Pabatid Tanaw

Wednesday, January 18, 2012

Masipag o Masikap?


Ang malulungkuting tao ay kinaiinisan ang masasaya, at ang masasaya ang malulungkot; ang mga masikap naman ay naghahanap ng paraan at sumasaya, subalit ito ang malungkot, ...ang mga tulog ay naiinggit sa mga  
gising at masikap.

   Naikuwento ko na ito sa isang pahina, subalit mainam na balikan at mapag-aralan. Sapagkat ang paksa natin ngayon ay ang maging mulat at tunay na gising sa ating kapaligiran. Dahil marami ang tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan.

   Mayroon akong dating dalawang karpintero na gumagawa ng aking mga kuwadro na ginagamit sa pagtatak (screenprinting) ng kamiseta at kalendaryo sa aking negosyo. Pareho silang may naiibang katangian, at kung gising ka madali mong makikilala ang kanilang mga angking kahinaan at kalakasan.

   Ang isa ay talaga namang masipag . . . napakasipag. Ika-pito pa lamang ng umaga ay pumapasok na at ginagawa na ang trabaho nito. Madalas ay lumalabis sa ika-lima ng hapon kung umuuwi ito. Kung minsan naman ay ginagabi na. Bihira siyang lumiban, at may karamdaman lamang, kaya hindi nakapasok sa kanyang trabaho. Anupa’t isa siyang huwaran kung sa pagpasok at pagliban ang pag-uusapan.

   Ang isa naman ay laging nahuhuli sa oras. Kung hindi kalahati, kung minsan ay mahigit na isang oras. Bagama’t pinapalitan niya ito sa pagdagdag ng oras sa kanyang trabaho, ay kinaiinggitan siya ng iba pang mga manggagawa ko. Sapagkat mahigpit ako sa pagpapairal ng tamang oras sa pagpasok sa trabaho. Ang katangian ng isang ito, ay ang pagiging masikap niya.

   Doon sa masipag; lagi itong may ginagawa. Maglalabas ng maraming kahoy, susukatin, lalagariin, kakatamin, magsusugpong, at magbubuo. Anupa't sa tuwing pagmamasdan mo siya, walang puknat sa pagkilos. Talagang napakasipag. Bihira ang magpahinga. Matapos ang lahat ng mga ito, sa bilang na dalawampung kuwadrong natapos, ang walo rito ay uulitin o nasasayang. Dahil wala sa tamang sukat at nakalihis ang sugpungan, hindi nakalapat at nakatikwas ang isang sulok ng kuwadro kapag inilapag sa lamesa. At ang masaklap, marami ang mali at wala sa sukat ang lumabis na retaso sa mga kahoy. Mapipilitan kang piliin ang mapapakinabangan pa.

   Doon sa masikap; nasa eksakto ang paggawa nito. Kukuha ng mga kahoy, pipiliin ang mga tuwid, ihihiwalay ang mga wala sa ayos, uupo, maglalabas ng papel at lapis, at magsusuma. Maraming oras din ang ginugugol niya na nakaupo sa pagsuma. Subalit kapag inumpisahan na ang trabaho, diretso, lagari ng lagari, pinuputol lahat ang mga kahoy na nais niyang gamitin. Matapos ito ay pagsusugpungin at bubuo ng mga kuwadro. Doble ang natapos kaysa sa masipag. Lahat ay nasa tama, makinis, at nakalapat kapag ipinatong sa lamesa. At kung pagmamasdan ang mga naging retaso o naputol na lumabis sa kahoy, hindi na maaaring magamit pa. Panggatong na lamang ang mga ito. Walang naaksaya, lahat ay may pinaggamitan.

   Sino sa iyong palagay ang magtatagal sa kanyang trabaho sa dalawang ito? Ang masipag o ang masikap? Nababatay ito sa katalinuhan sa paggawa.

   Huwag magkamali sa kahulugan ng matiyaga, masikhay, masikap, at lalo na ang maagap. Magkakaiba ang paggamit nito. Kung alam mo ang kawikaang “Daig ng maagap ang masipag.” Batid mo ang tinutukoy ko. Ang matiyaga ay puspusan at walang hinto kung gumawa. Ang masikhay ay naghahanap pa ng gagawin. Subalit ang masikap, maagap ito sa pagkilos . . . talagang nagsisikap na mapabuti ang ginagawa. Inaagapan na makatapos sa tamang panahon ang nakaatang na gawain. Ang maagap ay kapatid ng masikap.

  Ang masikap; ay pinaghalong masipag, matiyaga, maagap, at masikhay. Mapaghanap siya ng mga kaparaanan sa ikahuhusay ng kanyang trabaho. Laging binabago ang kinagisnang gawain; kung ito’y wala na sa panahon at maraming oras ang naa-aksaya. Palabasa ng mga makabagong paraan at laging pinauunlad ang sarili. Hindi katakatakang, sa maliit na panahon lamang, isa na siyang maestro-karpintero at humahawak ng maraming karpintero na kanyang mga tauhan. At pagiging kontraktor na ang ginagampanang tungkulin.

   Kaya, madalas kong nababanggit, hindi lamang katalinuhan ang kailangan sa buhay, bagkus ang nakadilat ang iyong mga mata at mulat ka sa mga matitinding kagananapang naghahari sa iyong harapan.

   Bakit? Sapagkat marami na akong nakakadaupang-palad na mga abogado, mga doktor, mga guro, mga inhenyero at kung anu-ano pang mga magagandang propesyon, subalit marami sa kanila nananatiling katamtaman ang narating na kaginhawaan, nakakaraos at ang iba nama'y hikahos sa buhay. May naghihirap at halos isang kahig at isang tuka ang takbo ng kapalaran. Mabibilang lamang sa daliri ang tunay na umaasenso sa mga propesyong ito at nakaririwasa sa buhay. Sapagka't kapag karaniwan lamang ang iyong pag-iisip ...at hindi masikap, karaniwan din ang natatamong biyaya.

   Datapwa’t masdan ang mga ilang hindi nakatapos o nakapag-aral. May malaking negosyo, mariwasa, at patuloy ang pagyaman. Karamihan sa mga bilyonaryo ngayon sa ating lipunan ay halos hindi nakatapos sa kolehiyo. Ang tanong, ano ang mayroon sa kanilang katangian at nagawa nilang paunlarin ang kanilang mga sarili?

   Narito ang tamang sagot; diskarte, wedo o likas na mulat, maparaan, at marahas na walang sawang pagnanasa na makamit ang tagumpay. Sa lahat ng ito, ang kabubuan: MASIKAP sa buhay!

   Ang pinakamayamang tao sa buong mundo; si Bill Gates ng Microsoft, na may 75 bilyong dolyar ay hindi nakatapos. Pati na sina, Steve Jobs ng Apple, Richard Branson ng Virgin Atlantic Airways. Dito naman sa atin ang mga bilyonaryong sina; Lucio Tan ng Philippine Airlines, Henry Sy ng SM Group of Companies, at maraming iba pang mga Pilipino na magpapahaba ng listahan kung babanggitin pa dito.

   Mainam ang nakapag-aral at tumalino, subalit hindi naman kailangan na nakabatay ka palagi sa teoriya at mga panuntunan. Ang mahalagang kailangan mo ay yaong praktikal at gumagana ang iyong sentido comon. At ito'y nakukuha mula sa labas ng paaralan, sa mga pagkakamali sa sarili at mula sa pagkakamali ng iba. Mga karanasan itong nakapagdaragdag sa talinong iyong napag-aralan. Ang sekreto nito ay ang pagiging MASIKAP.

Ayon kay Celene Dion, isang tanyag na mang-aawit:
   “Madalas tuwing ako’y nagtatanghal binabanggit ko sa aking mga magiliw na manonood (adoring fans). Nagbayad kayo para sa pagtatanghal na ito! Kayo ang pumili at namili sa lugar (Caesars Palace in Las Vegas) na ito. Kayo ang bumili ng aking mga nagawang mga awitin (records). At alam ba ninyo, hindi ako basta kumakanta ng libre (walang bayad). Dahil trabaho ko ito. Binabayaran ka sa kung ano ang ginagawa mo. At ako ay masikap na nagtatrabaho. Subalit napakaraming tao ang masipag na nagtatrabaho at wala silang anumang bagay. Sadyang ako’y napakamapalad, at maraming tao ang patuloy na bumibili ng aking mga awitin (albums) taun-taon, at sila ay nagsisidalo upang panoorin ang aking mga pagtatanghal, ang mga ito’y napakamahal (very expensive) subalit patuloy pa rin silang dumarating at nanonood.”  -Celene Dion, mula sa panayam ni John Heilpern. Vanity Fair (No.617), January 2012

   Ang masikap ay laging nakabukas ang isipan sa mga pagkakataon at mabilis na sinasagpang ang mga ito. Hindi mula sa pagiging masipag na nakasubsob sa trabaho; na mistulang kabayo na may mga takip sa gilid ng magkabilang mga mata, at ang nakikita lamang ay ang tinataluntong daan.
  Sa isang panoorin noon ni Dolphy sa telebisyon, madalas na tinutuya at pinasasaringan ni Dely Atay-atayan si Dolphy, na “Magsumikap kaaaaa!" At susundan pa ito ng, “Aba’y huwag kang umasa sa yaman ko.” At pagtatapos, “Paligayahin mo naman ang anak kong si Marsha!”

   Ngayon… mabuti ang masipag, subalit iba na ang masikap.
        
   . . . Dahil tiyak nang may kalalagyan itong masaganang buhay.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan







No comments:

Post a Comment