Pabatid Tanaw

Monday, April 30, 2012

Nasa Pangarap ang Simula ng Lahat



Kung walang Dakilang Ispirito na sumasanib sa iyo, ay walang
direksiyon din ang iyong mga pangarap. Sapagkat narito kung papaano ka Niya kinakausap, at kung ayaw mong pakinggan ito,
ay mga bangungot ang kapiling mo.

Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                        Baitang 9 
   Tinutupad ang mga Pangarap
  
Ang paglalakbay ng sanlibong milya ay nagsisimula sa isang hakbang.   –Confucius

   Hindi pinag-uusapan dito kung saan ka nanggaling; ang mahalagang punto dito ay kung saan ka pupunta. Sapagkat kung may pangarap kang matupad, ang iyong destinasyon ay nakasalalay dito. Walang kinalaman ang nakaraan mo, bagkus ang mahalaga ay ang iyong hinaharap. Hindi mo na mababalikan pa ang pinagdaanan mo at baguhin ito, subalit mababago mo ang iyong hinaharap kung tutuparin ang pangarap mo simula sa araw na ito.
   Kung nais mo ng mapahusay ang iyong buhay, kailangan paghusayin mo din ang magampanan ang pagtupad sa iyong pangarap. Nais mong magkatotoo ito, ang lahat ng iyong mga gagawin, ay nakatuon lamang dito. Tuklasin at pag-aralang lahat ang mga kinakailangang mga bagay sa iyong ikakatagumpay. Walang limitasyon ang iyong potensiyal na magawa ito. Mapag-aaralan mo ang lahat kung talagang nais mo ang kaganapan para sa iyong sarili, at makamit anumang lunggati na makakatulong sa katuparan ng iyong mga pangarap.
   Sa sandaling ikaw ay may pangarap at nagpasiyang simulang maisagawa ito, ang iyong tadhana ay nagaganap na. At kung ito ay nakabitin at naghihintay ng tamang panahon, ang iyong pagkakataon ay naglalaho, kawangis ng nauupos na kandila.

Ang limang kapasiyahan na may kontrol sa iyong mga pangarap:
1  Ang mga kapasiyahan tungkol sa nililikhang imahinasyon at ninanais ito.
2  Ang mga kapasiyahan tungkol kung ano ang pagtutuunan ng pansin at bakit.
3  Ang mga kapasiyahan tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pangarap na ito.
4  Ang mga kapasiyahan tungkol kung ano ang mga gagawin para likhain ang mga resultang nais makamit.
5  Ang mga kapasiyahan tungkol sa makabuluhang kalalabasan at kaunlarang idudulot nito

   Ang umasa ay ang makatanggap ng kabiguan. Walang katiyakan lahat ng mga pangyayari, subalit kailangang isaayos ang kaisipan upang subukang mabigo; dahil sa pakikipagsapalaran naroon ang tagumpay.  Kung walang mga pangarap, walang magaganap na kagitingan. At kung walang kagitingan, walang mapasisimulang mga pagkilos. Sapagkat kung nangangamba ka na hindi mo ito matapos at mapagod ka lamang, higit pa rito ang makakamit mo; ang manghinayang at magsisi sa habang panahon, dahil sa iyong mga kapabayaan.
   Huwag gayahin ang iba, na dahil lamang sa kinakatakutang  kabiguan, kailanma’y walang naumpisan o nasubukang anuman. Pawang paghihintay, pangamba, at pagaala-ala sa maghapon ang kasama. Walang mahihita sa patuloy na paghanga sa iba. Sa halip, tuklasin ang hinahangaang mga katangian at piliting matutuhan ito at gampanan ayon sa iyong kagustuhan. Tandaan lamang; walang mga pagkakamali; bawa’t karanasan, kahit na ito ay negatibo o nakapinsala, ay isang pagkakataon na matutuhan ang leksiyon  at sumulong pataas at marating ang mataas na antas ng kaliwanagan (enlightenment).
   Pakaiwasan na makagawa ng kapinsalaan sa iba, bawa’t kabuktutan na nagawa laban sa ibang tao, kahit na hindi sinasadya, ay matinding nakakaepekto sa tagumpay ng anumang gawain. Ang pagsasamantala, pananakit, pananakot, panlalait, at mga paghatol, sa karamihan ng tao, ay nakapagbibigay ng kasalanang konsensiya, at isa sa pinaka-mapangwasak na mga emosyon sa pagharap sa buhay.
   Itakda at matiyagang pag-ukulan ng panahon at ng ibayong kalakasan ang iyong mga lunggati. Walang humpay mong tuparin ang iyong mga pangarap. Huwag maghinawa, tumigil o mawalan ng pag-asa; hangga’t may pananalig ka, ang iyong tagumpay at kaligayahan ay abot-kamay mo na.Nakatuon palagi sa iyong pangarap, masigla, at may malaking pagtitiwala sa sarili na ito’y nakapagdudulot ng kagalingan at matatag na kakayahan na matupad ang lahat.

   Ilang Sulyap ng Pagtupad sa Iyong mga Pangarap
     -Ang matuklasan at makilala mo ang iyong sarili; pakawalan ang iyong potensiyal.
     -Ang matuklasan ang nakatago mong mga katangian; gamitin ang mga ito tungo sa iyong kaunlaran.
     -Ang buhay mo ay responsibilidad mo, at wala ng iba pa; simulang gampanan na ito.
     -Likhain ang iyong sariling kinabukasan; walang limitasyon ang iyong potensiyal.
     -Linawin ang iyong mga dangal at paninindigan: alamin ang tunay na nagpapaligaya sa iyo.
     -Itakda ang iyong mga tunay na lunggati; magpasiya sa sarili kung ano ang tunay na hangarin.
     -Limiin ang iyong mga paniniwala; piliin lamang ang mga positibo at makabuluhan.
     -Alamin ang kalagayan at dito simulan; maging matapat at nasa reyalidad ang lahat.
     -Alisin ang mga balakid na nakaharang; laging lunasan ang pumipigil sa gawain habang maliit pa ito.
     -Maging eksperto sa iyong larangan; nasa iyong kapasiyahan na maging mahusay para dito.
     -Makiisa sa mga tamang tao; makigrupo sa mga taong iyong huwaran, hinahangaan at iginagalang.
     -Laging nakatuon ang iyong atensiyon; pinasisigla nito ang iyong kamalayan at pagtitiwala.
     -Repasuhin ang iyong mga lunggati; Tiyakin sa araw-araw na patungo ka sa iyong destinasyon.
     -Gamitin ang iyong mahalagang panahon; iwasan ang mga walang saysay at umaagaw ng atensiyon.
     -Gumawa sa bawa't araw ng mga makakatulong sa iyo; iwasang mawalan ng kasiglahan at pag-asa.
     -Gawing lahat ang makakaya; magsikhay at magtiyaga hanggang sa magtagumpay.
     -Hilingin ang patnubay ng Dakilang Ispirito; damahin ang kalooban nito sa lahat ng sandali.
     -at, Maisagawang ipagpatuloy ang prosesong ito na bahagi ng iyong araw-araw na ritwal para      
        paunlarin at pagyamanin ang iyong kabatiran tungo sa TAGUMPAY.

Huwag Sumuko
May islogan na: “Ang umaayaw ay hindi nagwawagi, at ang nagwawagi ay hindi umaayaw!”

   May ibinigay ang aking ama na tula, "Huwag Umayaw!" noong ako'y nag-aaral pa sa elemetarya. Nangyari ito nang hindi ko matapos ang aking ginagawang parol at kailangan nang maisabit ito sa aming paaralan. Dahil dito, ay pinilit ko ang lahat ng aking makakaya na pagandahin ito at tapusin. At ako ang nakakuha ng unang premyo sa pagandahan ng mga parol. Salamat sa tulang ito, mula noon ay ginawa ko ng paalaala ang tula na ito sa tuwing nakakalimot ako. Narito ang pagkasalin ko:

             Huwag Umayaw!
Kapag  ang mga bagay ay namali, at ito’y minsang nangyayari,
Kapag ang daraanan ay sadyang matarik at may kahirapan,
Kapag ang pondo ay kinakapos at nabuntonan ng mga utang,
At nais mang ngumiti, himutok ang laging hingahan.

Kapag kailangang mag-ingat, ang madulas at madapa naman,
Magpahinga, kung kailangan mo, ngunit huwag umayaw.
Ang buhay ay mga pag-ikot at pagliko sa mundong ibabaw,
Na bawa’t isa sa atin ay minsang natututuhan na malinaw,

At marami ang nabibigo at bumabalik kaagad,
Gayong magwawagi kung nanatili at hindi umayaw;
Huwag sumuko kahit na tila mabagal ang pagkilos -
Gayong magtatagumpay ka sa isa pang ulos.

Kalimitan ang lunggati ay napakalapit na,
Subalit itong tao ay nahihilo at sumisigok na;
Kadalasan kaysa makibaka ay ang sumuko na,
Kung kailan makukuha na ang gantimpalang kopa,

At huli na ng malaman nang gumabing tuluyan;
Kung gaano siya kalapit sa gintong korona na makamtan.
Tagumpay na sana ay nauwi tuloy sa kabiguan,
Sa tinggang kulay sa ulap ng mga pag-aalinlangan.

At hindi kailanman maihayag kung gaano ka na kalapit,
Na tila malapit gayong ito’y malayo at hindi mahapit.
Kaya kumapit sa laban kapag nasasaktang malimit---
Kung kailan tila bigo ang kailangan huwag kang susuko!

   Sa ating araw-araw na gawain, ay hinuhubog natin ang ating mga buhay, at nililikha natin ang ating mga sarili. Ang proseso kailanman ay hindi natatapos hangga’t nabubuhay tayo. At ang mga pagpili at ginagawa nating mga kapasiyahan ay tandasang ating mga responsibilidad.

   Nasa regular na pagrepaso at pagsasanay lamang ng mga mungkahi na narito ang maghahatid sa iyo na makagawa ng mga ekstra-ordinaryong  pagkilos upang magkaroon ng ekstra-ordinaryong buhay. Wala ng makakapigil sa iyo na simulan mo na ito ngayon!  Tuparin ang iyong mga PANGARAP!

Ano pa ang hinihintay mo?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan, ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN


No comments:

Post a Comment