Pabatid Tanaw

Thursday, January 17, 2013

Mahusay Ka



Anuman ang iyong ginagawa ngayon, malaking bahagi nito ang bumubuo at nagtatakda kung sino ang magiging ikaw. Ito ang iyong pagkatao, at ang tanging paraan lamang upang ito'y tuluyang maganap ay ang lubos mong paniwalaan na ang bawa't pagkilos na iyong ginagampanan sa maghapon ay patungo sa katuparan ng iyong mga pangarap.
Hangga't hindi mo ito pinag-uukulan ng ibayong pansin, maraming bagay ang mag-uunahang makuha ang iyong atensiyon at malagay ka sa isang patibong na kung saan hindi ka na makakaalpas pa. Marami ang naliligaw ng daan at hindi alam kung saang direksiyon sila patungo. Kinakaladkad nila ang kanilang mga paa paggising sa umaga para pumasok sa mga gawaing hindi nila pinangarap at nagkataon lamang. Napipilitan at tuluyang tinanggap ang hatol ng tadhana. Nananatiling nakatago ang kanilang musika sa puso at kasamang naililibing sa kanilang paglisan.
Marami ang ayaw nang tumindig kung saan sila nadapa, at ayaw baguhin ang nakasanayan na. Anumang gawain hangga’t makakaraos sa araw-araw na pangangailangan ay bastante na, puwede na, at makapagtitiis pa. Nagpupumilit na mamuluktot kapag maikli ang kumot. Maliliit lamang ang mga pangarap at mababaw din ang mga kaligayahan. Hindi kataka-taka na sa katagalan, ang kagawiang ito ay makasanayan na. Ang kawalan ng pag-asa ay isang mapanganib na sakit na napakahirap malunasan. Isang sugat ito na patuloy na nagnanaknak. Marami ang nalululong sa mga masasamang bisyo, sugal, depresyon, at miserableng buhay matakasan lamang ito. Gayong ang binhi para ito malabanan at tuluyang maiwaksi ay ang alamin kung sino kang talaga, ano ang iyong mga nais, at saan ka pupunta.
Kung alam mo kung ano ang iyong mga pangarap, at nakahandang matupad ito, lahat ng mga gawaing nakaukol dito ay puspusan mong isasagawa. Dahil kapag naiibigan mo ang iyong gawain at nakakawili na para sa iyo ang gawin ito, isa na itong libangan. Ang sahod o salaping kasunod nito ay bonus na lamang.

Bakit hindi mo apuhapin sa iyong puso ang binhing ito? Matagal nang hinihintay ka nito, kumakatok na dinggin mo siya at palayain … upang ganap mong makilala ang iyong tunay at wagas na pagkatao.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment