Pabatid Tanaw

Monday, April 23, 2012

Baliw Ka ba?


   
  Simula nang tuklasin ni Daniel ang kanyang kaluwalhatian, marami ang nagulat sa kanyang pagbabago. Dati-rati’y malimit na nakikiumpok siya sa mga kasamahan, ngayon ay bihira na. Maging sa pananalita ay hindi na tulad ng dati na marahas at padalos-dalos, ngayon ay marahan na at magiliw pa. Madalas ay nakikinig ito sa mga mungkahi ng mga kakilala, ngayon ay nagpapaliwanag na kung ano ang mabuti para sa kanya at sa kanilang lahat. Hindi na rin sumama sa mga kabarkada sa mga panoorin at walang saysay na pagliliwaliw. Laging nakangiti., at kung hindi kumakanta ay sumisipol ng kung anu-anong himig na nagpapasaya sa kanya. Pati na ang kanyang mga kapitbahay na kilala siya mula sa pagkabata ay nangamba sa kanyang ipinagkaiba kaysa dati.
   Napansin nilang lagi itong nag-iisa at nagkukulong sa kuwarto na tila may kinakausap. At kapag tinatanong, ang sinasagot ay “Hanapin ninyo ang inyong mga sarili upang hindi kayo maligaw, at “Narito ang inyong katotohanan! ”Itakwil ninyo ang inyong mga paniniwala, sumama at sumunod sa akin.” Lalong nagulat ang mga tao, at nagpasiya silang dalhin si Daniel sa mental ospital, doon sa bayan ng Mariveles, at ipasuri. Anumang pagtutol nito, ay nawalang saysay sa dami ng kumaladkad sa kanya.
   Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kaanak at mga kaibigan ay nangabiglang lahat. Hindi nila mapagtanto kung bakit nangyari ito sa kanya. Nagpasiya silang pasyalan ito sa ospital.
   Pagkakita sa kanila ni Daniel ay nagtanong ito, “Sino kayong lahat?” at tumalikod. Lumingon at nagtanong muli, “Bakit kayo narito?”
   Nagugulumihanan man ay sumagot ang mga bisita, “Kami ang mga nakakakilala at higit na nagmamahal sa iyo!”
   Napakunot ang kilay ni Daniel at nagsimulang pukulin sila ng ilang bagay mula sa lamesa. Nagtakbuhan ang lahat, nanlulumo at umiiyak. Talagang totoo! Nasisiraan na ng bait si Daniel!”
   Nang biglang tinawag sila ni Daniel na magsibalik, “Hindi ba narinig kong sinabi ninyo na ako’y kilala ninyo at higit na minamahal? Bakit ilang pagbato ko lamang ay nagsitakbuhan na kayo? Anong nangyari sa matapat na pagmamahal na mairog ninyong iniuukol sa akin? Nagtakbuhan na rin tulad ng pagtakbo ninyong palayo sa akin? Kung talagang minamahal ninyo ako, magagawa ninyong magtimpi, umunawa, at magmalasakit, kaysa intindihin ang maliliit na kirot na nararamdaman ninyo!”

-------
Mahigit ng dalawang libong taon ang nakaraan. May isang tao na nagpahayag ding tulad nito. “Ang katotohanan ang siyang magpapalaya sa iyo.” Subalit marami sa kanila ang hindi matanggap ito, kinutya at inusig siya. At nang siya ay hulihin, maging ang kanyang mga disipulo ay nagtakbuhan, ang isa ay ipinagkanulo at ipinagpalit siya sa pabuya na baryang pilak, ang isa naman ay tatlong ulit siyang itinakwil. Marami ang nakinig sa udyok ng mga pinuno ng kanilang simbahan, sama-samang umusig at nagbubunyi nang ipako siya sa kurus.
   Ganito rin ang nangyayari sa ating lipunan. Inuusig, ikinukulong, dinudukot, at pataksil na pinapatay ang ating mga mamamayan nang walang kalaban-laban, kapag nagnanais ng reporma at makatarungang pagbabago. Binabansagan silang mga rebelde, terorista at inahahalintulad sa mga tulisang NPA at Abu Sayaff, upang maging lehetimo ang pagpatay. Hindi kataka-taka na patuloy ang pamiminsala ng mga tulisang ito, kahit na katakot-takot ang mga heneral sa ating hukbong sandatahan (AFP) at sobrang dami ang mga heneral sa kapulisan (PNP), at mayroon pa silang mga pamantasan upang magpakadalubhasa, ang  PMA, Philippine Military Academy at PNPA Philippine National Police Academy. Sa ubod ng dami na mga heneral na nagtatapos sa mga pamantasang ito, at isiping hindi kasama ang kanilang mga sundalo at mga tauhan; ay hindi matalo ang maliliit na pangkat ng NPA at Abu Sayaff. Para saan ang mga heneral na ito? Ang mapanatili lamang ang walang pagkakapantay sa ating lipunan? Sino ang makakalimot kay Major General Jovito S. Palparan, Jr., ang "berdugo" ng mga estudyante, mga magsasaka, mga mangingisda, mga manggagawa at mga anakpawis? Sino ang nasa likod sa lahat ng ito? Hindi niya makakayang gawin itong mag-isa. May mga nag-utos at kumandili, patuloy na kumakandili at nagpapairal nito hanggang sa ngayon. Sino sila? Bakit nila ginagawa ang maramihang pagpaslang na ito sa mga kababayan natin?
   At kung ipinaglalaban mo ang pangangalaga ng kalikasan, katulad ni Dr. Gerry Ortega, ng Palawan, ay ipapa-patay ka ng Gobernador ng lalawigan at katuwang pa ang alkalde nitong kapatid. Sino ang makakalimot sa 57 biktima ng pagpatay ng mga Ampatuan sa Maguindanao? Nais lamang ng mga biktima na mapanatili ang sagradong karapatan sa pagboto. At marami pang tulad nito. Bakit patuloy ang mga pagpatay sa mga nagnanais ng pagbabago sa ating lipunan? Bakit, para saan, at sino ang mga makikinabang para dito?

Kung may mga katanungan; ay may mga kasagutan. At ang katotohanan ang siyang magpapalaya, hindi lamang para sa atin, bagkus para sa ating bansa.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment