Pabatid Tanaw

Monday, July 02, 2012

Nasa Pagkakasundo Lamang


Ang daigdig ay hindi isang problema, ang problema ay kung tulog ka.


   Kung tutuusin ang maliliit na bagay ay hindi mapapansin, ngunit kung patuloy itong binibigyan ng atensiyon, lumalaki ito. May bumigkas, "Huwag gawing malaking bundok ang tumpok na bahay ng mga langgam." Sa pagsasama, kung ang pansin ay nasa ikakaganda, ikakapayapa, at ikakaunlad ng bawa't kasama, wala ka ng panahon sa mga walang saysay at maiiwasang mga bagay. Narito ang isang halimbawa ng isang munting karaingan:

    Ang maybahay kasama ng kanyang asawa at dalawang anak, ay nakatira sa isang maliit na dampa sa isang bukirin. Nagkaroon ng malaking sunog sa bayan at nadamay ang bahay ng mga magulang ng kanyang asawa. Gabi na, nang lumikas ito sa kanila na bitbit ang ilang balutan ng damit at nakiusap na tumira sa kanilang maliit na dampa.
   Ilang araw lamang, ang mga pag-ubo ng dalawang matanda at kasikipan sa dampa ay hindi na makayanan pa ng maybahay. Sa kanyang desperasyon, nang sumunod na araw ay nagtungo siya sa punong-barangay, na kanyang kababata, at nakakalunas sa idinudulog niyang maraming mga problema. Matapos ipagtapat ang gumugulo sa kanyang isipan ay nagtanong kaagad ito, Papaano ngayon ang aking gagawin, hindi ko naman basta mapapaalis ang dalawang matanda, sapagkat wala itong matutuluyan pang iba, kundi kami na lamang.”

   “Mayroon ba kayong damulag?" Ang tanong ng punong-barangay.
   “Mayroon, si Kalakian, bakit at para saan ang damulag?” Ang pagtatakang tanong ng maybahay.

  “Kung gayon, ay ipasok mo ang damulag sa loob ng inyong dampa. At bumalik ka sa akin matapos ang isang linggo,” ang bilin ng punong-barangay.

   Bagama’t nalilito, sinunod ito ng maybahay. Ngunit hindi pa natatapos ang isang linggo ay rumaragasang nagbalik ito sa punong-barangay na nanggagalaiti sa inis. “Talagang hindi ko na matitiis pa ang kasikipan sa aming dampa,”ang reklamo ng maybahay, "Hindi kami kasya at nagsi-siksikan na kami!"

   “Mayroon ba kayong mga manok o iba pang mga alaga?”  ang tanong ng punong-barangay.
“Mayroon kaming walong manok , apat na itik, at anim na gansa,” ang pakli ng maybahay, “Ano ang gagawin ko tungkol dito?”

  “Tipunin mo sila at ipasok ding lahat sa inyong dampa,” ang mungkahi nito, “Bumalik kang muli sa akin makalipas ang isang linggo.”

   “Ano ba itong inuutos mo sa akin?” ang pagkabahalang tanong ng maybahay, “Aba’y mangangamoy na kaming lahat nito!” Magkagayunma’y nagpaunlak muli ang maybahay, dahil malaki ang kanyang tiwala sa kahusayan ng mga mungkahi ng punong-barangay.

   Makalipas ang isang linggo, dumating ang maybahay na nanggi-gigil na sa matinding galit at walang tigil na paninisi sa punong-barangay. “Sukdulan nang imposible pang malunasan ang problema sa aming dampa,” ang daing ng maybahay. “Ang aming dampa ay isa ng lubluban ng kalabaw, kulungang ng mga manok, naghahabulang mga itik, at pagkaiingay na mga gansa. Hindi na kami makatulog nang mahimbing sa kanilang mga kaingayan. At hindi ko na matatagalan pa ang kanilang mga amoy!”

   “Kung gayon,” ang pahayag ng pungong-barangay, “Ilabas mo na ang mga manok, mga itik, at mga gansa mula sa inyong dampa.”

    Madaling umuwi ang maybahay at mabilis na ginawa ang hatol, subalit sa pangatlong araw ay muli itong nagbalik at nagkuwento sa nangyari. “Naging matahimik ang aming bahay, dahil nawala na ang mga pagputak ng mga manok, pagkuwak ng mga itik, mga paghahabulan at kaingayan ng mga gansa. Medyo nakatulog nang kaunti ngunit hindi mahimbing.”

   “Kung gayon,” ang susog ng punong-barangay, “Ilabas mo na rin ang damulag mula sa inyong dampa. Sa aking palagay, malulunasan na nito ang iyong problema.”

   At ito nga ang nangyari, matapos mailabas ang damulag ay naging panatag at mapayapa na ang loob ng dampa. Wala na ang damulag, mga manok, mga itik, at mga gansa at ang buong mag-anak, kasama ang dalawang matanda ay mahimbing nang natutulog.  Hindi na rin pinapansin ng maybahay ang mga pag-ubo ng dalawang matanda, sa dahilang tuwing maiisip niya ang kaingayan ng kanyang mga alaga, mistulang musika na ang tunog ng pag-ubo sa kanya. At sa kasikipan, higit na matiwasay siya ngayon kaysa dati na kapiling ang mga hayop.

~~~~~~~
   Bawa’t bagay ay may kapupuntahan, kalalagyan at magkakasanga. Kung minsan, nakakalimutan natin na hindi lahat ay nakakapuwing, bagkus sa ilang pagsasaayos lamang ay magkakasundo na ang lahat. Kung nasa kama ka na huwag nang hangarin pa, na bumalik sa sahig. Kahit na maikli ang kumot, mainam na rin ito kaysa ang mamaluktot.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment