Pabatid Tanaw

Friday, August 02, 2013

Magpatawad




Ang mata sa mata ay nagagawang mabulag ang buong mundo. At ang ngipin sa ngipin naman 
ay ang maging mga bungal ang magkalaban.

Kung nais mong lumipad, alisin mo ang mga bagahe na nagpapabigat sa iyo. Hindi ka makakakilos nang magaan kung puno sa galit ang iyong puso.Ang matagal nang kinukuyom na galit o sama ng loob ay mahalaga sa karamihan natin. Pilit nilang inaalagaan ang matandang alitan at madalas na inuusal ito sa mga nakakausap para sariwain at ipaalaala na sila’y hindi nakakalimot. Bahagi na ng kanilang gawain sa maghapon ang aliwin ang mga sarili sa panggigipuspos at pagkainis. Bukambibig nila ang mga reklamo, mga hinaing, at mga paninisi. Laging naghahanap ng mga kauri nila para ibahagi ang bigat na kanilang dinadala sa buhay. (Misery loves company). Kapansin-pansin din na ang mga usisero, usisera, at mga mahiligin sa tsismis ay kauri ng mga ito.
   Marami ang hindi nakakabatid na ang patuloy na pagtatanim ng galit ay sanhi ng maraming karamdaman. Ang istres o pagka-ligalig ay nagreresulta sa depresyon. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang kabutihan ng sarili at mga mahal sa buhay, inililihis nito ang atensiyon para sa matiwasay, maunlad, at maligayang pamumuhay. Hangga’t pinapasan natin ang bigat ng mga bagabag, mga pagdaramdam, at mga alitan, mistula itong mga tanikalang may pabigat at inilulubog tayo sa kumunoy ng kapahamakan.
   Kung pag-aaralan lamang, higit na makakabuti na alpasan at alisin na sa ating isipan ang mapaminsalang galit, pagkasuklam, at mga pagdaramdam. Sa dahilang ikaw ang higit sa lahat ang nasasaktan. Mistula itong kamandag na unti-unting lumalason sa iyong kalusugan at kapanatagan ng pag-iisip. Gayong ang iyong katunggali o kaalitan ay nagsasaya at nakalimutan na ito. Isang kahibangan na ipagpatuloy pa na aliwin at panatilihin ang pagkagalit kaninuman. Ikaw mismo ang nagpapahirap at gumaganti sa iyong sarili. Napinsala ka na, bakit hinahayaan mo pang patuloy kang masugatan at panatilihing sariwa ang iyong kapighatian sa tuwina?
Ang mabisang paraan para maging matiwasay at umunlad ang iyong sarili ay pawalan na ang anumang alitan. Pakawalan ang kamandag at magpatawad.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment