Pabatid Tanaw

Monday, January 02, 2012

Mga Mahalagang Resolusyon sa 2012


Simulan nang mabuhay ng may inspirasyon . . .
    Magmula na ngayon!

   Kahit man lamang sa araw na ito, pagpasiyahan na maging masaya at gawing kawiliwili na kapiling ang mga mahal sa buhay, at tamasahin ang anumang bagay na nasa iyo. Sakaliman na hindi mo makamit ang iyong ninanasa, maaari namang maibigan mo ang anumang mayroon ka. Sa araw na ito ngayon, pagpasiyahan na maging mabuti, masigla, mapagpasalamat, umuunawa at sumasang-ayon. Gawin ang lahat sa abot ng makakaya, mahinahong magsalita, umasam, purihin at pahalagahan ang iba.

   Subukan ang mga ito, at madali na ang susunod . . . ito naman ay sa loob lamang ng isang araw. Maganda itong panimula sa pangalawang araw ng 2012. Walang makakaalam. Malay mo, maiibigan mo palang gawin ito sa tuwina at maging ritwal na ng iyong buhay. Sapagkat ito ang sikreto ng mabuting relasyon.

   Ang buhay ay maaaring masalimoot, subalit ang kasiyahan… ay napakasimple lamang. Mismo tayo ang lumilikha kung bakit ito ay nagiging kumplikado. Nasa ating mga kamay ang ikakatiwasay ng ating pamumuhay. Sa pagtahak sa panibagong landas ng 2012, huwag nating kalimutan na magdala sa ating lukbutan ng mga kawikaang nagsisilbing gabay sa ating paglalakbay, na may ngiti sa ating mukha, at marubdob na pagmamahal sa ating mga puso. Ito ang mga pangunahing probisyon na kailangan natin habang tayo’y naglalakbay sa matuwid na landas ng buhay.

   Ang aking lunggati ay magawang kopyahin mo ang mga kawikaang narito. Magtungo sa isang tahimik na pook o panig na iyong bahay at umupo. Dahan-dahang basahin ang bawa’t kawikaang narito. Huwag magmadali, huminga ng malalim, basahin at limiin ang bawat kataga, at isaalang-alang ang repleksiyon nito kung papaano ito mailalapat sa iyong buhay. Isiping mabuti na kung papaano…at anong mangyayari, kung ang iyong isip at puso ay mapagsanib at maging bukas sa pagbabagong ito. 

   Sa mga bagabag, mga pagkondena, mga kapighatian, at mga panghihinayang sa buhay, kailangan natin ng mga kalasag na nagdudulot ng inspirasyon upang maibalik tayo sa pook na marapat ay narooon tayo… muling bigyan ng panibagong direksiyon ang ating mga sarili sa kung ano ang mahalaga at tamang prioridad sa buhay. Ang mga kawikaang narito ay mataman kong inipon, sinala, at isinaayos nang naayon sa ating kamulatang Pilipino. Kung bibigyan ng kaukulang pagpapahalaga, isa itong dalisay na sibol ng inspirasyon! Na sa ilang sandali ay magdudulot ng matiwasay na ngiti sa iyong mukha, at kasiglahan sa iyong puso na kung saan higit mo itong kailangan.

Ang mga Mahalagang Resolusyon

Hanapin ang iyong kaligayahan, at… Ibahagi ito sa iba. Ang kaligayahan ay mistulang tanglaw na nagbibigay ng Pag-asa, Pananalig, at Pagmamahal.

Ihayag sa mga tao na kailangan mo sila. Kung minsan, ang pinakamabuting kamay na tumutulong ay isang maayos, at matatag na pagtulak. Manatiling may pagtitiwala sa kapwa, at laging may gantimpalang darating para sa iyo.

Huwag maliitin ang kapangyarihan ng pagtitiwala sa iba. Hindi lahat ay may kakayahang gampanan ang iyong hinahangad, ngunit may iba na kailangang pag-ukulan ng panahon. Sila ang iyong mga kapanalig, maging mapagtimpi at umuunawa at ang inyong mga pagsasama ay patuloy na yayabong.

Ang mga bagay lamang na nagiging balakid sa pagitan ng isang tao at kung ano ang nais niya sa kanyang buhay ay ang determinasyon na subukang gawin ito, at ang pananalig na paniwalaan itong mangyayari. Kung walang tiyaga, walang nilaga.

Tamasahin ang mga mumunting mga bagay, sapagkat sa isang araw, sakalimang lingunin mo ang mga ito ay mapapatunayan na ang mga ito pala’y mga malalaking bagay.

Panatilihing nakaharap sa silahis ng araw upang hindi mo makita ang mga anino. Sapagkat ang nakalipas, laluna’t masaklap ito ay hindi na kailangan pang sariwain. Ituon ang pagmasid sa kasalukuyan at magagawa mong likhain na ang iyong kinabukasan.

Maglingkod sa iba kung ano ang hindi nila magawa para sa kanilang sarili. Isa itong napakagandang kabayaran sa buhay…na walang tao na matapat na tumutulong sa iba nang hindi niya natutulungan ang kanyang sarili. Ang pusong mapagbigay, ay umaani.

Hanapin ang susi sa kanilang mga puso. Bawa’t isa atin ay naghahangad ng pagpapahalaga, pagpuri at atensiyon. Ang mahinahong mga pananalita ay maikli at madaling bigkasin, ngunit ang mga alingawngaw nito’y wagas at walang katapusan.

Baguhin mo ang iyong iniisip, binibigkas, at ginagawa, at ang iyong daigdig ay kusang magbabago. Anuman na iyong pinaniniwalan ay nililikha ang iyong kapalaran.

Pag-ukulan ng ibayong pansin ang iyong pananalapi. Alamin ang ginugugol kaysa kinikita, at maglaan ng tama at istriktong badyet. Huwag sisihin ang sarili, bagama’t magagamit mo itong motibasyon na manatili sa tamang prioridad at pagkakagastusang mga pangangailangan sa buhay.

Kung hindi ka titindig at ipaglalaban ang iyong karapatan. Madali kang maaakit ng anumang bagay. Dahil kahit na ikaw ay nasa tamang daan, ikaw ay masasagasaan kung nakaupo ka lamang at walang pakialam.

Ang pinakamahalagang mga bagay sa buhay ay hindi ang mga materyal na bagay. Ang kaligayahan ay wala sa mga ito, naroon ito sa kaibuturan ng ating mga puso. Ang mga bagay na hindi nakikita subalit siyang nadarama ang siyang pinakamahalaga.

Ang pangangarap at imahinasyon ang siyang pinakamataas na saranggolang mapapalipad ng isang tao. Kung wala kang pangarap, mistula kang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig.

Ang pagbabago ay laging dumarating sa iyo na nakakubli at mistulang mga regalo. Nasa iyong pagtalima lamang kung anong pagsalubong ang iyong gagawin. At dito nakasalalay at siyang magbabadya ng iyong kapalaran.
 
Pakamahalin mo ang iyong mga anak, sapagkat sila ang aakay at magpapasiya sa iyong pagtanda kung saang bahay ampunan ka ilalagak. Upang pahalagahan ka nila, mahalin mo ang kanilang ina, sapagkat ito ang batayan na minamahal mo sila.

Pasiklabin ang iyong ningning sa anumang gawaing iyong kinahaharap nang walang pagmamaliw. Simulan ang lahat nang may kasiglahan at ang lahat ay magiging madali na lamang.

Walang pagsasalat, kinakapos lamang ng kakayahang tumanggap. Hangga't umiiral ang kapalaluan ang mga pagkakataon ay kusang lumilisan.

Nasa iyong pagpili, hindi sa pagkakataon ---ang magbabadya ng iyong tadhana. Anumang kalagayan o antas ang mayroon ka ngayon, lahat ng mga ito’y naganap mula sa iyong kapasiyahang pumili kung ano ang nararapat sa iyo.

Walang mga problema sa buhay, bagkus mga paghamon at mga pagkakataon upang masubukan ang iyong kakayahan kung may karapatan kang magtagumpay. Sapagkat hangga't hindi mo nalalagpasan ang mga pagsubok, mananatili kang gumagapang at nakasubsob.

Kung minsan kung walang pagbabagong magaganap, hindi natin matutunghayan ang tama at totoong direksiyon ng ating buhay. Mistula tayong nahuli sa isang patibong at tinatanggap na lamang kung anong kapalaran ang ipagkaloob sa atin.

Ang pinakamahalagang sermon ay ipinamumuhay, hindi ipinapangaral. Isa itong halimbawa kung tutularan o iiwasan ka ng iba.

-------
Ang pagtawa o mga katatawanan ay mahalaga sa akin. Kinawiwilihan ko ang mga bungisngisan. Kaya itinalaga ko na ang aking sarili na maging masaya sa tuwina. Wala na akong panahon sa mga kadahilanan, kapighatian, at masasalimoot ng mga bagay. Ang maging masaya, matapat at mapagkakatiwalaan ay malalaking bagay at napakahalaga para sa akin. Upang magkaroon ng matapat na pagkakaibigan, kailangan kong maging matapat na kaibigan sa aking sarili. Upang ako’y pagkatiwalaan, kailangan kong magtiwala sa iba. Kung nais kong mahalin ako, kailangan munang mahalin ko ang aking sarili, sapagkat hindi ko magagawang ipagkaloob ang anumang bagay na wala sa akin.

Ngayon, kailangang maging ikaw kung ano ang iyong nais na maganap sa iyo.
 
Kung ibig mo ng pagmamahal, maging mapagmahal ka.
Kung ibig mo ng kapayapaan, maging mapayapa ka.
Kung ibig mong maging masaya, maging tagapagpasaya ka.
Kung ibig mong maging pambihira, maging kakaiba ka sa karamihan.
Kung ibig mong laging makipagsapalaran, manatiling bukas ang iyong isipan.
Kung ibig mo ng tagumpay, manatiling naglilingkod sa kapwa.
Kung ibig mo ng kaligayahan, apuhapin mo ito sa kaibuturan ng iyong puso.

. . . at kung magagampanan mo ang mga ito …at maging gising at handa sa tuwina sa mga himalang magaganap sa iyong buhay, ang kaligayahan ay lalaging sasaiyo.

   Laging tandaan na may dalawang uri ng tao sa mundong ito---ang makatotohanan at mapangarapin. Ang mga makatotohanan ay alam kung saan sila patutungo. Ang mapangarapin ay nanggaling na dito. Anuman ang iyong iniisip, tiyakin lamang na ito nga ang iyong iniisip; anuman ang iyong ninanais, tiyakin lamang na ito nga ang iyong ninanasa; at anuman ang iyong nadarama, tiyakin lamang na ito nga ang iyong nadarama. Sapagkat hindi lahat ng iyong iniisip ay dapat mong paniwalaan.

Mga Tagubilin Upang Magtagumpay

Maniwala habang naghihinala ang iba.
Magplano habang naglalaro at nasa libangan ang iba.
Mag-aral habang natutulog ang iba.
Magpasiya habang nagbabalam ang iba.
Maghanda habang nangangarap ang iba.
Magsimula habang lumiliban ang iba.
Gumawa habang naghihintay ang iba.
Mag-impok habang nag-aaksaya ang iba.
Makinig habang nagsasalita ang kaharap.
Ngumiti habang nakasimangot ang iba.
Pumuri habang pumupuna ang iba.
Magsikhay habang umaayaw ang iba.
Magmahal habang nagagalit ang iba.
Magpatawad habang nanggagalaiti ang iba na makaganti.
Tumulong habang may nangangailangan.
Maging masigla at masaya sapagkat ito ang susi ng tagumpay!
...at upang ito'y magkaroon ng kalakasan at maging katotohanan, lakipan ng pasyon o simbuyo ng damdamin. 


Ang tagumpay ay hindi siyang susi sa kaligayahan. Ang kaligayahan ang siyang susi sa tagumpay. Kung naiibigan mo at nasisiyahan ka sa iyong ginagawa o trabaho, ikaw ay tahasang magtatagumpay.


Mataos nating dinarasal na nawa’y tahakin ng sangkatauhan ang landas ng pakikipagkaibigan at kapayapaan ... at tuluyan ng sugpuin at iwasan ang mga karahasan at mga kabuktutan. Matuto nating tanggapin na tayo ay magkakapatid, magawang malansag at lagpasan ang mga kahatulan, mga pagtuligsa, mga mapanirang kondisyon, at mga balakid na humahadlang sa ating pagkakaisa tungo sa maaliwalas na pamayanan. 

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment