahapon. Nakakalason ito ng isipan at umaagaw ng atensiyon para maligaw ka ng daan--at tuluyan na mawalan ng pag-asa para magawang magpatuloy pa. Anumang bagay na patuloy mong iniisip, ay patuloy ding lumalaki. At kung hindi mo ito titigilan, buong pagkatao mo’y masasalang at mauuwing tuluyan sa kapahamakan.
   Kung tahasang lilimiin, madali itong malilimutan kung ibabaling lamang ang atensiyon at mahalagang panahon na pakaisipin ang tamang mga priroridad at magpatuloy na gampanan ang mga responsibilidad. Tatlong panahon lamang ang mapag-pipilian para sa atin: Kahapon, NGAYON, at Bukas. Ang kahapon ay lipas na at kailangang malimutan. Hindi na ito mababalikan o maitatama pa. At kung mahapdi, ay ibayong makakapinsala kung magiging alaala sa tuwina. Ang Bukas ay walang nakakaalam at walang katiyakan. Sinumang yumao sa maraming bilyong tao na nabuhay sa daigdig, ay wala pang ispirito nito na nakabalik upang magbabala sa darating na mga bukas. Isang pantasya ito na walang makapag-papaliwanag at nararapat pang pag-aksayahan ng mahalagang panahon. Ang NGAYON ang pinakamahalaga, dahil anumang ginagawa mo sa mga sandaling ito, ang siyang magbabadya ng iyong magiging bukas. Kung nais mong mabago ang iyong kinabukasan, ngayon pa lamang ay isagawa mo na ito.
   Minsan lamang tayong mabuhay; kailangan huwag nating malimutan na ang pagtuon sa mga kabiguan, mga kapighatian, at nakaraan ay kawalan ng interes na mabuhay nang matiwasay. Pawang pag-aaksaya ito, masalimoot at patungo sa walang kabuluhang direksiyon. Kaisa-isa lamang ang buhay at ito ay kailangang pahalagahan, igalang, arugain at pagyamanin nang maging maligaya sa tuwina.
  
Hindi kailangan na pangibabawan at alipinin tayo ng ating mga nagawa o hindi nagawa sa nakaraan. Huwag nating payagan na makontrol ng mga panghihinayang at mga hinagpis. Ito ay nakatakda at sadyang magaganap. Tanggapin ang mga ito nang maluwag sa puso at patuloy na mahalin ang buhay.

Ano ang bagay na magagawa ko upang maipadama ko ang aking pagmamahal?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment