Pabatid Tanaw

Thursday, August 08, 2013

Kidlat ng Pang-unawa




 Ang intuwisyon ay ang pakiramdam na alam mo kung papaano kumilos nang agaran, nang hindi kinakailangang malaman pa kung bakit.

Ano ba ang kahulugan ng Intuwisyon?
   Handa at mabilis na pananaw. Maagap na pang-unawa o pagkilala. Ito ang kapangyarihan at kakayahan ng isipan na magpasiya nang agaran at walang alinlangan o panghihimasok ng iba.
Laging tama at nasusubok sa dalawang mahalaga na paraan;
   Palagi itong tumutugon sa anumang kinahaharap mo.
   Palagi itong tumitiyak para sa iyong kaligtasan.

  Kailanman na kailangan nating magpasiya, higit na mainam na magtiwala tayo sa ating intuwisyon, sapagkat ang ating katuwiran ay lagi tayong pinipilit na ilayo sa ating pangarap. Madalas na nagsasabing maghintay, at hindi pa nasa tamang panahon. Ang katuwiran ay takot na mabigo, ngunit ang intuwisyon ay tinatamasa ang buhay at mga paghamon nito.


 Huwag nang pakaintindihin pa ang iyong isipan. Dahil pabagu-bago ito, mabagal at limitado lamang ang kakayahan. Ang pagtuunan mo ng atensiyon ay ang iyong intuwisyon. Kapag nalagay ka sa panganib o alanganing sitwasyon, mabilis itong kinokontrol ang iyong isipan upang magpasiya. Ito ang iyong kalikasan na kusang magtatanggol sa iyo upang ilayo ka sa kapahamakan.


   Ang katahimikan sa kaibuturan ng ating puso ay siyang pinakamahalaga na elemento sa paggawa ng mga kapasiyahan. Hindi natin talos kung papaano likhain ang katahimikan upang magawang makinig. Kundi ang tigilang mag-isip. Ang daigdig ay sadyang patuloy na pinagbabawalan tayo na magpakalunod sa walang hangganang posibilidad ng pananahimik. Palaging nakatuon tayo sa mga walang katuturan; masyadong sigurado tayo sa ating mga sarili; madaling maniwala at mahawa sa baluktot na mga kahalagahan ng ating lipunan.
   Mayroon tayong munting tinig na laging bumubulong. Ito ang gabay natin mula sa sansinukob. Ang kailangan lamang ay magawa nating makinig—damahin at pakiramdaman ito nang bukas ang puso. Kung minsan ang bulong nito’y biglang kislap ng pang-unawa o pagka-intindi. At minsan naman ay bulong nang pagkamulat, o alaala ng nagdaang kahapon na may leksiyon. Piliting pakinggan. Piliting makinig ng may puso nang hindi maligaw sa buhay. Pakatandaan: Ang tinig ng intuwisyon ay nagmamahal, nagmamalasakit, tama ang intensyon at pawang kabutihan ang tinutungo. Kapag salungat dito ang munting tinig, piliting iwaksi at ibaling doon sa may puso.
   Walang bagay na nagkataon lamang. Bawa’t bagay ay may pinanggalingan at kahihinatnan; anumang ginagawa mo ngayon, makakatiyak kang ito ang iyong magiging kinabukasan.
   Nalalaman nating palagi kung ano ang tamang daan na dapat taluntunin, ngunit pilit tayong naglalakbay sa daan na ating nakasanayan. Kung kaya’t marami sa atin ang naliligaw ng landas.

Ang katotohanan tungkol sa buhay at kasinungalingan tungkol sa buhay ay hindi nasusukat at itinuturo ng iba, kundi ang sariling intuwisyon na kailanma’y hindi nagsisinungaling.


   Kailangang sanayin mo ang iyong intuwisyon—kailangan magtiwala ka sa munting tinig na nanggagaling sa kaibuturan ng iyong puso, na nagsasabi sa iyo nang tahasan kung ano ang iyong sasabihin, ano ang iyong pipiliing kapasiyahan, at anong mga pagkilos ang iyong gagawin. Sapagkat ito ang iyong gabay sakalimang nangangapa ka pa sa dilim.


No comments:

Post a Comment