Pabatid Tanaw

Sunday, July 22, 2012

Ang Uling na Makasarili


  Wala kang matatanggap hangga't hindi ka nagbibigay. Dahil kung wala kang itinanim, wala ka ring aanihin.


 Madalas magsimba si Erning sa kanilang kapilya sa barangay Kupang. Subalit nang magsimulang mapansin niya si pastor Mateo na palaging paulit-ulit ang binibigkas na mga pangaral, ay tumigil na siya sa pagtungo sa kapilya.

   Isang gabi, sa kalamigan ng Disyembre, minabuti ni pastor Mateo na pasyalan si Erning sa bahay nito. Pagkabukas pa lamang sa pintuan ni Erning ay naibulong niya sa sarili, “Palagay ko, nagpunta ito dito para hikayatin akong bumalik muli sa pagsamba sa kapilya.” Kagyat na nag-aalala ito, na baka masambit niya ang mga nakababagot na mga sermon ng pastor. Kailangan makaapuhap siya ng magandang dahilan. At habang iniisip niya ang magiging katwiran, ay dinala niya ang dalawang silya sa kusina, malapit sa may apoy na kalan.
   “Dito po tayo Pastor, malapit sa kalan para mainitan. Maginaw kasi diyan sa may durungawan.”Ang wika ni Erning.

   Hindi sumagot si pastor Mateo. Manaka-naka'y nagkuwento si Erning ng kung anu-anong paksa upang masimulan ang kanilang pag-uusap. Patuloy na hindi kumikibo ang pastor. Napansin ito ni Erning, kagyat na tumigil siya sa pagsasalita at nakiramdam. Dumaan pa ang ilang sandali na nakaupo lamang sila, nanatiling nakatitig sa nagliliyab na mga gatong sa kalan. Nagpatuloy pa ang maraming sandali nang walang imikang namamayani sa dalawa.

   Maya-maya’y tumindig  ang pastor, dumampot ng isang kaputol na kahoy sa tabi ng kalan at ikinahig ito sa isang pirasong baga na nagliliyab palapit sa kanya. Inihiwalay ito mula sa apoy at inilagay sa tabi. Dahil wala na sa apuyan, unti-unting tumigil sa pagliyab ang baga hanggang sa maging uling ito.

   Mabilis na itinulak ni Erning ang uling ng kaputol na kahoy para mabalik sa tumpok ng mga nagliliyab na mga baga, para magbagang muli ang uling. Sa tagpong ito, ay tumindig na ang pastor, "Erning, magpapaalam na ako, mayroon pa akong dadaanan diyan sa may Wakas," ang wika nito.

   Nagtataka man, "Maraming salamat sa pagkakadalaw ninyo, pastor, " ang naging tugon ni Erning.

   Subalit bago lumabas ng pintuan ang pastor, ito'y nagpahayag; "Gaano man kaliyab ng baga, kapag inalis mo ito sa nagbabagang apuyan ay maaapula ang kanyang pagdiringas," at dugtong pa nito, "sa ilang sandali lamang ay magiging uling ito, ... at ito ang mahalaga; upang muling magbaga at magawa ang tungkulin niya, kailangang maibalik sa apuyan para muling magliyab."

   Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Erning at napatango ito sa naunuwaang pangyayari.

   "Papaano Erning, maaasahan ba kita sa darating na Linggo?" ang pakiusap ng pastor kay Erning habang papalabas na ito ng bahay.

    "Maaga pa pastor, ay naroon na ako." ang may kagalakang pagsang-ayon ni Erning.
~~~~~~~
Isa sa pinakamalalang sakit ay maging hindi kilala at walang pagkakakilanlan ng sinuman. Anuman ang katangiang o potensiyal mayroon ang isang tao, at malayo sa kapwa niya, kailanman ay hindi niya magagawang gamitin at paunlarin ang init at lagablab ng kanyang sarili. Walang sinuman ang makakayang mabuhay nang nag-iisa at maging maligaya. Ang pagiging makasarili ay kailangang matuklasan at maintindihan bago ito mabago. Isa itong ugali na magagawang palitan ng isa pang ugali; ang makipagkapwa at makiisa sa kagalingan at ikakaunlad ng lahat. Ang tagumpay ng isang tao ay nakasalalay dito. Kung ang kamangmangan ay nababago ng kaalaman, ang makasarili ay nababago naman ng Pag-ibig.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment