Pabatid Tanaw

Tuesday, August 27, 2013

Kahusayan sa Paggawa


Ang pinakamataas na gantimpala sa kapaguran ng isang tao ay hindi ang nakukuha niya mula dito, bagkus kung anong pagkatao ang nangyari sa kanya.

    Lahat tayo ay bahagi ng paggawa, ito ang nagbibigay ng pag-asa, pinagkakakitaan, at nagpapalakas sa ating mga katawan. Nasa ating mga pagkilos nakikilala kung papaano natin binibigyan ng pansin ang ikakatagumpay o ikakabigo ng mga gawaing ito. Anumang larangan o trabahong ating ginagawa, mayroon itong mga paraan upang mahusay itong maisagawa.
21 Paraan ng mga Mahusay na Gawain
 1-Gawing mahusay ang trabaho sa paghamon sa iyong kakayahan na higitan pa ang nagawa kahapon. 
 2- Gawing mahusay ang trabaho sa diwa ng pagtutulungan upang mapabilis ito. 
 3- Gawing mahusay ang trabaho sa pag-iwas ng mga kadahilanan para hindi ito matapos. 
 4- Gawing mahusay ang trabaho sa pagbuhos ng lahat na iyong makakaya at panahon. 
 5- Gawing mahusay ang trabaho sa patuloy ng paggawa nang walang pagliban. 
 6- Gawing mahusay ang trabaho sa ikakasiya at ikakatagumpay ng lahat. 
 7- Gawing mahusay ang trabaho sa paggawa ng mabuting halimbawa para tularan ito. 
 8- Gawing mahusay ang trabaho sa pagpapakita ng integridad at pagmamalasakit. 
 9- Gawing mahusay ang trabaho sa pagbibigay ng halaga at inaasahan mula sa iyo.  
10- Gawing mahusay ang trabaho sa matiyagang pagtuon dito nang walang abala. 
11- Gawing mahusay ang trabaho sa pagtupad ng iyong mga pangako para sa ikakatapos nito. 
12- Gawing mahusay ang trabaho sa pagsasanay ng mga katangian para lalong humusay. 
13- Gawing mahusay ang trabaho sa pagkakaroon ng malusog na katawan para ito maisagawa. 
14- Gawing mahusay ang trabaho sa pagkakaroon ng mabuting  panuntunang sinusunod sa paggawa. 
15- Gawing mahusay ang trabaho sa pagdaragdag ng kabatiran tungkol sa ginagawa. 
16- Gawing mahusay ang trabaho sa pagbibigay ng papuri sa iba bagama’t minimithi mo ito. 
17- Gawing mahusay ang trabaho sa layunin at mga kapakinabangang magmumula dito. 
18- Gawing mahusay ang trabaho sa paglikha ng solusyon kaysa maging bahagi ng problema. 
19- Gawing mahusay ang trabaho sa pagtuturo sa iba ng mga nararapat pang gawin. 
20- Gawing mahusay ang trabaho sa paglalaan ng sapat na pahinga para sa kalakasan ng katawan. 
21- Gawing mahusay ang trabaho sa paggawa ng kaibahan at inspirasyon sa iba na tularan ito.
Ang mabuting ideya ay 10 porsiyento at kalakip nito ang implementasyon at masikhay na paggawa, at ang suwerte naman ay 90 porsiyento

   Sa kabubuan ng iyong trabaho, marami itong daang-daan na posibleng mga kaparaanan at magagawang mga pagbabago o mga inobasyon; at sa dami ng iba’t-ibang mga tao na mayroon ding trabaho na tulad ng sa iyo, maraming kumbinasyon din ng kabatiran, sistema ng paggawa, tamang atensiyon sa gawain, kalakasan o kahinaan, at maging pagmamalasakit para dito. Ang kailangan lamang ay tamang pananaw, paninindigan at kasiyahang dulot nito para magtagumpay sa isang trabaho.

   Ikaw, papaano mo ba ituring ang iyong trabaho, nagkataon lamang ba ito o sadyang ito ang iyong pangarap na gawin? Dahil kung walang ningning sa iyong mga mata sa paggawa, at tuwing umaga ay kinakaladkad mo ang iyong mga paa papasok sa trabaho, aba’y magsimula ka nang mag-isip para magbago ng gawain, palitan mo na ito sapagkat sa kalaunan, mapinsalang karamdaman ang sasaiyo sa pagkabugnot at pagkabagot na naghahari sa iyong kalooban sa bawa't araw na nasa ganitong trabaho ka.

Kung mahal mo ang iyong trabaho, magiging maestro ka nito, subalit kung kinasusuklaman mo ito, siya ang iyong maestro.
   Ang matuto nang walang kaisipan ay isang kapaguran;  ang kaisipan na walang natututuhan ay kapahamakan.  Sa gawain, hindi basta lamang gumagawa, pinag-iisipan itong maigi kung mapapadali, makakatulong, at mapapakinabangan.

   Ang lunggati ay hindi ang mabuhay magpakailanman. Ang lunggati ay ang makalikha ng bagay na may alaala nito. Kaya nga, huwag basta pakatitigan ang orasan. Gayahin ang ginagawa nito. Magpatuloy sa pagkilos. Humanap ng gawaing kinawiwilihan mo at kailanman, hindi ka na magtatrabaho pa sa araw-araw ng iyong buong buhay. At siyanga pala, ang iyong sahod ay bonus na lamang.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment