Pabatid Tanaw

Saturday, November 19, 2011

Pangulong Andres C. Bonifacio


Supremo Andres Bonifacio 


Pangulo ng Rebolusyonaryong Pamahalaan ng Pilipinas.  
Itinuturing na Pambansang Bayani at Unang Pangulo ng Pilipinas. 
(Nobyembre 30, 1863 - Mayo 10, 1897)

   Tunay na Pilipino, makabayan, at rebolusyunaryo. Ipinanganak sa Tondo, Maynila, at panganay sa anim na magkakapatid. Dahil sa karukhaan ay huminto sa pag-aaral, naghanap-buhay at tumulong sa kanyang pamilya. Bagama't hindi nakatapos ng pormal na edukasyon, nag-aral sa sarili at mga pagbabasa ng mga natatanging aklat, tulad ng 'French Revolution', 'Presidents of the United States', mga kolonyal na kodigo penal at sibil, mga nobela na gaya ng 'Les Miserables', ni Victor Hugo, ang 'Le Juif errant', ni Eugene Sue, at ang dalawang dakilang aklat ni Gat Jose Rizal, ang 'Noli Me Tangere' at 'El Felibusterismo'.

   Makabayang inilarawan ni Rizal sa dalawang aklat na ito ang pagiging mamamayan at katangian ng mga Pilipino. Tulad ng katapatan, utang na loob o pakikisama, kaugalian, at mga kinamulatan sa ilalim ng kolonyal na rehimeng Kastila. Malaki ang ginampanang pagpukaw nito sa damdaming makabayan at kagitingan ni Bonifacio.

Mga Personal na Kaganapan sa Buhay
Taguring mga pangalan: Agapito Bagumbayan, May Pag-asa, Supremo, ‘The Great Plebeian’
Araw ng Kapanganakan: Nobyembre 30, 1863
Pook na Sinilangan: Tronso, Tondo, Maynila
Pangalan ng Ama: Santiago Bonifacio
Pangalan ng Ina: Catalina de Castro
Pangalan ng  Asawa: Gregoria de Jesus  (Mayo 9, 1875 – Marso 15, 1943),
   Ikinasal noong 1893 sa simbahan ng Binondo, Maynila
Pangalan ng Anak: Andres
Mga Kapatid: Ciriaco, Procopio, Espiridiona, Toradio, at Maxima
Araw ng Kamatayan: Mayo 10, 1897
Pook ng Kamatayan: Mt. Buntis, Marogondon, Kabite
Dahilan ng Pagkamatay: Pinaslang sa pagbaril
Gulang ng Mamatay: 33

   Dumanas ng ibayong kahirapan ang kanyang pamilya noong 1877, nang magkaroon ng epidemya ng cholera sa Maynila at sakit sa mga alagang baka na halos umubos sa populasyon ng mga ito. Hindi pa ito natapos, isang mapinsalang bagyo naman ang nagwasak ng maraming kabahayan at mga ari-arian, at ang pagtigil sa trabaho, bilang kargador sa pantalan ng kanyang ama sa Binondo, dahil sa sakit na tuberculosis, at ito'y madaling nakahawa sa kanyang ina, isang superbisora sa pagawaan ng sigarilyo, at magkasunod silang namatay. Labing-apat na taong gulang si Andres nang maulila noong 1882, at bilang panganay sa magkakapatid, huminto siya sa pag-aaral at tumayong magulang sa kanyang limang kapatid. Naging bodegero at mensahero (warehouseman/clerk-messenger), at habang nagta-trabaho, hindi kinaligtaang mag-aral sa sarili. Dahil
alam na niyang sumulat at magbasa ng wikang Espanyol, pinag-aralan ang wikang Inggles upang makapagbasa ng mga aklat nito. 
 
 < Ang bandilang ito ay sinasagisag ang kulay ng dugo na ginamit na tinta sa pagpirma ng mga nagnanasang maging kasapi ng Katipunan.

   Isa siyang mason o 'Freemason' at kasapi ng 'Gran Oriente Espanol' (Spanish Grand Lodge). Naging kasapi din siya sa 'La Liga Filipina' ni Gat Jose Rizal. Isang lihim na samahan na humihingi ng reporma sa pulitika ng pamahalaang Kastila sa Pilipinas. Nang hulihin si Rizal at ipatapon sa Dapitan, sa Mindanaw, ipinagpatuloy nina Bonifacio, Apolinario Mabini, at marami pang iba ang 'La Liga Filipina'. At sa kalaunan, itinatag ni Bonifacio at ng kanyang kapwa mason na sina Ladislao Diwa, Teodoro Plata, at Deodato Arellano ang Katipunan, o ang KKK (Kataastaasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga anak ng Bayan) noong ika-7 ng Hulyo, 1862, sa kuweba ng Pamitihan sa bundok ng Montalban, lalawigan ng Morong (ngayon ay lalawigan ng Rizal). Ang Katipunan ay isang lihim na kapatiran na ang pangunahing adhikain ay mapalaya ang Pilipinas mula sa mapang-aping kolonyal na pamahalaang Kastila.

 
 Ang sistema sa pagsapi, pag-subok sa kagitingan, pagsusulit, mga ritwal, at pagbuo ng orginasasyon ay hinango sa kapatirang mason. Ginamit niya ang pandigmang pangalan ang palayaw na, 'May pag-asa.'  

   Nagsimula si Bonifacio sa Katipunan bilang tagapangasiwa at tagasuri ng mga gastusin. Ikatlo siya mula kay Deodato Arellano at Roman Basa, sa mga naging pinuno ng Katipunan. At noong 1895, ginawa siyang Presidente Supremo ng Katipunan bilang pagkilala sa kanyang magiting na pamumuno.

   Ang Katipunan ay may sariling mga batas, ibat-ibang sangay ng pamamahala at halalan para sa liderato. Sa bawat lalawigang sinasaklaw nito, ang Mataas na Supremong Sanggunian ang nakikipag-ugnayan sa mga panlalawigang sanggunian na nagpapairal naman ng pambayang pamamahala, pati na mga lokal na sanggunian sa bawat distrito hanggang sa mga kanayunan, at higit sa lahat sa mga pakikidigma ng hukbong sandatahan nito.


< Unang opisyal na bandila ng Katipunan.
   Ginawa niyang batayan ang Kartilya ni Emilio Jacinto na sa kalauna’y naging tagapayo at matalik niyang kaibigan. Ang opisyal na pahayagan ng Katipunan ay ang Kalayaan. Kasama niya sa panulat dito, sina Jacinto, at Pio Valenzuela. Sumulat si Bonifacio ng maraming artikulo, isa sa mga sanaysay niya ang ‘Ano ang Dapat Malaman ng mga Pilipino? Kasama dito ang dakila niyang tula na Pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Ginamit niyang lihim na pangalan ang palayaw na, Agapito Bagumbayan. Sa paglunsad ng pahayagang Kalayaan noong 1896, mabilis na kumalat ang Katipunan sa buong Luzon, Panay sa Bisaya, at hanggang Mindanaw. Mula sa 300 daang kasapi noong Enero, ay umabot ito ng 400,000 libong kasapi pagsapit ng Agosto, ng taong ding yaon.

   Tinangka ni Bonifacio, Emilio Jacinto, at Guilermo Masangkay na iligtas si Rizal noong ito ay patungo sa Cuba upang maglingkod sa sandatahang kolonyal ng Espanya doon. Ito’y bilang kapalit ng kanyang paglaya mula sa Dapitan. Subalit tumanggi si Rizal, hanggang sa ito ay hulihin, pinalabas na nilitis, at binaril sa Bagumbayan (Luneta – na ngayon ay Rizal Park) ng mga Kastila. Ginawang halimbawa ang pagpatay kay Rizal upang takutin ang mga Pilipino at masupil ang paglaganap ng himagsikan. Ngunit kabaligtaran ang nangyari, lalong lamang naglagablab ang mga pakikibaka sa Maynila at karatig na mga lalawigan.

   At noong  ika-23 ng Agosto, 1896, sa pag-iwas sa malawakang paghahanap sa kanya, ipinatawag ni Bonifacio ang libu-libong mga katipunero sa mahalagang pagtitipon sa Kalookan upang simulan na ang pambansang pag-aalsa. Bilang protesta sa kolonyal na pamahalaang Kastila, ay pinunit nila ang kanilang mga sedula na kasabay ang pag-sigaw ng, “Mabuhay ang kalayaan ng Pilipinas!” Ito ang itinuring na ‘Sigaw sa Balintawak’ o ang kapanganakan ng pagkakaisa tungo sa isang malaya na bansang Pilipinas. Kinabukasan din, ang pambansang rebolusyunaryong pamahalaan ng Katipunan ay hinirang si Bonifacio sa pagka-Pangulo at pangkahalatang pinuno ng mga naghihimagsik, at ang Supremong Sanggunian bilang kanyang gabinete sa Banlat, Pasong Tamo.

   Makalipas ang apat na araw, noong ika-28 ng Agosto, nag-isyu siya ng pangkalahatang proklamasyon:
       “Ang manifesto na ito’y para sa inyong lahat. Kailangan nating ganap na wakasan hanggat maaga ang di-makatarungang pakikipaglaban na ipinalalasap sa mga anak ng ating Inang-bayan na ngayon ay namimighati sa matinding mga kaparusahan at makahayop na pagpapahirap sa mga bilangguan, at sa kadahilanang ito mangyari lamang na ipaalam natin sa ating mga kapatid na, sa Sabado, ika-29 ng buwang ito, ang himagsikan ay magsisimula ng naaayon sa ating kasunduan. Kaya’t sa hangaring ito, kinakailangan ang lahat ng kabayanan ay magsama-samang bumangon at lusubin ang Maynila ng sabay-sabay. Sinuman ang sumalungat sa sagradong adhikaing ito ng ating sambayanan ay paparatangang isang taksil at kalaban, maliban kung siya’y maysakit, o kaya’y walang sapat na kakayahan, at sa kasong ito, siya ay lilitisin ng naaayon sa mga regulasyong ating ipinaiiral.”
          Bundok ng Kalayaan, ika-28 ng Agosto, 1896,  ANDRES BONIFACIO

   Dati-rati’y pinupuna ang Katipunan ng mga titulado (may mataas na pinag-aralan) at mayayamang Pilipino (ilustrados) dahil pawang mga anak-pawis at hindi nakapag-aral ang karamihan sa kasapi nito, subalit nang lumaganap na ito sa kamaynilaan at maraming kanugnog na lalawigan, sa Kabisayaan, at malaking bahagi ng Mindanaw, ay nagsisapi na rin sila. At dito nagsimula ang pagkakahati ng mga katipunero sa dalawang pangkat (faction), ang Magdiwang (Bonifacio –grupo ng mga anakpawis) at Magdalo (Aguinaldo, grupo ng mga ilustrados -elite). Sapagkat nais nilang maging mga pinuno, at siya namang nangyari dahil sa panunuhol at paggamit ng salapi ay naipuwesto silang mga pinuno sa kani-kanilang pook at lalawigan.


 < Bandila ng pangkat na Magdiwang ni Bonifacio (Kamaynilaan)


  Hanggang sa magkaroon ng malaking hidwaan sa magkabilang pangkat ng Magdiwang at Magdalo sa Kabite. Hiniling mg mga Magdalo na magtungo sa Kabite ang Supremo ng Katipunan na si Bonifacio, at pag-isahin ang dalawang pangkat. At sa naganap na kumbensiyon at halalan sa Tejeros, lalo lamang itong lumubha at naging sanhi ng kamatayan ng Supremo. 



 < Bandila ng pangkat na Magdalo ni Aguinaldo (Cavite)

Ang Masaklap na Alitan sa Kumbensiyon ng Tejeros

   Nangyari ito matapos ang pagpupulong at halalang ginanap sa hindi malilimutang Tejeros Convention, na kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng pangkat Magdalo at Magdiwang tungkol sa pamumuno sa Katipunan. Dahil naganap ito sa Kabite at mayroong pandaraya sa halalan, nahalal si Bonifacio bilang pangalawa lamang na may pinakamaraming boto, dahil dito ay may nagmungkahing igawad ang pangalawang pagka-Pangulo kay Bonifacio, subalit walang nagsusog dito at nagpatuloy ang halalan. Si Don Mariano Trias ang nahalal bilang pangalawang Pangulo.  At si Bonifacio nang matapos ang halalan ang huling nahalal bilang Kalihim sa Digma (Director of Interior). 

   Mariiing tinutulan ito ni Daniel Tirona, ang nagpamudmod ng mga balota, at nagprotesta ito sa posisyong ibinibigay kay Bonifacio sa pagsasabing hindi nararapat na mahawakan ang posisyon ng sinuman na walang pinag-aralan, o diploma ng pagka-abogado. Iminungkahi ni Tirona ang isang prominenteng manananggol ng Kabite na siyang nararapat sa posisyon. Dinamdam at ikinagalit ni Bonifacio ang insultong ito sa kanya, subalit nagawang magtimpi nito at hiningi na lamang ang paumanhin ni Tirona, sapagkat napagkasunduan nila sa simula ng pagpupulong na igagalang ang kinalabasan ng halalan. Ngunit sa halip na magpaumanhin sa kanyang kalapastanganan sa Supremo ay lumabas ng silid at umalis si Tirona. Lalong nagalit si Bonifacio at hinugot sa suksukan ang kanyang baril, ngunit mabilis itong hinawakan ni Artemio Ricarte, isa niyang kapanalig sa Magdiwang, na nahalal naman bilang Captain-General, ito'y nagsumamong huwag patulan ni Bonifacio si Tirona. Subalit sa dakong huli, nananaig ang hangarin ng mga Magdalo sa kabila ng lantarang mga pandaraya.

   At nang magsimulang mag-alisan na ang mga tao, idineklara ni Bonifacio: "Ako, bilang pinuno ng asembliyang ito at inihalal na Pangulo ng Konsehong Supremo ng Katipunan, na hindi ninyo mapapasubalian, ay idinedeklara kong walang katuturan, at aking pinawawalang bisa kung anuman ang napagkasunduan at sinang-ayunan."

   Subalit kinabukasan, patago at panakaw na tinanggap ni Aguinaldo ang panunumpa bilang Pangulo sa isang kapilya na opisyal na isinagawa ng paring Katoliko na si Cenon Villafranca. Ayon kay Heneral Santiago Alvarez, maraming kawal ang itinalaga sa labas ng pintuan ng kapilya, na may mahigpit na kautusan na walang pahihintulutang makapasok sinuman na kaanib ng pangkat ng Magdiwang habang idinadaos ang panunumpa ni Aguinaldo. Bagama't tinanggap din ni Heneral Artemio Ricarte ang kanyang tungkulin na "mariing napipilitan lamang" ay sumulat at nagdeklara ito; na napatunayan niya na ang halalan sa Tejeros ay  "marumi at pandaraya" at "hindi naaayon sa tunay na hangarin ng sambayanan (Pilipino)."



   Samantala, nakipagkita si Bonifacio sa natitira pa niyang mga kasamahan at isinusog ang Acta de Tejeros (Act of Tejeros) na kung saan ipinapaliwanag nila ang kanilang pagtutol sa naganap na pandaraya sa halalan. Ipinahayag ni Bonifacio na ang halalan ay isang katiwalian, isang pandaraya, at pinaratangan si Aguinaldo ng pakikipagsabwatan sa mga Kastila. 

   Sa sinulat na alalala (memoirs) nina Santiago Alvarez (anak ni Mariano) at Gregoria de Jesus, ipinahayag ng dalawa na may nakasulat ng mga pangalan sa mga balota bago pa ito ipinamudmod ni Tirona, at buong pinagdidiinan ito ni Guillermo Masangkay na maraming balota ang inihanda kaysa sa mga botante o magsisiboto. Isinulat din ni Alvarez na pinagbilinan niya si Bonifacio tungkol sa mga inihandang pandaraya sa balota bago bilangin ang mga boto, subalit nanaig kay Bonifacio ang pagtitiwala na hindi siya magagawang dayain ng kanyang mga kapanalig sa Katipunan sa Kabite.

    Nagkaroon ng maramihang mga pagkalas sa pangkat ng Magdiwang at mga pag-anib sa pangkat ng Magdalo, dahil sa pananakot at panunuhol ng salapi. At ang sabwatan ng mga mayayamang nasa posisyon sa pangkat ng Magdalo ay siyang nangingibabaw. Sa nakapanlulumong pagkakawatak-watak ay nagpasiya si Bonifacio; malinaw na idineklara niya ang kanyang pagiging pinuno ng himagsikan sa Naik Military Agreement. Subalit malakas at nakahanda na ang puwersa ni Aguinaldo, at bago matapos ang Abril ay nagawa nitong makuha ang simpatiya ng karamihan sa mga taga-suporta ni Bonifacio sa kanyang pangkat na Magdiwang sa Kabite. At mula sa pamahalaang Aguinaldo, nagbaba ito ng kautusan na hulihin si Bonifacio, na nang mga panahong iyon ay paalis na ng Kabite.

   Isang pangkat ng mga kawal ni Aguinaldo na pinamumunuan ni Colonel Agapito Bonzon at Jose Ignacio Paua, bayaw ni Aguinaldo, ang nakatagpo kay Bonifacio sa kanyang kampo sa Indang, Kabite noong ika-26 ng Abril, 1897. Sa dahilang walang kaalam-alam si Bonifacio sa ginawang utos ni Aguinaldo sa pag-aresto sa kanya, magiliw niyang tinanggap ang dumating na pangkat sa kanyang kampo. Mag-uumaga nang salakayin nina Kol. Bonzon at Paua ang tinutulugan ni Bonifacio. Hindi nakipaglaban si Bonifacio at inutusan ang kanyang mga katipunero na huminto sa barilan. Subalit hindi huminto ang palitan ng mga putok, at nasugatan sa bisig si Bonifacio. Tinaga ni Paua si Bonifacio sa batok at binawalan lamang na ihinto ito ng isa sa mga tauhan ni Bonifacio, at humiling itong siya na lamang ang patayin ni Paua sa halip na si Bonifacio. Isa sa mga kapatid ni Bonifacio, si Ciriaco ang binaril at napatay. Ang isa naman na kapatid, na si Procopio ay walang awang binugbog, at ang asawa ni Bonifacio na si Gregoria de Jesus ay iniulat na ginahasa ni Kol. Bonzon.
  
   Ibinalik sa Naik ang hinuling pangkat ni Bonifacio, na kung saan siya at ang kanyang kapatid na si Procopio ay isinakdal at nilitis sa hukumang militar na pinamumunuan ni Hen. Mariano Noriel. Inakusahan ang magkapatid ng pag-aaklas (sedition) at pagtataksil sa bayan (treason)  laban sa pamahalaang Aguinaldo, at idinagdag dito ang pagbalangkas na pagpapatay kay Aguinaldo. Ang lahat ng mga huwes ay pawang mga tauhan ni Aguinaldo, at maging ang inilaang abogado para kay Bonifacio ay idineklara ang pagpapatunay sa mga ibinibintang dito; hindi pinahintulutan na konprontahin ni Bonifacio ang tumayong testigo laban sa kanya sa sakdal na pagbalangkas ng pagpatay kay Aguinaldo, sa kadahilanang ang testigong ito ay napatay sa isang labanan, subalit nang matapos ang paglilitis nakita itong buhay at kasama ng mga abogadong taga-usig ni Aguinaldo.

   At noong ika-10 ng Mayo, 1897, ang magkapatid ay dinala ng mga tauhan ni Aguinaldo na pinamumunuan ni Major Lazaro Macapagal sa Mt. Buntis sa Maragondon, Kabite at malupit na pinatay. Isinulat ni Apolinario Mabini na ang pagpaslang kay Gat. Andres Bonifacio ay nagpahina sa rebulosyon. Maraming katipunero ang nagkawatak-watak mula sa Maynila, Laguna, at Batangas na dumating na nais tulungan ang pangkat ng Magdiwang na pinangungunahan ni Bonifacio at nang mapagtanto nila ang tunay na nangyari ay nagsipagkalas sa katipunan na pinamumunuan ni Aguinaldo.  Isa na rito ang kapanalig ni Bonifacio na si Emilio Jacinto, na hindi kailanman nagpailalim sa hukbong kapangyarihan na mga pag-uutos ni Aguinaldo.

   Naipakita ng hukumang militar ni Aguinaldo na may kasalanan sina Bonifacio at kapatid nito kahit na wala sa katuwiran at mahina ang mga ebidensiya upang patunayan ang mga paratang ng pagkakasala. At ang iginawad na matinding parusa ng kamatayan sa magkapatid ay sadyang hindi naangkop sa ibinintang sa kanila.

    Maraming tagasulat ng ating kasaysayan ang tumalakay kung ano ang motibo o matinding hangarin ng pamahalaan ni Aguinaldo, at kung may karapatan man ito na isagawa ang pagpaslang sa magkapatid na Bonifacio. Isinaad ni Renato Constantino at Alejo Villanueva na si Aguinaldo at ang kanyang pangkat (Magdalo Faction) ay tahasang sumalungat at kumontra sa rebulosyon --- bilang nagkasala sa paglapastangan sa iginawad na kapangyarihan ng katungkulan ni Bonifacio bilang Supremo ng Katipunan, at sa kapasiyahan nilang nagkasala si Bonifacio sa kanila. Ang sariling tagapayo at opisyal ni Aguinaldo na si Apolinario Mabini ay sumulat na si Aguinaldo ay, "pangunahing nasasangkot sa hindi pagkilala at pagsuway laban sa Supremo ng Katipunan na kung saan si Aguinaldo ay isang kasapi."

   Isinaad pa rin sa sulat ni Mabini, na hindi kinikilala ng mga katipunero ang katungkulan ni Aguinaldo. At kung nakatakas lamang si Bonifacio mula sa Kabite, mayroon itong karapatan bilang Supremo ng Katipunan na isakdal si Aguinaldo ng treason (pagtataksil sa bayan) sa halip na hulihin at paslangin si Bonifacio. Ipinapakita rin dito ang pangingibabaw ng naghaharing uri laban sa mga mababang uri ng mamamayan sa Pilipinas. Anak-pawis, mahirap, at hindi nakatapos ng pag-aaral si Bonifacio, kaya hindi ito matanggap ng mga nakakariwasang sumapi sa Katipunan nang ito'y lumakas at kumalat na sa maraming lalawigan. Binansagan ni Mabini na ang pagpaslang kay Bonifacio ay isang uri ng "assasination ... the first victory of personal ambition over true patriotism." Magkatulong sina Don Emilio Aguinaldo at Don Mariano Trias ng Kabite na maganap ito, samantalang si Bonifacio, bagama't naipakita niya ang kanyang integridad sa pakikiisa sa mga Magdalo at nagawang pumunta sa pagpupulong sa Kabite, na kung saan si Bonifacio ay itinuturing na hindi mapagkakatiwalaan at hindi kalalawigan.

   Lumitaw din sa dakong huli na ang minimithi ni Aguinaldo sa kasunduan sa Biak na Bato matapos ang pagpapatapon sa kanya ng mga Kastila sa Hong Kong ay ang pananatili ng kapangyarihan at mga interes ng mga ilustrados (naghaharing-uri) na kanyang kinabibilangan at sa pakikipagtulungan nila sa kolonyal na pamahalaang Kastila.

   < Bantayog sa Lungsod ng Kalookan

   Ngayon, ang sambayanang Pilipino ay dinadakila si Gat. Andres Bonifacio, bilang tunay na Pilipino at Ama ng Himagsikan ng Pilipinas. Tuwing sasapit ang ika-30 ng Nobyembre ay Araw ni Bonifacio (Bonifacio Day) at ipinagdiriwang natin ang kapanganakan niya.

   Ayon sa makabayang tagasulat ng ating kasaysayan na si Renato Constantino, “Hindi maipagkakaila na isang dakilang Pilipino si Bonifacio---tunay na martir at bayani.” Higit siyang ipinagbubunyi ng mga makabayan sa ating lipunan bilang ating pambansang bayani kaysa kay Gat. Jose Rizal; sa dahilang si Rizal,  ay nahirang sa udyok at pakikialam ng pamahalaang kolonista ng Amerika sa Pilipinas, sapagkat tahimik at ayaw ni Rizal ng gulo. At ang tunay na hangad nito’y ang magkaroon lamang ng representasyon (kinatawang Pilipino) sa parliamento ng Espanya at gawing lalawigan nito ang Pilipinas. Ayon sa mga ilustrado, si Bonifacio ay lubhang marahas (radical) at nais ang sandatahang pakikibaka sa pagpapalaya ng Pilipinas., at ito’y salungat at kumukontra sa kolonyal na pamamahala ng Amerika noon.
 -------
  Nakakalungkot at tunay namang kasuklam-suklam ang bahaging ito ng ating kasaysayan, ngunit kailangan nating malaman at maunawaan ito kahit na mahapdi, upang hindi na maulit pa ang mga karumaldumal na patayang namamagitan sa Pilipino at kapwa Pilipino. Dahil kapansin-pansin na taguring Magdalo ang ginagamit ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) sa kanilang pangkat ng mga pinuno at mga sundalo.  At karamihang pinapaslang ay yaong mga makabayang Pilipino na nagnanais na palayain ang Pilipinas sa mga kabuktutan at pagsasamantala sa ating lipunan. Ginagawang panakip-butas ang Bagong Hukbo ng Bayan (NPA-Komunista) at MILF, Abu Sayaf, (Muslim terror groups) at iba pang mga tulisan upang makatwirang paratangan at supilin ang tunay na karaingan ng bayan.

   Kailangang hintuan na ang mga walang awang pagkitil ng buhay at pagyurak sa karapatang pantao. Gawing makabayan at hindi maka-ilustrado (para sa mayayaman) ang AFP at PNP. Totohaning tapusin ang mga kabuktutan, mga pagpatay, mga pagkidnap, at mga pangongotong ng NPA at MILF. Ilantad ang mga nasa likod at tumutulong sa mga ito. Alisin ang mga sundalong banyaga na nakikialam sa ating militarya sa ating bansa. Ito ang lubhang nagpapagulo sa ating bayan, at itigil na ang hindi makatwiran at pataksil na pagpatay sa mga walang kalaban-laban na mga mamamayan--- na ang tanging adhikain lamang ay ang kapakanan ng nagdarahop na sambayanang Pilipino. 


*Hinango ang mga larawan at mga pahayag mula sa Wikipedia at philippine-history.org at maging sa About the Philippine-American War - Amigo (Google).

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan



No comments:

Post a Comment