Pabatid Tanaw

Wednesday, December 14, 2011

Mahalagang Relasyon sa Tagumpay



Prinsipyo 1: MATURING /Saloobin (Attitude)anumang pagturing na nararamdaman o emosyong umiiral, naiisip, at nangingibabaw ay siyang ipinapalagay na TAMA sa anumang sitwasyong kinahaharap.
 
Pangungusap: Itinuturing kong isang malaking kalapastanganan ang ginawa mong pagtataksil sa akin.

   Mistula itong salamin sa mata na may grado (ang saloobin) na sa tuwing tumitingin ka ay iyong ginagamit na parang salaan na magpapalinaw (ang paghatol) at umaayon sa iyong pangmasid. Tinuturingan o nilalakipan mo ang bawa't bagay ng kaukulang pamantayan. Kung minsan, ang 'salaming' ito ay hindi kailangan, higit na makabubuti na tamang pag-iisip at umuunawang puso ang pairalin, hindi ang paniniwala at kinagisnan. Hangga’t may ikinakapit kang label, pangalan o tatak sa isang bagay, pangyayari, o pagkatao, ito ang iyong pagbabatayan.

   Naala-ala ko noong nasa kolehiyo pa ako, sa pagsisimula ng aming klase sa pilosopiya, isa sa aking kamag-aral ang nagsabing ang aming propesor ay mahigpit (terror), mababa magbigay ng marka (kulot -3.0, o pasang-awa), at halos ikatlong bahagi ng klase ay bumabagsak. Anupa't sa buong semestre, nakaapekto ito sa aking saloobin sa kanya. Higit kong pinaniwalaan ang udyok ng aking kamag-aral kaysa husay ng pagtuturo. Pumasa naman ako, ngunit ang kamag-aral ko'y bumagsak. Sa isang banda, nakatulong din ito, dahil pinaghusay ko ang aking pag-aaral. subalit doon sa aking kamag-aral na sa simula pa lamang ay 'talunan' na sa kanyang iniisip, anumang kanyang gawinng pagsisikap, wala ng mangyayari pa.

   Walang ikabubuting gawain kung sa simula pa lamang ay nilapatan mo na ito ng pagkatalo at masamang paghihinala. Higit na mainam na huwag mo ng ituloy ang anumang balak kung sa kaibuturan ng iyong puso ay may pag-aalinlangan ka. Walang saysay na kumilos kung hilaw ang mga pagsusumikap mo.
  
   Kalatas: “Walang mabuti o masamang bagay, kundi ang mabuti at masamang saloobin. Ang pagkakaiba lamang sa pagitan ng mabuting araw (suwerte) at masamang araw (malas) ay ang iyong saloobin.”

   Ang kaligayahan ay isang saloobin. Nasa ating kapangyarihan kung nais natin na maging masaya, malungkot, masaktan, tumawa o umiyak. Ang kapaguran ay magkakatulad, lahat ay naaayon sa antas ng ating kabatiran. Ang nakakapinsala lamang ay ang mga maling saloobin. Kung ikaw ma’y namimighati, o namamanglaw, ang iyong kaisipan ang nagdurusa, hindi ikaw. Baguhin mo ang iyong iniisip at mababago din ang iyong nararamdaman.

   Ang hapdi at mga pasakit ng loob ay isa lamang kasagutan sa kaiisip ng mga pagkatakot, mga bagabag, panghihinayang, pangakong napako, mga maling pagtitiwala, mga kabiguan, at gumuhong pangarap. Ito’y mga saloobin lamang na naranasan mo at tinanggap ng kasawian, subalit HINDI IKAW ANG MGA ITO. Alisin mo lamang ang pagkahumaling mo sa mga saloobing ito at ikaw ay malaya na.

    Kalatas: “Kumbinsido ako na ang buhay ay 10 porsiyento kung ano ang nangyayari sa akin, at 90 porsiyento naman ang aking reaksiyon dito.”

   Magkakatulad tayo sa maraming bagay; subalit may isang maliit na ipinagkaiba ang bawa’t isa sa atin na siyang lumilikha ng pinakamalaking kaibahan. Ang maliit na kaibahan na ito ay ang SALOOBIN.   Ang positibong saloobin ay siyang pinagmumulan ng magkakabit na reaksiyon ng positibong kaisipan, mga pangyayari, at mga kaganapan. Ito ang pinaka-pandikit o sugpungan  . . .  isang sindi na mag-aapoy at lumilikha ng mga pambihirang resulta. Na sa kalaunan, ay magiging iyong kapalaran.

   Kalatas: “Ang ating buhay ay hindi ibinabadya ng kung ano ang nangyayari sa atin, bagkus kung anong reaksiyon natin sa nangyayari; hindi kung ano ang maibibigay ng buhay sa atin, bagkus kung anong saloobin ang ating ipapataw at paiiralin sa buhay.    

   Ang saloobin ay nakakahawa, at sa bawa’t pagdaan ng panahon, kailangan nating tanungin ang ating mga sarili . . . “ako ba’y nakakatulong? O, nakakapinsala?” Sapagkat ang lahat ng iyong mga nalalaman, mga naranasan, at mga pinaniniwalaan ang siyang pinagmumulan ng iyong mga saloobin. Anuman ang nakikita sa iyo, mabuti o masama man ito ay siyang batayan ng iyong pagkatao.

   Kalatas: “Sa simula, tayo ang lumilikha ng ating mga saloobin. Matapos ito, ang ating mga saloobin naman ang lumilikha kung sino tayo.”

   Ang saloobin ay lahat ng bagay. Ito mismo ang iyong batayan na nagpapagalaw sa iyong imahinasyon sa lahat ng mga bagay na iyong maiisip. Anumang saloobin mayroon ka, ito ang tahasang nakapangyayari sa iyo. Higit kong pinaniniwalaan ito, at sa mahabang panahon; nakita at naranasan ko ang bagsik ng kapangyarihan nito sa iyong tagumpay at kabiguan sa buhay. Marami sa atin ang bigong nauunawaan na ang saloobin ay hindi lamang may malaking kinalaman sa iyong kaligayahan at tagumpay, ito rin ang siyang puno’t dulo ng kaligayahan at tagumpay ng mga taong nakapaligid sa iyo . . . ang iyong pamilya, ang iyong mga kaibigan, at maging ang iyong mga kasamahan sa trabaho.

   Kalatas: “Kaya lamang tayo nababahala ng mga bagay, sapagkat nakakabahala ang ginagawa nating pangmasid dito. Palitan mo ang iyong iniiisip tungkol dito, at kusa ding mapapalitan ang kahalagahan nito. At sa paraang ito; magagawa mong baguhin ang iyong buhay, kung magagawa mong baguhin ang iyong saloobin.”

  Paala-ala: Makikilala ka sa iyong niloloob; Kung ang iyong pagtrato sa bawa't taong iyong nakakatagpo ay para siyang pinaka-importanteng tao sa mundo, naipadarama mo sa kanya ang iyong saloobin na siya ay karapatdapat sa iyo.

    Araw-araw nahaharap tayo sa libu-libong mga pagpili at kapasiyahan. Pinipili natin ang damit na isusuot, saan tayo pupunta, sino ang nais nating makilala, pinaplano ang paglilibangan, sinusuri ang sasakyan sa paglalakbay, anong tanghalian ang pagsasaluhan, ano ang gagawin, ano ang mabuting pasiya, at marami pang samutsaring mga kaabalahan bago pumili. At ang pinaka-mahalaga sa lahat; pinagpapasiyahan din natin kung ano ang tamang iisipin at maghahari sa ating kalooban. Mga bagay na ating niloloob na mangyari. Bakit hindi natin piliin na lamang ang makagaganda, makatutulong, at makapag-papaunlad? Isaisip nating palagi na ito lamang ang siyang nararapat na pairalin sa ating buhay. Mga bagay na kung isasaloob natin sa tuwina ay siyang magiging hagdanan upang maabot natin ang minimithing tagumpay . . . ang piliin ang tunay nating mga SALOOBIN na makapag-papaligaya sa atin . . . bilang mga tunay na Pilipino.
SULYAPAN: "Ang Bagong Salta at ang Biyahero," Disyembre 15, 2011


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan






No comments:

Post a Comment