Pabatid Tanaw

Wednesday, January 11, 2012

Dalawang Uri ng Kapalaluan

Higit na mabuti ang manatiling tahimik at akalaing hangal kaysa ibuka ang bibig at alisin ang paghihinala.

Ang Mayabang na Palaka
   Sa may bukid, kilalang-kilala ng lahat ang mayabang na palaka. Palagi nitong ipinagmamalaki ang kanyang balon na mistulang isang kaharian para sa kanya. Kapag nagkukuwento ito, halos mamatay sa inggit ang ibang palaka sa kagandahan ng kanyang balon. Isang araw, isang pawikan ang nagawi sa mababaw na balon ng palaka. Nang makita ng palaka na pasilip-silip ang pawikan sa may ibabaw ng balon, ay mabilis niya itong sininghalan, “Hoy, anong tinitingin-tingin mo, naiinggit ka ba sa akin?”

   Hindi nakahuma ang pagong sa narinig. Muling nagyabang ang palaka, “Tignan mo ako, kung gaano karangya ang buhay ko dito sa balon, patalun-talon lamang, palangoy-langoy, pakain-kain, at lagi akong natutulog. Narito ng lahat ang kailangan ko. Wala nang sasarap pa dito.”
“Siguro nabalitaan mo ako at ang aking magandang balon, at nais mong tumira din dito. Hindi maaari! Para lamang sa akin ang balong ito!” ang paliwanag pa ng palaka.

   Hindi na nakapagtimpi pa ang pawikan at nagsalita ito, “Wala akong hangad na tumira dito, nasa karagatan ang aking tirahan. At napakalaki ng dagat, libu-libong kilometro ang lalanguyin mo at sampung libong talampakan, kung sisisid ka naman. Noong bumaha ng sampung taon, hindi man lamang nadagdagan ang tubig sa dagat. Noong magkaroon naman ng tagtuyot ng walong taon, kahit isang patak ay wala namang nabawas na tubig. Maraming libong taon na, ganoon pa rin ang lawak at lalim nito, walang pagbabago. At siyanga pala, marami kaming nakatira dito, walang inggitan at pakialamanan. Kaya masaya ako sa pagtira sa dagat.” 

Nanatiling tahimik at nahihiya ang palaka, na nag-aakala na ang langit ay kasing laki ng bunganga ng kanyang balon. Tumigil na rin ang kanyang pag-iingay at tinanggap na ang bawa't katulad niya ay may kanya-kanyang ginagalawang daigdig; batay sa laki at liit ng kanyang iniisip.
-------
Ang hangal ay iniisip niyang matalino siya, subalit ang matalino ay alam kung hangal ang sarili niya.

Ang Palalong Aso
   Wala nang ginawa ang aso kundi ang ipagyabang ang kanyang katalinuhan, kahit kaninong pangkat ng mga aso na kanyang samahan, palaging ipinagyayabang niya ang kanyang mga katangian. Minsan, sa kanyang malabis na pagtitiwala sa sarili, ay napadako siya sa masukal na panig ng kagubatan; sa paghahanap ng makakain. Nawaglit sa kanyang isip na mapanganib ang pook na ito, sa dahilang isang mabangis na tigre ang nakatira dito. Huli na ang lahat nang mapansin niyang nasa tabi na niya ang tigre, at siya'y nasukol nito. Saan man siya bumaling ay wala na siyang matatakbuhan pa. Nang akmang sasagpangin na siya ng tigre, ay mabilis na sumigaw ang aso, Hintay! Hindi mo ako maaaring kainin! Isa akong pinuno ng mga hayop sa gubat. Itinalaga ako ng Hari ng Kalawakan na mamuno sa lahat. Kung kakainin mo ako, susuwayin mo ang kautusan at makapangyarihang pasiya ng Hari. At kapag ako’y sinaktan mo, ay mananagot ka sa kanya. Para maniwala ka, sumunod ka sa akin at makikita mo kung papaano matakot sa akin ang mga hayop sa kagubatan.”

   Nagtataka man ang tigre sa narinig na paliwanag ng aso, ay nagpasiya itong sumunod kung totoo ngang kinakatakutan ang aso. Buong taas namang hinigit ng aso ang leeg nito at nagmamalaki na naunang naglakad, kasunod ang nag-aalinlangang tigre. At kahit saan sila magtungo, bawa’t hayop na makakita sa kanila ay kumakaripas ng takbo sa takot. Unti-unti sinagilahan din ng takot ang tigre, at nang malingat ang namamayagpag na aso ay kumaripas din ng takbong palayo at tumakas. Ang hindi alam ng tigre ay sa kanya natatakot ang mga hayop.

Napahagikgik ng tawa ang aso sa katangahan ng tigre, at lalong nagmalaki ito sa sarili na napakatalino niya. Hindi man lamang sumagi sa kanyang isip na hindi lahat ng pagkakataon ay laging para sa kanya. Sa susunod na pagtatagpo nila ng tigre, ay nakahanda na ito para sakmalin siya.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment