Pabatid Tanaw

Saturday, May 12, 2012

Kailanman ay Hindi Kita Malilimutan



   Ang Araw ng mga Nanay ay isang pagdakila sa pinaka-mahalagang tao sa ating buhay. Sa lahat ng tao na ating namulatan, ipinagkaloob ng tadhana, nakadaupang palad, at pinili nating maging kapamilya, ay wala nang makahihigit pa sa isang tao na ito, kahit na sino pa man na nabuhay at lumakad sa ibabaw ng lupa, noon, ngayon, at maging sa hinaharap pang mga panahon. Ang tanging tao na ipinain ang kanyang buhay, nag-aruga, nangalaga, patuloy na gumagawa at gagawin pa ang lahat para sa iyong pansariling kapakanan at kinabukasan: Ang iyong INA.

   Siya ang pinakamaganda, pinakamabuti, at pinaka-maaasahan sa tuwina. Ang may buong pusong dedikasyon sa kanyang tanang buhay na pangalagaan at idulot ang lahat para sa iyo; ang walang kamatayang pagmamahal na ipinagkakaloob lamang ng isang butihing ina sa kanyang anak.
   Nasaan tayo ngayon kung walang ina na nagsimula ng lahat; mula sa sinapupunan, sa kamusmusan, sa pangangalaga ng ating mga katawan, hanggang sa ating mga kakayahan at potensiyal. Ang namumukod tangi na nagsumigasig ng lahat para tayo ay maging mabuti, mapagmahal, umunlad at makapaglingkod sa ating kapwa.
   Anumang mayroon tayo ay sa kanya nagmula, at kung may mga pagbabagong naganap sa ating buhay sa ngayon, ay tayo na ang may kagagawan nito. Kung hindi natin papahalagahan ang kanyang mga nagawa; sa kapighatian ang tungo natin. Gaya ng kawikaan natin, "Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan." Subalit kung nananaig ang ating pagmamahal at pagkandili; ang magandang kapalaran ay laging naghihintay para sa atin. Alalahanin lamang; ang iyong mga anak naman ang papalit sa iyo, kahit sila ay mga paslit pa lamang ngayon, sa hinaharap, ay sila naman ang may kapangyarihan at kapasiyahan kung ikaw ay kukupkupin nila o ilalagak sa bahay ampunan.

   At anuman ang ating mga pagkilos, ipinadarama, at ipinapahayag, ay siya rin nating aanihin. Sapagkat tulad ng nasusulat, ang pagmamahal ay sinusuklian ng kapwa pagmamahal. 

Sa iyo aking mahal na INA,
   Ang ilang patak ng luha na ito ay dahil sa walang kahulilip na kaligayahan ko, kapag naiisip ko ang nagawa mo sa aking buhay, aking Nanay. Ang Kalangitan ay hindi langit para sa akin kung hindi kita matatagpuan doon . . .  

Mahal kita, mamahalin sa tuwina, at mamahalin pa rin magpakailanman!

Mabuhay ang Dakilang Araw na ito para sa iyo . . . 
Mahal kong Nanay!

Ako pa rin, 
Ang nagmamahal  ninyong ANAK

 

No comments:

Post a Comment