Pabatid Tanaw

Friday, April 20, 2012

Ang Mga Tao ay mga Diyos Din



Magpakailanman
Ang aking Ama ay mayaman sa mga bahay at kaparangan,
Hawak Niya ang daigdig . . . pati na ang sansinukob ay Kanyang tangan.
Ang Kanyang tinggalan ay puno ng mga diyamante at ginto na walang hangganan.
Ang kayamanan ng aking Ama, ay hindi kayang sukatin at walang hintong kasaganaan,
At ako'y mapalad na anak ng Hari ng mga hari, magpakailanman!


   Ikinuwento ng aking ama ang isang alamat. Ayon sa kanya, mayroon isang panahon na ang lahat ng tao ay mga diyos. Makapangyarihan sila at nagagawa ang balang maibigan, subalit inabuso nilang tuluyan ang kanilang kaluwalhatian, at naging madalas ang mga payabangan at paligsahan sa mga ito, na kung sino ang higit na makapangyarihan sa kanila.  Ito ang bumabalisa sa kataas-taasang si Bathala, ang punong-diyos. Pati na ang kanyang katungkulan at kakayahan ay inuusig at nais nang mapantayan. Nagpasiya si Bathala na alisan na ang mga tao ng kanilang kapangyarihan ng pagka-diyos at itago ito, na kung saan ay hindi na nila kailanman makikita pa at makuhang muli ito.
   Nang magdatingan ang mga mapitagang diyos ng kapulungan sa ipinatawag na pagpupulong upang talakayin ang katanungang ito, ang wika nila, “Kailangan nating maibaon sa kalaliman ng lupa, doon sa pinakamalalim at pinakagitna ng daigdig ang kaluwalhatian ng mga tao!” ang sama-sama nilang mungkahi. Ngunit ang sagot ni Bathala, “Hindi maaari ‘yan, dahil gagawin nila ang lahat para hanapin sa kalaliman ng buong kalupaan ng daigdig, hukayin at makuhang muli ito.” Muli ay nagpahayag sila, “Kung gayon, ay ilubog natin ang kaluwalhatian nila sa pinakamalalim na pusod ng karagatan ng daigdig! Doon sa mahihirapan sila na sisirin at hindi na matagpuan ito!” At muling napailing si Bathala at nangusap, “Hindi mangyayari ‘yan! Dahil matututuhan ng tao na sumisid sa pinaka-malalalim na tubigan, maghanap sa pinakamalalim na mga pusod ng karagatan sa buong daigdig, at makuhang muli ang kanilang kaluwalhatian.”
   Bagama’t nababagabag na ang ilang mapitagang diyos, ay nagmungkahi muli ang ilan sa kanila, “Ang gagawin namin ay galugarin at hanapin ang pinamataas na bundok sa buong daigdig, yaong pinakamatarik sa lahat ng mga kabundukan at itago sa kaloob-looban nito ang kaluwalhatian ng mga tao. Sa aming palagay, sa dadanasin nilang hirap at tagal na makita ito, ay magsisitigil na rin sila na maghanap pa.” Subalit napayuko si Bathala sa tinurang ito at nagwika, “Wala itong kakahinatnan, dahil gagawing lahat ng tao na hanapin at akyatin ang bawa’t kabundukan sa buong daigdig. Gaano man katarik o kataas ito, ay pipilitin nilang maakyat at mahukay ang kanilang kaluwalhatian, at magamit nilang muli sa kanilang mga kapalaluan.” Sa tagpong ito, ay nanlulumong sumuko na ang mga mapitagang diyos at lugaming nagpahayag, “Hindi na namin malaman kung saan pa ito maitatago, kahit saang pinakamalalim at pinakagitnang lupalop, sa pinakamalalim at pinakapusod na karagatan, at maging sa pinakamatarik at pinakamataas na kabundukan, saan mang panig ng mundo ay sadyang matatagpuan ng mga tao at makuhang muli ang kanilang kaluwalhatian.”
   Tumango-tango si Bathala, napangiti, at tumugon, “Kung gayon, narito ang nararapat nating gawin sa kaluwalhatian ng mga tao, upang mawala na sa kanila ang kapangyarihan nilang maging mga diyos. Itatago natin ito doon sa kaibuturan ng kanilang mga puso, dahil kailanman hindi na nila maiisip na hanapin pa ito sa kanilang kalooban.” 

   At ito nga ang nangyari, magmula noon, bawa’t tao na ipanganak, habang gumugulang ay nananatiling balisa, maligalig, malungkutin, at laging may hinahanap. Walang kasiyahan na mahagilap ang magpapaligaya sa kanila. Maraming salapi, walang hintong karangyaan, nakasisilaw na katanyagan, at maging pinakamataas na kapangyarihan ay nakamit na. Ngunit, bigo pa rin, nalilito at hindi maligaya. Ginagalugad ng lahat ang panig sa kalupaan ng daigdig, sinusuyod ang kalaliman at pinakapusod ng mga karagatan, inaakyat ang pinakamatataas at matatarik na kabundukan. At nang tumalino pa ang tao ay pinuntahan ang buwan. Ngayon, pati na ang kanugnog na mga planeta ay nais mapuntahan at maimbestigahan. Laging may hinahanap na hindi matagpuan o masilayan man. Naghuhukay, sumisisid, umaakyat, at lumilipad pa, hinahanap ang isang bagay sa lahat ng kanilang maiisip na panig ng mundo at maging ng sansinukob, maliban sa kanilang mga sarili.

Dalawang libong taon na ang nakaraan nang may ang isang tao na may pangalan Hesus ang nakaunawa at natagpuan ito, at ibinahagi niya ang sekretong ito; subalit ang pangkat na natatag mula sa Kanyang pangalan ay nabaling sa makamundo, at ang Kaluwalhatian ng Tao ay nananatiling mailap na sekreto sa pagdaraan ng mga panahon.

Subalit hindi pa huli ang lahat. Hangga’t may diwang kumikilos sa ating mga kaisipan, magkakamalay tayo at mababatid ang katotohanan. Magiging maligaya na maghahatid ng kapayapaan sa atin, upang masumpungang muli at maangkin ang ating KALUWALHATIAN.

Kumilos lamang at mapapasaatin itong muli. Ito ay ipinangako at nasusulat.
At siyang magaganap . . .


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Mababasa na dito ang mga siniping pahina ng KAISIPAN (12 Abril/12), KAMALAYAN (11 Abril/12), KABATIRAN (12  Marso/12), KATOTOHANAN (03 Marso/12), KALIGAYAHAN (02  Marso/12), KAPAYAPAAN (01 Marso/12), at KALUWALHATIAN (27 Marso/12).


No comments:

Post a Comment