Pabatid Tanaw

Wednesday, August 08, 2012

Kalayaan ang Katotohanan


Kung ang katotohanan ay nasa panig mo, hindi mo na
kailangan pang ipaliwanag na ikaw ay tama.

24- Italaga na maging totoo sa sarili at walang bahid-dungis ang iyong mga pananalita.

Pakatandaan na ikaw ay isang milagro, pambihira, banal, at perpektong ipinapahayag ang iyong sariling buhay. Huwag pabayaang iba ang nasusunod at nagdidikta ng lahat tungkol sa iyo. Lalo na ang panggagaya at mapag-balatkayong personalidad. Ibinubulid ka lamang ng mga pagkukunwari sa mahapding mga kapahamakan. Kailanman huwag mong baguhin kung sino ka para matanggap at masunod ang hubog na nais ng iba para sa iyo. Iwasan na umaasa at tagasunod sa kagustuhan ng iba. Alalahanin na ang iyong buhay ay limitado, kaya nga huwag sayangin ito na ipinamumuhay ang buhay ng sinuman. Iwasang mahuli sa patibong ng mga palsipikadong dogma o balintunang mga kautusan ng simbahan. Huwag hayaang ang mga ingay at sulsol na opinyon ng iba ay nilulunod ka ng kanilang mga sariling tinig. At ang pinakamahalaga, magkaroon ng katapangan na sundin ang iyong puso at intuwisyon. Kahit papaano ang mga ito ay tanging sa iyo at pinupukaw ang tunay mong kaganapan. Ang bawa’t bagay ay pangalawa na lamang.
   Kung ipinapahayag mo ang katotohanan, hindi mo na kailangan pang tandaan ang anumang bagay; dahil kailanman hindi mo matatagpuan ang iyong sarili hangga’t hindi mo hinaharap ang katotohanan. Tandaan, sinuman na hindi maingat sa katotohanan tungkol sa maliliit na bagay ay hindi mapagkakatiwalaan sa mga mahahalagang bagay. Ang pinaka-makapangyarihang relasyon na kailanman ay mayroon ka ay ang iyong relasyon sa iyong sarili. Ito ang iyong katotohanan.
   Ang buhay ay nagiging tunay na kahanga-hanga kapag tayo ay nakatono at napapaindak sa pagharap dito. Nagagawa nito na ipalabas mula sa ating kaibuturan ang lahat ng ating mga potensiyal na kaganapan. Sa katunayan, wala ng iba pang paraan na mapalitan ang karanasan at antas ng kasiyahan kung totohanan ang pagpupugay mo sa iyong sarili. Wala ng makakahigit pa dito.
   Ipamuhay na laging tama at nasa matuwid ang iyong mga ginagawa, hindi kung ano ang nais ng iba na dapat mong gawin. Huwag mong ikumpormiso ang iyong mga kahalagahan (values) para sa kanilang pakinabang. Ayos lamang ang makinig sa kanilang mga mungkahi o pagpuna, subalit sa bandang huli, nasa iyo pa rin ang kapasiyahan. Higit kaninuman, ikaw mismo ang mapapahamak at hindi sila kapag ikaw ay nabigo. Lahat ng mga sigalot o hidwaan na mayroon sa iyong buhay ay nangyayari lamang sapagkat wala ka sa tamang pagtunghay; hindi ka ganap na totoo sa iyong sarili. Madali kang makalimot at napapasunod ng iba sa kanilang mga kagustuhan. Kailangang tanggapin mo ang katotohanang responsibilidad mo ang iyong sarili. Ikaw lamang at wala ng iba pa ang may tungkulin para sa iyong sarili. Ito ang iyong katotohanan na siyang magpapalaya sa iyo.
   Kailanman huwag humingi ng paumanhin kapag nasasaksihan ang iyong mga kasakitan. Sapagkat kapag ginawa mo ito, pilit mong ikinukubli ang katotohanan. Maaaring makirot nang bahagya ang katotohanan, subalit ang kasinungalingan ay higit na mahapdi magpakailanman. Huwag ding kalimutan ang mga binibigkas ng mga tao kapag sila ay matinding nagagalit – sapagkat ito ang pagkakataon na ang katotohanan ay kusang lumilitaw.
   Ang maging tagasunod at mapagbigay sa kahilingan ng iba ay balintunang paraan ng pamumuhay. Unahin mong pasayahin muna ang iyong sarili, sapagkat kung ikaw ay masaya na, magagawa mong magpasaya ng iba. Dahil hindi mo maibibigay ang wala sa iyo. Ikaw lamang ang responsableng tao para sa iyong sarili. Ang iyong mga pakiramdam at damdamin  ay mahalaga. Ang ating sariling-paggalang ang siyang pumipili at naggagawad ng ating mga kapasiyahan. Anumang pagkilos ang ating ginagawa, ito ay umaayon sa ating tunay at wagas na pagkatao, at maging sa ating puso, ito ang nagpapalakas sa ating pagtitiwala at patuloy na paggalang sa sarili. Ito ang simpleng katotohanan. Bawa’t pagpili ay mahalaga. 
   Kung hindi ka lubos na komportable sa iyong sarili o maging sa iyong katotohanan at tunay na pakay kapag nais mong makipag-relasyon, ikaw ay hindi pa handa sa relasyong ito. Mistula itong kaning mainit na isinubo, ay iluluwa kapag napaso. Kapag hilaw at may alinlangan, huwag nang sumubok at makaiwas sa kapahamakan. Sa maganda at matibay na relasyon, kailangang higit mong mahalin ang iyong kasama kaysa kailangan mo siya. 

   Hanapin ang iyong katotohanan, narito ang iyong kapalaran. At manatiling bukas ang puso sa iba, sa mga pagkakataon, at mismong sa takbo ng buhay. Tanggapin ang mga dumarating, gaano man ito katamis o kapait, dahil narito ang iyong ikakatibay at ikakatapang. Ang karanasang dulot nito ay siya mong kalasag sa darating pang mga pagsubok. Hangga’t nalalagpasan mo ang mga ito, nakakamit mo ang iyong katotohanan. At ang mga nakatagong potensiyal na nasa iyo ay kusang lumilitaw nang higit pa sa iyong inaasahan. Lumitaw ka sa daigdig na ito para makamtan ang iyong dakilang katotohanan, ang ipamuhay ang iyong layunin, at walang takot itong gampanan.

Mula sa mga sandaling ito, sa bawa’t pagkakataon na nadama mong natatakot ka, paalalahanan mo ang iyong sarili na simpleng bagay lamang ito sapagkat nakadarama ka ng pag-aalinlangan sa iyong sarili. At ang katotohanan lamang ang makapagpapalaya sa iyo.

Mangahas na Magpakilala ng Iyong Katotohanan
Kapag ang bagong araw ay nagsimulang sumikat, mangahas na ngumiti nang may pasasalamat.
Kapag mayroong kadiliman, mangahas na manguna sa pagtanglaw ng liwanag.
Kapag walang katarungan, mangahas na manguna sa pagkondena nito.
Kapag may bagay na tila mahirap gawin, mangahas na tapusin kaagad ito.
Kapag ang buhay ay pinahihirapan ka, mangahas na makibaka at lagpasan ito.
Kapag tila wala ng pag-asa, mangahas na humanap ng paraan at magpunyagi pa.
Kapag nakadama ng kapaguran, mangahas na magpatuloy pa nang may kasiglahan.
Kapag ang mga pagkakataon ay mailap, mangahas na sumulong at magsikhay pa.
Kapag ang sinuman ay nakakaranas ng kasakitan, mangahas na damayan ito na malunasan.
Kapag ang kapwa mo ay naligaw, mangahas na tulungan ito na matagpuan ang daan.
Kapag ang kaibigan ay nabigo, mangahas na manguna sa paglawit ng kamay.
Kapag may nakasalubong, mangahas na magawang sila ay mapangiti.
Kapag nakadama ka ng kasiyahan, mangahas na madama din ang kasiyahang ito ng iba.
Kapag ang maghapon ay natapos na, mangahas na pakiramdaman ang nagawa mong kahusayan.
 ... Sa lahat ng ito, Mangahas na ipakilala mo ang kahusayan na magagawa mo.

Siya na nakakaranas sa pagkakaisa ng buhay ay nakikita ang kanyang Sarili sa lahat ng nilalang, at ang lahat ng nilalang sa kanyang Sarili, at nagmamasid sa bawa’t bagay nang may matang walang kinikilingan.

Sa lahat ng pagkakataon, saanman at kailanman . . .
Mangahas na gampanan ang iyong Katotohanan!

   Kung anuman ang nararanasan nating mga pagsubok at mga kapaitan sa buhay; kadalasan ay mga pagpapalang nakakubli at naghihintay lamang na malagpasan. Gumawa ng kasunduan sa sarili ngayon, na hindi ka nabubuhay para sa nakaraan. Lipas na ito at hindi na mababalikan pa. At hindi laging nakatingin at nag-aalala maging sa hinaharap. Walang katiyakan ito. Kung minsan ang pinakadakilang bagay na makukuha mo mula sa lahat ng iyong mga paghihirap at pagpupunyagi ay hindi ang mga gantimpala nito, bagkus kung anong nagawang kaganapan nito para sa iyong pagkatao.
   Kumilos ngayon din! Palayain ang iyong katotohanan! Ibahagi ito …  nang magkaroon ng liwanag.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
   -Kaya mo bang ihayag anuman ang nasa iyong kalooban at kahalagahan sa iba?
   -Anong trabaho ang iyong gagawin kahit na hindi ka bayaran?
   -Ano ang nais mo pang ipabatid tungkol sa iyo na hindi nalalaman ng iba?
   -May sapat ka bang kabatiran kung ano ang iyong mga paninindigan at mga ipinaglalaban?
   -Papaano maiiba ang iyong buhay kung lahat ng mga nakapaligid sa iyo ay bingi sa iyong mga pakiusap?
   -Mayroon ka bang mga libangan na naging gawain mo na?
   -Sinusubukan mo pa bang magtungo sa mga pook na hindi mo na kinagigiliwan?
   -Patuloy ka pa bang nakikiumpok sa mga taong kinabubugnotan mo?
   -May natatago ka pa bang mga katangian na nais mong masubukan? Bakit ayaw mo itong ilantad?
   -Napapako ba ang iyong mga pangako? At kung nagbibitiw ka ng pangungusap sa  iba, ito ba’y mula sa kaibuturan ng iyong puso? Pasaring? Patama? O, isang papuri?
   -Papano mo malalaman na may pagpapahalaga sa iyo ang mga karelasyon mo?

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

No comments:

Post a Comment