Pabatid Tanaw

Friday, January 11, 2013

Mapanganib ang Marantanan ng Ratratan



Ilang araw ding laman ito ng aking isipan, hindi ko mapigilan ang malungkot sa kalagimang sinapit ng 13 katao na napatay sa Atimonan, Quezon. Lubos din akong nakikiramay sa mga naulila at naiwanan nitong mga kapamilya at kaanak. Nadarama ko ang kanilang kapighatian at pagngangalit ng mga bagang sa maramihang pagpatay na ito na kahina-hinala. Pinilit kong limutin at ituring na isa na namang bahid ito ng karahasan sa ating lipunan, at tulad ng dati, mauuwi lamang ito na isang bilang at malagim na alaala.

Kung wala namang kikibo, sino ang kikibo para sa atin, sakali namang mangyari din ito sa akin, sa iyo, sa kanya, sa kanila, at sa marami pa nating kababayan na nagpupumilit lamang na mabuhay nang mapayapa? Papaano? Sino ang makikialam para sa atin, ang titindig at ipaglalaban ang ating mga karapatan?

Marapat Lamang na Isulat Ko Ito  
Tungkulin ng bawa't tunay na Pilipino na may pagmamalasakit sa ating bayan ang tutulan at makibaka para sa kapakanan at kapayapaan nito. Ang ipaglaban ang ating mga karapatan sa namumuong patuloy na kalagiman sa ating bansa. Bawa't isa sa atin, kahit na nasa ibang lupain ay pawang biktima ng mga karahasang ito. Naisin man o hindi natin, lahat tayo ay sangkot at apektado bilang mga Pilipino.

Ratratan: isang katagang palasak na sa paggamit ng malalakas na armas at maramihang pagpaslang. Narinig ko ito sa isang umpukan, “Huwag ka nang tumuloy, baka maratrat ka pa sa daan.” Nangyari ito dahil sa maramihan ding pagpatay sa daan noon sa Bataan, sa panahon ng panunungkulan ni Gobernador Efren Pascual. Naganap ito, matapos mapatay ng mga rebelde ang punong-imbestigador ng PC (Phil.Constabulary) na nakatalaga sa Kampo Tolentino sa Balanga. Isang umaga, mula sa bayan ng Dinalupihan sa hilaga patungong Balanga, lahat ng madaanang tao na naglalakad sa daan ay pinutukan ng mga armalites ng dalawang armadong nakaupo sa hulihang bahagi ng dyip habang humahagibis ang tulin nito. At marami ang napatay at mga nasugatan sa masaker na ito sa Bataan. Ang pangunahing suspek dito ay ang kapatid na sundalo ng namatay na punong-imbestigador.Walang naparusahan sinuman sa kalagimang ito.

Ang aksiyong ito ay tinaguriang ratrat, at mula noon, normal na ang mga katagang ratrat sa ating bokabularyo. Subalit ang gawin itong isang propesyon ng isang pinuno sa kapulisan ay sukdulan na sa panahong ito. 

Ang tanong; kung ikaw ay naglalakbay sa daan, nais mo bang maratrat kung may kahina-hinalang checkpoint at pinamumunuan ng isang Police Supt. na may pangalang Marantan (rant, ranter, ranting) at napakahilig sa ratratan na pawang mga kontrobersiyal? Talaga namang mararantanan ka na nang tuluyan.
Bilang mga opisyal na pulis (police officers) katungkulan nilang magbigay ng seguridad at kapayapaan sa mga mamamayan. Ang mawalan ng pagkaligalig at magkaroon ng katiwasayan sa buhay ay pangunahing misyon ng mga alagad ng batas, subalit kung mararatrat ka ng isang Marantan, papaano na? Dahil ayon sa kanila, “Dead man tell no tales."

Pagbatayan ang mga ito:
Noong ika-7 ng Nobyembre, 2005, sa may Ortigas Business District sa Lungsod ng Pasay ay napatay sina Francis Xavier Manzano, Brian Anthony Dulay, at Anton Cu-Unjieng habang nakasakay sa kanilang kulay maroon na Nissan Exalta, at ang may kagagawan nito ay mga operatiba ng PNP Traffic Management Group. At isa sa mga opisyal ng grupong ito ay noon pang Police Senior Inspector si Hansel Maratnan.
Ayon sa a kanilang police report ang tatlo ay mga pinaghihinalaang miyembro ng Valle Verde car theft gang at matagal na silang under surveillance. At natapos lamang ito nang sila’y pahintuin sa isang checkpoint at ayon sa mga pulis, naunang nagpaputok ang tatlo kaya sila ay napatay. Maganda at sadyang naaayon ang mga pagpapatibay ng mga paliwanag sa pulis operasyon na ito, na ito'y isang lehetimong labanan daw sa pagitan ng mga pulis at mga”kriminal”.
Dangan nga lamang, mayroong nakakuha ng video sa operasyong ito na taga UNTV na nagpapakita, na malapitang pinagbababaril ng mga pulis operatiba ang mga pinaghihinalaang tatlo na sakay ng kotse, at maliwanag pa sa sikat ng araw na ito’y tahasang pagpaslang sa walang kalaban-labang tatlo. Ang nakakasuklam pa dito, ipinapakita rin sa video ang pagtatanim ng mga pulis ng mga ebidensiya laban sa tatlo ng mga baril at mga fake car plates, sa lugar ng ginawa nilang krimen.
Sa ginawang reklamo ng mga kaanak ng mga biktima at malagihay na ngitngit ng balana o “naghihikab” nating publiko, suspensiyon lamang ang natanggap ng mga operatiba ng PNP Highway Patrol Group (HPG) at ng PNP Special Action Force (SAF). Sa bagsik ng mga humahawak at may koneksiyon sa grupong ito; nang humupa ang init, sila ay muling nabalik sa kani-kanilang posisyon at puwesto. Mula sa murder charges na demanda ng mga pamilya ng tatlong biktima ay nauwi at ginawa na lamang itong homicide. Nakabimbim pa rin ang kasong ito hanggang ngayon.
Sa pangyayaring tulad nito, ay nakakabahala ng talaga na may mga pinuno sa ating pamahalaan na kaysa isakdal at panagutin ang may pagkakasalang mga pulis na gumagawa ng ganitong mga karahasan sa karaniwang mga mamamayan, ay itinataas pa ang ranggo. Bagama’t may nakabimbing kaso si Marantan ay dalawang ulit itong nabigyan ng promosyon, kung kayat’t hindi katakatakang maging police superintendent (Lt. Colonel in military) siya noon pang 2009. Dahil dito, lalong naging mapangahas at maratrat itong si Marantan.
At noong ika-5 ng Disyembre, 2008, muli na naman pumaimbulog sa madla ang ginawa ng kanyang grupo sa brutal na pagpatay sa mag-amang Alfonso de Vera, 53, isang nagbabakasyon na seaman, at ng kanyang anak na si Lia Allana, 7 taong gulang sa United Paranaque Subdivision 4 sa lungsod ng Paranque. Patungo ang mag-ama sa Pasay City para isakay ni De Vera ang kanyang maybahay, nang akalain nina Marantan na ang sinasakyan ng mag-ama, ang  Isuzu Crosswind na isang getaway car ng grupong Waray-waray at Ozamis (Alvin Flores robbery group) na kanilang pinahinto sa inihalang na checkpoint at walang awang ratratan ito.
Sa kabila ng pagmamakaawa ng duguan at nakaluhod na si De Vera na itigil na ang pagpapaputok sa kanilang mag-ama, tinadtad pa rin ito ng mga pulis na lumikha ng 80 butas sa kanilang sasakyan. 

Habang nilalakad nila Marantan na maging lehetimong operasyon ang nangyari sa may Ortigas na laban sa isang car-jacking syndicate ang napatay na tatlong tao, walang hustisya at kapatawaran naman kung sakaling malusutan ang pagpaslang kay De Vera at sa kanyang anak.
Ayon sa mga testigong sina Hilario Dauz Indiana at Ronald Castillo, sina De Vera at ang kanyang anak ay hindi napatay sa barilan, dahil kumpletong nakubkob na ang pook ng mga pulis at wala ng putukang nangyayari pa, nang maparaan ang sasakyang Isuzu Crosswind ng mag-ama at biglang paputukan ito, at ang unang tinamaan ay ang anak na si Lia. Binanggit pa ni Castillo na bumaba ng sasakyan si De Vera upang tulungan ang anak, subalit sinundan siya ng mga pulis at binaril sa ulo. Sa dami ng balang pinaputok at bumutas sa sasakyan, nagpapatunay lamang na maraming pulis ang matiyagang pinatamaan ito. 
Sa pinalilitaw na “shootout” na ito, labing-anim (16) na katao ang napatay, kabilang ang mag-ama.
Isa daw itong “police legitimate shootout” at ikinabahala ng Departamento ng Katarungan (DoJ) kaya inutos ang pagsampa ng reklamo laban sa 25 pulis na kasama ng pulis opisyal na si Marantan bilang two counts of murder matapos ang dalawang taong pagsisiyasat. Noon pang 2008 ito at wala pang malinaw na resulta mula dito, katulad ng Maguindanao masaker na may 58 katao ang napatay nang walang kalaban-laban, nakaluhod, at mga nagmamakaawa din na naganap, at kahalintulad din na isang lehetimong police checkpoint.
At noon namang Oktubre, 2010, nasa balita at bukambibig na naman si Marantan at ng kanyang grupo sa 415th Provincial Mobile Group sa ratratang naganap na ikinasawi ng walong (8) sinasabing mga miyembro ng isang kidnapping syndicate sa isang checkpoint sa harapan ng kanyang headquarters sa bayan ng Candelaria, sa Quezon.
Hindi na ito isang normal at lehetimong operasyon ng pulis, isa na itong ritwal; ang paghahalang ng checkpoint at kasunod ang maramihang pagpatay bilang “shootout”. Tulad ng kati sa balat, kapag ito’y nangati, lubos na kasiyahan ang kamutin ito ng taong nakasanayan na ito. 

At ilang araw lamang na nakakaraan, noong ika-6 ng Enero, isa na namang masaker ang naganap, at ito'y sa bayan ng Atimonan, Quezon. Labing-tatlong (13) katao ang napatay sa dalawang SUV na sasakyan, at ito’y mula na naman sa inihalang na tatlong checkpoints sa pagitan ng mga bayan ng Plaridel at Atimonan. Sa mga napatay, tatlo ang pulis, ang isa ay police superintendent, dalawang miyembro ng militarya, isa ang aktibo sa kalikasan, at mga karaniwang sibilyan. Tinadtad ng 186 na bala (PNP version) at 213 na bala naman ang bersiyon ng NBI ang unang sasakyan at 50 naman sa pangalawa na hindi nagawang buksan man lamang ang mga bintana nito. Nakakahindik ang ginawang pagbistay sa mga sasakyan, at talagang hindi bubuhayin ang mga nakasakay. Mayroon pang may tama sa pagitan ng mga mata. Sinasabing ang pinaghihinalaang grupo na ito ay“gun-for hire”, at sadyang nakapagtataka, kung bakit ang nakumpiskang 14 na mga baril ay 13 ang mga lesensiyado, pito rito ay may permit-to-carry, at nakarehistro ang dalawang sasakyan. "Gun for hire" daw ang mga ito. Hindi ganito kumilos ang tunay na mga kriminal na lehitimo ang mga pagkakakilanlan.
 
Ang pinakamataas na pinuno sa “checkpoint” na ito ay si Philippine National Police Superintendent Hansel Marantan, na ayon sa hepe ng PNP na si Heneral Alan Purisima ay hindi “authorized” na magmando (manning) ng checkpoint, lalo na kung hindi nakauniforme. Ang katungkulan niya ay intelligence officer at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na estasyon ng pulisya bago gumawa ng hakbang. Hindi ang maglagay ng mga checkpoints sa daan. At ayon naman kay Sekretarya Leila de Lima ng DoJ, “Hindi ba ang yunit ng intelihensiya ay kinakailangang magsinop lamang ng mga inpormasyon, at kailangang ito ay ipasa - at kung may nakuhang matatag na katibayan (validated facts) mula sa pagsasaliksik ng intelehensiya - ang karapatdapat na yunit ang siya namang magsasagawa ng kinakailangang field operation, ito ba ang siyang naganap?" 

Sa mga nagsagawa ng checkpoint, ang 15 ay mga pulis at iisa lamang ang naka-uniporme at ang karamihan ay mga sundalo ng Philippine Army.
Walang karatulang inilagay bilang babala para magpahinto ng sasakyan 500 metro bago marating ang checkpoint at 500 metro din matapos makalampas, na nagsasabing bagalan ang sasakyan para masiyasat. At wala ring PNP marked  vehicle na nakaparada, gayong mahigit na 50 armadong katao ang nakakalat sa paligid at nag-aabang. Ito ay lantarang paglabag sa procedures ng Checkpoint Proper Rules and Regulation.

Ang makalimot sa nakaraan 
ay muling mauulit sa kasalukuyan. 
 
Kung sino ang unang pumiyak, siya ang may kasalanan. Tulad ng inaasahan, isa sa mga nanguna na pumupuri sa naganap na “shootout” ay si Senador Ping Lacson, na nasangkot din sa isang “shootout” na binansagang “rubout” ng taon sa Kuratong-Baleleng masaker noong ika-18 ng Mayo, 1995, sa Commonwealth Avenue, Quezon City, na kung saan labing-isang katao (11) naman ang napatay.  Ilang oras matapos mangyari ito, ay madaliang nagsagawa ng press conference sina PNP Chief Superintendents; Panfilo ‘Ping” Lacson, Jewel Canson, Romeo Acop, at Senior Superintedent Francisco Nubla. Ipinahayag nila na ang mga napatay ay mga miyembro ng Kuratong Baleleng gang, at isang lehetimong operasyon ito ng pulisya.

Ganito rin ngayon. Kaya nga kahinala-hinala na ilang oras lamang ang nakakalipas sa brutal na insidente sa Atimonan ay nagpahayag na ang Deputy presidential spokesperson, na si Abigail Valte ng Malacanang na ang maramihang pagpatay sa Atimonan ay isang lehetimong operasyon ng pulis, na ikinamatay ng labintatlong (13) katao. Subalit nang tutulan ito dahil kahina-hinala at talagang nakapagtataka ang "barilan", sapagkat sa dami ng napatay na "nakipagbarilan" isa lamang nasugatan sa panig ng pamahalaan, ang kontrobersiyal na si Maratnan. At sa binti pa ang naging tama. Mabilis ding binago ng Malacanang ang unang bersiyon nito sa patayang naganap at nangakong paiimbestigahan itong mabuti (tulad ng dati), ayon pa rin sa isang spokesman ng palasyo sa may tabing ilog.

Doon sa Kuratong-Baleleng, kinabukasan pa lamang ay may lumantad na, isang tabloid photographer, si Armando Capili, at nagpatunay na hindi isang “shootout” ang naganap, bagkus isang “rubout” o maramihang pagpatay na ang idinadahilan ay nakipagbarilan. Ayon sa kanya, nakita niya na ang karamihan sa mga bangkay ay nakaposas ang mga kamay sa kanilang mga likod, at dalawang pulis ang naglagay o nagtanim bilang ebidensiya ng dalawang armalites sa loob ng tinadtad sa bala na sasakyang van. Marami ang hindi makapaniwala sa iniulat niyang ito, at gaya ng inaasahan halos lahat ng matataas na pinuno ng kapulisan at mga kasabuwat na mga pinuno sa pamahalaan ay nagpabulaan na hindi totoo ito at isang malaking kasinungalingan. 

Subalit tatlong araw lamang ang nakalipas, ay isang pulis, si Eduardo de los Reyes ang nagtungo sa
ABS-CBN at buong linaw na ipinagtapat na isang ratratan (summary executions) ito. Kasama niya noon ang isa pang pulis na si Corazon de la Cruz para gumawa at mag-ulat ng isang false report. Sa ginawang salaysay ni Reyes, ipinaliwanag niyang hinuli ang 8 katao noong buhay pa ang mga ito at dinala sa Kampo Crame, at dito ay isinama ang dalawa pang naunang nahuli. Ang sampung ito ay sama-samang isinakay sa van at dinala sa Commonwealth Avenue at doon pinatay.
Gaya ng nakagawian, at ritwal na ginagawa ng ating pamahalaan, kapag medyo nagising ang bayan at tumututol sa bersiyon ng kapulisan, ay paimbestigahan ito sa NBI. Dito sa Kuratong-Baleleng ay humalo ang Senado para sa pogi points, inirekomenda kay Ombudsman Conrado Vasquez at itinuloy niya ito sa Office of Military Affairs, ipinasa ito hanggang makarating sa Sandiganbayan. Katakot-takot na ebidensiya, at napakaraming tumestigo na karamihan ay mismong mga pulis din na sangkot sa paghuli ng buhay sa mga biktima, tulad ni Police Inspector Ysmael Yu, sa kanyang sinumpaang salaysay nang hulihin niya ang 8 biktima sa Superville Subdivision. Sa madaling sabi, pinagpasa-pasahan ang paglilitis hanggang sa maghikad at antukin ang publiko at mailibing ito sa limot.

Katulad ni Marantan, Philippine National Police Superintendent din noon at hepe ng Anti-Bank Robbery Task Force si Ping Lacson. Gaya ng inaasahan; kaysa panagutin sa pagkakasala, ay ginawa pang PNP Chief, at ngayon ay isa ng “kagalang-galang” na senador ng ating bansa. Onli en da Pilipins.
 
Pangalawang tanong: Ganito ang madalas na ginagawa sa ating hustisya, papaano makakatiyak na magkakaroon ng katarungan ang pagkamatay ng 13 katao sa Atimonan, Quezon? 

Bigkas ng isang opisyal na pulis, isa lamang ang kanilang target, nadamay lamang ang labing-dalawa (12) tao na kasama bilang collateral damage.

Kapag marami ang tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan sa ating lipunan sa kabila ng mga karahasang ito at nananatiling, bulag, pipi, at bingi pa rin magpahanggang ngayon, normal at tama lamang na anihin at malasap ang ganitong mga kaganapan sa ating paligid.

Kung sa isang bansa ay patuloy ang laganap ng mga katiwalian, kabuktutan, karahasan, at mga kalagiman, pagpapatunay lamang ito na pangunti na nang pangunti ang bilang ng mga mabubuti.

Anuman ang kahinatnan ng mga imbestigasyon ginagawa ngayon sa maramihang pagpaslang na ito sa Atimonan, pakatandaan lamang kung ikaw naman ang maglalakbay sa daan, palaging idilat na mabuti ang mga mata at manatiling handa ... kapag may "checkpoint" na nakahalang sa daan.

Kung may Ping (putok ng baril) at Marantan (ratratan) na mga uri ng pinuno sa ating bansa, papaano na tayo ngayon?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

No comments:

Post a Comment