Pabatid Tanaw

Friday, July 27, 2012

Wagas na Mabuti


Walang bagay na makapagdudulot sa ating buhay, o maging sa mga buhay ng ibang tao nang higit na kagandahan kundi ang walang hanggang kabutihan.

29Italaga na mayroong pusong wagas at mabuting intensiyon sa bawa’t kapasiyahan at mga  pagkilos.

 Tatlong mga bagay sa buhay ng tao ang mahalaga: ang una ay maging magiliw; ang pangalawa ay maging mapitagan; at ang pangatlo ay maging mabuti. Alalahanin lagi na sinumang nakakasalubong mo ay nakikipagtunggali sa mabigat na labanan. Bawa’t sandali sa araw-araw patuloy ang mga pakikibaka, at upang magwagi, kailangang pumuwesto ka sa paggawa ng mga kabutihan.
   Pangunahin itong sandata para manaig ang katotohanan. Bantayan at ingatan ang kayamanang ito; ang kabutihang-asal. May kabatiran kung papaano magbigay nang walang anumang pag-aalinlangan, ang mawalan nang walang panghihinayang, at kung papaano magkaroon ng walang anumang kagaspangan.
   Walang maraming katiyakan ang buhay. Ang nakakatiyak; ay paggawa ng kabutihan na mahigit pa sa pagiging magiliw at maalalahanin. Ang mabuting ugali ay matatag na transpormasyon patungo sa ulirang buhay. Mapitagan at mapaglingkod. Mula sa pagiging ordinaryo ay nagagawa nito na maging ekstra-ordinaryo ang pagdadala sa sarili. Tunay ang mga pagkilos at nakatuon lamang sa ikakapayapa, ikakaganda, at ikakalugod ng lahat. Ang mga mabubuting kataga ay may pagsuyo, maikli at madaling bigkasin, ngunit ang alingawngaw ng mga ito ay sadyang walang hanggan, nanonoot sa kalamnan at gumigising ng lugaming pakiramdam.
   Ang kabutihang asal ay napakahalagang saloobin. Maaaring hindi nito malunasan ang malalaking problema na ating nakakaharap sa maghapon, subalit nakakagawa naman ito nang mahigit pang kahalagahan, ang makita ang mabuti sa kabila ng mga kapangitan at mga kabiguan. Pinalilinaw nito ang ating pangmasid kung ano ang tama at mali sa mga sitwasyon. Nagiging malaya tayo sa pagpili at kumilos nang matuwid at makatwiran. Ang kabutihan ang isang pinakamalakas na motibo para sa pagkakasundo, pagtutulungan, at pagsasamang maluwat. Nagagawa nitong maging matiwasay at may pag-asam ang dating masalimoot na sitwasyon.
   Ang mga gawang mabuti ay walang katumbas. Maliit na paglilingkod ito na makapangyarihan ang resulta. Ang isang simpleng pagkilos na mabuti ay karampot na pagod kaysa mahirap na paggawa na may masamang tangka. Maraming itong mga kasinungalingan na kailangang patotohanan. Subalit ang kabutihan, ay katulad ng isang mabuting binhi na ipinunla, yayabong at mamumunga ng mabubuting ani. Isang simpleng pagpili sa pagitan ng mabuti at masama, subalit ang kabutihan ay may maganda at mapayapang resulta.
   Kailanman huwag maliitin ang sinuman hangga’t hindi mo sila tinutulungang makatayo. Para makapanliit, kailangan mong maging maliit. Higit na mabuti ang ilawit ang kamay at batakin ang nais makaakyat, kaysa maging maingay at manhid ang mga kamay. Sapagkat ang maraming anyo at aspeto sa buhay ng tao, tulad ng haba ng buhay, malusog na katawan, tagumpay, kaligayahan, at kaganapan ay sadyang kanais-nais. Lahat ng mga ito ay nakabatay sa kabutihang-asal at may mabuting puso.
   Ito ang mahalaga: Sakalimang tuso ang isang tao, huwag siyang ipagtabuyan. Gisingin siya ng iyong mapitagang mga kataga, paglinawin siya ng iyong mga kabutihan, bayaran ang kanyang mga kasawian ng iyong kabutihan. Huwag siyang layuan at kamuhian; ang durugin at iwaksi ay ang kanyang katusuhan.
   Sa bawa’t araw, ang buhay ay hinahandugan tayo ng maraming mga pagkakataon para taluntunin ang matuwid na landas na may mabuting kaisipan at mga pagkilos ---nasa ating kapasiyahan kung wawasakin natin ito sa paggawa ng masamang paraan at mga kalapastanganan. Sakalimang nakalublob sa putikan at walang magawang kabutihan, hindi pa huli ang lahat para magbago. Dahil kung ipagpapatuloy, malagim na kapahamakan lamang ang naghihintay. Isang katalinuhan ang piliin ang maging mabuti, walang masyadong trapik ito at maluwag ang daan tungo sa tunay at wagas na direksiyon para sa iyong tagumpay.
   Wala akong kinaa-anibang relihiyon. Sa katunayan, ang pinaniniwalaan ko ay ang ispiritwal. Mga bagay na hindi nakikita at nahahawakan, subalit siyang mga pundasyon at pinakamahalaga. Katulad ng Pag-ibig, Paglilingkod, Pagtatama, Pagmamalasakit, Pagpapatawad, atbp. Ang sarili kong ispirito na naka-ugnay sa Dakilang Ispirito ang kumakatawan nito. Wala rin akong templo o simbahan. At walang mga dogma o makumplikasyong pilosopiya. Ang aking isipan at ang aking sariling puso ang aking templo. At ang tangi kong pilosopiya ay simpleng kabutihan.

Magkagayunman
   Kadalasan ang mga tao ay walang katwiran at makasarili. Gayunman ay patawarin sila.

   Kung ikaw ay mabuti, ang mga tao ay pararatangan kang may lihim na pakana. Gayunman ay maging mabuti pa rin.

   Kung ikaw ay matapat, ang mga tao ay aabusuhin at dadayain ka. Gayunman ay maging matapat pa rin. 

   Kung natagpuan mo na ang kaligayahan, ang mga tao ay maninibugho sa iyo. Gayunman ay maging masaya pa rin.

   Ang kabutihang nagawa mo ngayon ay malilimutan sa kinabukasan. Gayunman ay gumawa pa rin ng kabutihan.

   Ibuhos mo mang lahat ang iyong magagawa kailanman ay hindi pa ito makakasapat. Gayunman ay gawin pa rin ang lahat sa abot ng iyong makakaya.

   Idilat lamang ang iyong mga mata, dahil sa bandang huli, ang lahat ng mga ito’y sa pagitan mo at ng Diyos lamang. Gayunman hindi ito kailanman sa pagitan mo at ang mga tao.
Ang mabuting kataga ay lumilikha ng pagtitiwala. Ang mabuting kaisipan ay lumilikha ng kawatasan. Ang mabuting pagkagiliw ay lumilikha ng Pag-ibig.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
    -Ano ang pakiramdam mo kung nakakagawa ka ng kabutihan sa iyong kapwa? At ano naman ang iyong nararamdaman kung may pagkakasala kang nagawa sa iba?
   -Madalas ka bang nag-aalala at may mga bagabag sa mga bagay na nakaligtaan mong gawin?
   -Nakadarama ka ba ng kalungkutan kapag hindi ka nakakatulong at walang pakialam sa iba?
   -Naranasan mo na ba ang konsensiyang naninisi (guilty conscience) kapag napabayaan mong makagawa ng kabutihan?
  -Ang paggawa ba ng kaibahan sa buhay ng isang tao ay isang tungkulin mo?

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

No comments:

Post a Comment