Pabatid Tanaw

Monday, June 18, 2012

Pilipinas Kong Mahal


   Isang pagpupugay sa ating minamahal na bansa. Ang lupang ating pinanggalingan at patuloy na naghahandog ng mga biyaya at pagpapala, anuman, alinman, saanman, at magpa-kailanman. Wala itong pinagpipilian. Lahat tayo ay IsangPilipino, sa diwa, sa puso, sa kaluluwa, at sa gawa.

   Anumang handog o regalong ating natanggap---kahit na ito ay alab ng pagmamahal, bukal sa pusong pagdamay, lubos na pagmamalasakit, haplit ng pang-unawa, at maging mga bagay o materyal na iniregalo---kailanman ay hindi natin mahahawakan. Pilitin man nating higpitan ang paghawak, ingatan o itago, lalong itong mawawala sa atin. Ang handog ay nawawala ang kahalagahan; at ang kapangyarihan nito'y wala ng lakas.

  Pag-ukulan ito ng pansin, dumukot at punuin ang isang kamay ng buhangin, kapag pinilit mong pigilan ang pagtapon nito sa pamamagitan nang pagkimis ng iyong kamao, lalong marami sa pagitan ng mga daliri ang nahuhulog. Ilatag at hayaan lamang na nakabuka ang mga palad at magkakadikit ang mga daliri, mahihinto ang pagkahulog ng mga buhangin.


  Ganito rin ang ating pagtunghay sa buhay; kapag maramot ka at may kahigpitan sa patas na bigayan, lalo ka lamang na mawawalan. Kung masiba o ganid ka naman, lalo kang iiwasan at pababayaan. Tamad ka at laging umaasa sa iba, hindi ka magiging tahimik at mapayapa kailanman.

   Tulad ng mga regalo, hindi ito itinatago at pinaluluma sa panahon. Ginagamit ang mga ito bilang pagpapahalaga sa nagbigay at inihahandog din sa iba. At patuloy na inihahandog muli sa iba pa nang walang hinto. At sa dami ng mga taong nabibiyayaan nito ay muling magbabalik ng higit pa sa nakalaan sa atin.

  Anumang bagay na ipinagkaloob sa atin, ay hindi ito natin pag-aari. Ipinahiram lamang ito tulad din ng ating hiram na buhay. Lahat ay panandalian lamang at may nakatakdang katapusan.


  Isang malaking kasalanan ang hindi gamitin ang iyong talento at nakatagong mga katangian. Ipinagkaloob ito sa iyo para magamit ang iyong katauhan sa paggawa ng kabutihan para sa lahat. Nasa paglilingkod lamang ang tunay na kaligayahang ating minimithi.

   Samantalahin natin ang pagkakataon ng magampanan ang pagpapahalaga sa regalong ito na ipinagkaloob sa atin. Ating tangkilikin, arugain, at pagyamanin ito upang makapaglingkod sa iba. Ang ating bansa ay isang regalo sa atin, at walang iba pa na katulad nito.

    Wala nang liligaya pa kaysa ang magmahal sa sariling atin, mula sa 7,107 na nakabibighaning mga pulo at naggagandahan nitong kalikasan ay sadya lamang na kagigiliwan. Ipinagbubunyi at ipinagkakapuri natin ito sa lahat ng tao, at saan mang panig ng mundo.

    Tanggapin natin na tunay tayong mapalad sa pagkakaroon ng isang bansang Pilipinas. Ang ating lupang tinubuan at kinagisnan na muling babalik-balikan ng walang pagsasawa at pagmamaliw.

   Ikaw, AKO, tayong lahat ay maluwalhating tinatanggap ang regalong ipnagkaloob na ito sa atin,
bilang mga tunay na Pilipino.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment