Pabatid Tanaw

Wednesday, April 18, 2012

Ano Ba ang Nais Mo?



Kung sa pagtudla, matamang nakatuon sa inaasinta; ganoon din ang matalino, kung paano niya sinusupil at itinutuon ang kaisipan tungo sa makabuluhang bagay.

   Bihira sa atin ang nakakaalam ng mga pag-uugaling; tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Sila ang mga taong tinatapos ang maghapon na tulad ng dati, nang walang anumang kamalayan, at kinabukasan ay uuliting muli ito. Mistulang mga robot na de-susi. Kung walang trabaho, aligaga sa mga umpukan, pagbabad sa telebisyon, pakikinig ng mga alingawngaw sa radyo, at pakikialam sa buhay ng iba. Usisa doon at usisa dito. Siyete ang bansag nito. Doon naman sa may trabaho, papasok sa pabrika o opisina, gagampanan ang tungkulin, kakain sa tanghalian, balik muli sa tungkulin, pagdating ng hapon uuwi sa bahay, kakain ng hapunan, matutulog, at sa kinabukasan ay uuliting muli ang ritwal na ito. Kung walang pasok, ay katulad ng mga walang gawain o magawa, mga nasa aliwan, at kung anu-ano ang pinaglilibangan, basta makalimot at makatakas, kahit pansamantala man lamang sa kanilang kinasasadlakan.
   Mayroon silang hinahanap na hindi matagpuan, at nakikita nang walang tinitignan. Sila ay tahasang mga “tulog,” at kinakailangang “sampalin,” “yugyugin,” at “ilubog sa tubig,” nang magising. Gawin pa rin ang mga ito, nananatiling “nakatulala” pa rin at tila may inaapuhap sa isip na may milagrong magaganap anumang sandali. Naghihintay, nagbabaka-sakali, nagtititiis, umaasam, na kahit manawari sa dulo ng daan, ay may maglalawit ng kamay na hahango sa kanila. Nangangarap nang gising. Umaasa ng pagkaawa at pagsaklolo mula sa iba, maliban sa kanilang mga sarili.
   Kilala natin sila. Bahagi sila ng ating buhay. May nagpahayag, “Kung wala sila; wala ng maghuhukay ng mabahong kanal, magbibililad sa init ng araw sa maghapon, mangingisda, magtatanim, at magsisilbi.” Ngunit ang sukli ko dito, maaari namang sumama sa parada at hindi laging nasa bangketa na lamang at nanonood at taga-palakpak. Sobra na at napakarami na nila sa ating bansa. Sa dami nila at pag-aagawan sa trabaho, ang ginagawa ng ating pamahalaan ay ipadala sila sa ibang bansa upang kumita. Ganoon pa man, patuloy ang mga pakikibaka. Sa isang karaniwang trabaho na mabakante sa atin, nakapila ang maraming nagnanasa na makuha ito. At kahit na katiting at hindi tama ang sinasahod, patuloy na pinagsasamantalahan, ay pikit-matang pinagtitiisan, makaraos lamang na may makain sa maghapon. 
   Patuloy ang pagtataas ng mga bilihin, gasolina, matrikula sa eskuwela, atbp. Maliban sa pasahod, na tila sinasadya ng mga negosyante na paramihin ang mga manggagawa, mga katulong at tagapagsilbi. Lalong lumalawak ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. Ang mayayaman umuunti, ngunit lalong yumayaman. Ang mahihirap dumarami, subalit lalong naghihirap. At habang nagpapatuloy ito, sadyang pa ring nahihimbing sa matinding pagkatulog ang marami nating kababayan.  Ito nga ba ang tamang direksiyon? Bakit nangyayari ito?

   Simpleng mga kasagutan lamang: 1) Hindi nila alam kung ano ang tunay na nais nila sa buhay, kaya, kung anuman ang kinasadlakan nila, “basta makaraos, ayos na!” “Basta, may ‘konting bubong at pirasong tabing, puwede na.” Kahit na tutong, basta may asin, puwede nang pangdugtong!” “Makukuha na ‘yan sa patapal-tapal!” 2) Nag-ugat at kinalyo na ang kanilang mga kaisipan sa mga panandaliang panglunas na ito, na anumang kahirapan at kapighatian ay may dagliang kalunasan – ang maglibang ng mga walang kabuluhang panoorin at mga talakayan. Hindi kataka-taka na ang media (pelikula, telebisyon, radio, at pahayagan) ay laging laman at pinangangalandakan ang mga ito. At sa paghalal ng mga opisyal sa pamahalaan, yaong mga komedyante, taga-aliw, iniidolo, mahihilig sa drama, at pogi points, ang kanilang iniluluklok sa mahahalagang tungkulin. At ito ang uri ng pamahalaan na ginagawa silang "Maid in the Philippines" at hindi "Made in the Philippines." 3) Hindi nila alam kung papaano ang tunay na kasiyahan. Walang kamalayan sa mga bagay na nagpapanatili ng kasiyahan at humahantong sa kaligayahan. Kailangan pa nilang hanapin ito sa labas ng kanilang mga sarili upang matighaw ang kanilang pagkauhaw sa lahat ng sandali. 4) Hindi nila kailanman natutuhan ang “pamamaraan o sistema” kung papaano magkamalay at mabatid ang katotohanan. Kung saan ang tamang landas na itutuon ang kanilang pansin at pag-ibayuhin itong tahakin. 5) Pumayag at tinanggap na nila; na minana at bahagi ito ng kanilang kapalaran, na ang mga pasakit at pagdarahop ay palagi nilang kapiling sa araw-araw. 6) Ang paniniwala na ang kanilang kapaligiran at mga pangyayari ang kumukontrol sa kanilang buhay, kaysa sila ang kumukontrol dito.

Anumang pinagtuunan natin ng pansin ito ang ating ideya ng reyalidad.
  
Sa taong may ganitong kaugalian, ang mabisang tanong: Ano Ba ang Nais Mo?
   Tanungin ang sarili kung ano ang talagang nais mo sa buhay. Nais mo bang magtagumpay sa anumang larangang ninanais mo,  nais mo ba ng maligayang pag-aasawa, ang paggalang ng iyong mga anak, ang magkaroon ng matatalik na mga kaibigan? May maraming salapi, magarang kotse, mamahaling mga kagamitan, at malaking bahay sa isang sikat na subdibisyon? Kinikilala sa pamayanan? Nais mong maglakbay sa ibang mga bansa at pasyalan ang mga pambihirang tanawin nito? Nais mo bang dumamay at makatulong sa iyong kapwa, sa iyong pamayanan, at makagawa ng malaking kaibahan?
   Anuman ang piliin o naisin, tanungin lamang ang sarili, “Bakit ko kailangan ang mga bagay na ito? Kung makamtan ko ang mga ito, magiging maligaya ba ako?
  O, ang katotohanan, na ninanasa mo ang mga ito, sapagkat nakikita mo itong batayan na lulunas sa iyong mga nararamdaman, mga samutsaring emosyon, o kaganapan na hinahahanap mo. Bakit hindi mo bigyan ng masusing pagpansin ito. Kung sa isang karaniwang piknik o panonood ng sine ay nakapag-uukol ka ng panahon, bakit naman hindi, kung ang iyong buhay at kapalaran ang nakataya naman tungkol dito.

Sige na, simulan mong limiin at apuhapin, kung sino kang talaga, ano ang nais mo, at saan mo nais pumunta. Malay mo, ito na ang iyong pagkakataon na mabago, kung anuman ang bumabagabag sa iyo.

Simulan at ang lahat ay magiging madali na lamang.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment