Pabatid Tanaw

Thursday, February 28, 2013

Magsimula na




Kailangan bang magpatuloy ako at maghintay upang matutuhang mahalin, gayong ang nais ko ay kumalas at lumisan na?

"Nasa linya ito ng, 'Ang mag-asawa ay hindi gawang biro, na madaling iluwa kapag napaso.' Pakawalan ang mga ligalig at tanggapin ang katotohanan, na may mga bagay na sadyang hindi nakaukol at mananatili sa iyo. Ang kapalaran ‘di mo man hanapin ay kusang dumarating. At nawawala ding kusa kapag walang nasumpungang pagpapala. Tulad ng nabanggit ko sa itaas, 'Bagay na hindi mo minamahal, tiyak na mapapanghal.'
Ang mga taong higit na makapangyarihan kaysa atin ay yaong ating iniibig. Manatiling nagmamahal sa pagpapakita at pagpapadama."

Madaling sabihin ngunit mahirap gawin. Papaano?

"Napakasimple lamang. Maging maunawain at mapagmahal."


Kailangan pa bang patawarin ko ang mga nagkasala sa akin?

"Kung nais mong maging maligaya, magpatawad ka.' Mahalaga sa lahat ito, at kinakailangang gawin. Sapagkat kapag natuklaw ka ng ahas, ang kamandag nito’y patuloy na lalason sa iyo hangga’t inaaliw mo. Lahat ng bagay ay lalong lumalaki kapag patuloy mong pinapansin ang mga ito. Nagkasugat ka na, huwag mo nang palalain pa ito sa mga alaala at pag-aalala.
Kung nagawa mong magpatawad ng mga kaaway, hindi mo makakalimutan ang kanilang mga pangalan. Sapagkat ang sugat na malalim, may peklat na maiiwan kapag gumaling."

Magmamahal pa ba ako, kung hindi naman niya ako mimamahal?

“Sa tagpong ito, lalo kang higit na kailangang magmahal, sapagkat ang pag-ibig ay iniingatan at inialagaan na tulad ng isang halaman na nasa paso; dinidilig, nilalagyan ng pataba, tinatabingan kapag naiinitan, at dinadamuhan, upang magpatuloy ang pamumulaklak nito.
Iwasan ang iba na maging iyong priyoridad kung ikaw para sa kanila ay isang opsiyon lamang.
Huwag iyakan ang mga bagay na natapos at nakaraan na, bagkus ang ngumiti dahil naganap ang mga ito. Sundin mo ang iyong puso at hindi ka maliligaw.”


Bakit kailangan nating makinig sa ating puso, sakalimang tayo ay umibig?

"Sapagkat, …kung nasaan ang iyong puso, naroon ang iyong kayamanan. Lahat ng iyng iisipin, pipiliin, hahatulan, papasyahan, at isasagawa, …lahat ng mga ito ay umiinog dito. Lahat ng bagay na iyong nakikita, nadarama, nasasaling, naamoy, natitikman, nalalasahan, at maiisip ay nagsimulang lahat sa PAG-IBIG. Ito lang ang kaya kong banggitin sa 'yo."

Matalinghaga ang pag-ibig, sinuman ay hindi ito makakayang ipaliwanag. Para sa iyo, ano ang kahulugan nito?

"Maraming kasagutan ang katagang PAG-IBIG. Maihahambing natin ito sa isang binuksang kahon ng iba’t-ibang kending tsokolate. Bawa’t damputin mo, may kanya-kanyang lasa, at nasa iyo ang panlasa kung ano ang magiging linamnam nito."

Narito ang isang munting aklat na isinulat ko. Pakibasa na lamang.
(pakitignan at basahin ang "Bigbook of LOVE" by Jesse Navarro Guevara



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment