Pabatid Tanaw

Monday, September 03, 2012

May Karelasyon Ka Ba?




Ang kalusugan ang pinakadakilang regalo, ang katiwasayan ang pinakamahalagang kayamanan, at ang katapatan ang pinakamahusay sa pakikipag-relasyon.


Sa pakikipag-relasyon, ang ilan sa mga pinakamalaking paghamon ay nanggagaling sa katotohanan na karamihan sa mga tao ay nakikipag-relasyon para may makuha na mga pakinabang: Nagpupumilit silang may makatagpo na magagawang maiparamdam na sila ay mabuti at kaibig-ibig. Pinipilit na maikubli ang tunay na hangarin; ang may mapala sa relasyon. Sa katotohanan, ang pinakamabisang paraan lamang sa relasyon upang magtagal ay tunghayan ang relasyon na isang pook na iyong mapupuntahan, kung saan ikaw ang nagbibigay, at hindi isang pook na iyong pinuntahan para may makuha.



Inilaan ko ang aking sarili sa iyo nang naaayon sa relasyon na inaasahan kong makakamtan mula sa iyo.

Dalawang susi ang mahalaga nating tandaan: KAMALAYAN at PAGPILI. Kung mayroon kang kamalayan sa iyong likas na mag-reaksiyon kaninuman, magagawa mong piliin ang pagtugon nang higit na epektibo – na kadalasan ay nasa tamang pananaw at nakakatulong.
   Ang karaniwan na biglaang pagtugon ay otomatiko, palasagot, at nakabase sa reaksiyon at kahatulan. Ang resulta nito kadalasan ay hindi mabuti at nagbubunga lamang ng kapahamakan. Samantalang ang alternatibong pagtugon ay maalalahanin, may pagkamalay at nakabase sa tamang pagpili. Ang resulta nito kadalasan ay katanggap-tanggap at epektibo.
   Sanayin ang sarili na maging gising sa iyong otomatikong reaksiyon at kaisipang mapaghatol, itinutulak ka ng mga ito sa kapahamakan. Sa halip, ibaling ang intensiyon na piliin ang pagtugon.
  

   Ang pangkalahatang hamon ay tiyakin kung sino ang namamayani: Ang iyo bang kaisipang otomatiko o mabilis na kahatulan; o ikaw mismo ang nangingibabaw at may paglilimi sa iyong mga pagtugon?
Pakatandaan ito: Mayroon akong pagpili, mayroon kang pagpili, at lahat tayo ay mayroong pagpili. Nasa ating kapangyarihan na piliin ang higit na tama at hindi mula sa bugso ng damdamin; na kadalasan ay nauuwi sa kapahamakan at ibayong kapighatian.
   Ang iyo bang relasyon sa iba ay pangunahing nakabase sa iyong mga paghatol sa kanila, maging ito’y positibo o negatibo? Kung ang iyong sagot ay, “Oo,” salamat sa iyong pagiging matapat. Ang katotohanan, para sa ating lahat, ang ating pagtrato sa ibang tao ay nagmumula sa paghatol natin sa kanila, kahit na iniisip nating sila ay tama o mali, kahit na sumasang-ayon tayo o hindi sumasang-ayon sa kanila.
   Kung minsan ang ating hilig na manghatol ay nasa katwiran. Nais nating maitama at maisaayos ang iba sa mga sitwasyong nakakaapekto sa atin. Sa hangad nating makaiwas at hindi mag-alala, nagiging mabilis ang ating pagpapasiya. Gayong kadalasan, ang hilig na manghatol ay lumilikha ng malaking kapinsalaan para sa atin at maging sa iba. Kapag ito’y tungkol sa pamilya, mga kaibigan, kasamahan sa trabaho, mga parukyano, ang pakikipag-relasyon ang higit na mahalaga, kaysa pagtatasa kung gaano tama o mali ang ibang tao. Sa pagkakataong ito, nakalaan tayong tuparin ang 100 porsiyentong responsibilidad para sa relasyon, nang walang hinihintay o anumang kapalit.
   Karamihan sa atin ay nababatid na ang ating mga relasyon sa iba ay mahalaga. Maraming tao ang nag-aaksaya ng mahabang panahon sa trabaho kaysa sa mga ibang bagay, at kailangang makagawa ng solidong pakikisama para magtagumpay sa organisasyon. Dito nakasalalay ang reputasyon at inaasahang mga promosyon. Batid din natin ang ating mga pakikipag-relasyon sa ating kabiyak o kasintahan, sa mga magulang, sa ating mga anak, at sa ating mga kaibigan na nagsusustena at pangunahin sa kaganapan ng ating pagkatao. Gayunman, karamihan sa atin ay hindi pinahahalagahan ang ibang aspeto ng relasyon – ang kalakasan ng pakikipag-relasyon, kalakip ang ginagawa nating mga pagkilos, ay siyang nagtatakda ng mga resulta na ating nakakamit – sa lahat ng antas sa ating pamumuhay. Narito ang makapangyarihang pormula para sa tagumpay:

AKSIYON + Mga PAKIKIPAG-RELASYON = Mga RESULTA

   Kailangan nating ganap na pahalagahan ang importansiya ng pakikipag-relasyon sa bawa’t makabuluhang gawain. Sa katunayan, ang pantay na pagtatalaga na magkalakip ang mga aksiyon at mga relasyon, kailanman ay hindi nakapagdudulot ng kapahamakan, ay isang mabisang susi sa tagumpay. Karamihan sa atin ay malinaw na nakikita ang koneksiyon sa pagitan ng aksiyon at mga resulta. Ang hindi natin nakikitang malinaw ay ang koneksiyon sa pagitan ng mga relasyon at mga resulta.

Kung may mga katanungan, ay mayroong mga kasagutan.
   Gaano karami ang mga pagkakataon na iyong napalampas na tunay na magagawa at higit na magbubunga kapag itinalaga mong kumilos nang puspusan, ngunit hindi ka masigla at maligamgam sa paggawa, o walang kabatiran at hindi nauunawaan, na ang kritikal at mahalagang pakikipag-relasyon ay ang makamtan ang mga resultang ito?

LIKHAIN ang makapangyarihang pakikipag-relasyon sa ibang tao, nang sa gayon ay makatulong sa iyo na makamit ang lahat mong mga naisin sa bawa’t dominyon ng iyong buhay.

pag-ibig
trabaho
pamilya
pamayanan
sosyal
ispiritwal
pinansiyal
at rekresiyonal

   Ang tuparin ang responsibilidad para sa relasyon . . . ay sadyang simpleng pagkilos at kung hindi tayo maingat ay makakaligtaan natin ito. Ang simpleng katotohanan ay kaakibat nito ang kahirapan sa pagtupad, dahil nangangailangan ito ng mabisang kaisipan at kapasiyahan.
Papaano? Kailangan nating tratuhin ang ibang tao nang may dignidad at respeto kahit na nalalaman nating wala silang karapatan, o kahit na maging may mga taong nagsasabi na hindi sila mga karapatdapat na pag-ukulan na anumang atensiyon o munti mang paggalang.

Sapagkat . . . ang buhay ay mistulang alingawngaw – anumang iyong ipinadala ay muling magbabalik.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Halaw at pinalawak mula sa Simpleng Katotohanan
na ipinadala ni Jell M. Guevara ng Lungsod ng Dagupan, Pangasinan 

No comments:

Post a Comment