Pabatid Tanaw

Friday, April 20, 2012

Bunga ng Istroberi

  May isang lalaki ang naglalakbay sa isang kaparangan nang may makasalubong siyang nagugutom na tigre. Matalim ang pagkakatitig nito, at biglang lumundag patungo sa kanya. Sa matinding pagkatakot, kumaripas ng takbo ang lalaki upang makaligtas sa kamatayan, ngunit humabol ang hayok na tigre. Hanggang sa wala na siyang masulingan, ay lumusong ito sa isang matarik na bangin, humawak sa isang nakalawit na baging, at naglambitin.

   Umiindayog siya sa haplit ng malakas na hangin, nang mapansin niya sa ibaba ay may sapa, at may dalawang malalaking buwaya na nakatingala sa kanya. Nanginig lalo sa takot ang lalaki at nangambang baka mapatid ang baging at mahulog siya sa sapa. Nag-uunahan at umuungol sa bangis ang dalawang buwaya sa paglundag upang masakmal ang nakalawit niyang mga paa.

   Sa ibabaw ng bangin ay nakadungaw ang tigre, umaamoy, at pinipilit na maabot siya ng matatalas nitong mga kuko sa unahan nitong mga paa. Ang tangi lamang nakapagliligtas sa lalaki ay ang kinakapitang baging. Nang biglang nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Dalawang pakialamerong daga, ang isa ay puti, at ang isa nama’y itim, ang magkasabay na unti-unting pinuputol ang baging sa pagitan niya at ng tigre. Dahil nabulabog ang lungga nito sa ingay ng kumikiskis na baging sa mga bato.

  Iginala niya ang paningin; Titingin siya sa tigre, titingin siya sa mga daga, at kasunod nito’y titingin naman siya sa mga buwaya, na susundan ng paghihinagpis. “Wala na akong pag-asa pa sa kalagayan kong ito . . ,” ang buntong-hininga niyang nausal sa sarili. Nang may mamataan siyang isang pulang-pulang bunga ng strawberry malapit sa kanyang tabi. Habang maigting na hawak ng kaliwang kamay ang baging, pinilit niyang maabot ng kanyang kanang kamay ang katakam-takam na bunga. At nang mapigtal niya ito ay mabilis na isinubo sa bunganga, nilasap ito, at masayang bumigkas nang, “Talaga namang napakasarap ang linamnam nito!”

-------
Ganito ang karaniwang nangyayari sa ating buhay. Dangan nga lamang, hindi natin matarok at mahagilap ang katotohanan; kung sino ang tigre, mga buwaya, at mga daga sa ating buhay. Sa halip na harapin ay tinatakbuhan natin ang mga ito. Kaya patuloy na nakakaligtaan nating tumikim man lamang ng istroberi o sumamyo ng mabangong bulaklak sa ating mga daraanan.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment