Pabatid Tanaw

Wednesday, November 23, 2011

Karangalan at Kahihiyan


Kapag walang paggalang at karangalan sa pamahalaan, ang moralidad ng sambayanan ay nalalason.

   Noong 2006, si Hu Jintao, ang Pangulo ng Tsina na may populasyon na 1,339,724,852 (2010 census), at kamakailan lamang ay naungusan sa dami ng smart phones ang Amerika sa pamilihan, pinaka-aktibo at pinaka-mayamang bansa sa larangan ng ekonomika, tagapagpautang sa maraming bansa na pinangungunahan ng Amerika, ay nagproklama ng sumusunod na "mga karangalan at mga kahihiyan" upang manumbalik at paigtinging muli ang mga pagpapahalaga sa kanilang bansa.

Ang karangalan ng pagmamahal sa Inang-Bayan;
ang kahihiyan sa paglalagay sa panganib ng Inang-Bayan.

Ang karangalan ng paglilingkod sa sambayanan;
ang kahihiyan ng walang pakialam sa sambayanan.

Ang karangalan ng pagsuporta sa agham;
ang kahihiyan ng walang kamuwangan at kamangmangan.

Ang karangalan ng masigasig na paggawa;
ang kahihiyan ng katamaran.

Ang karangalan ng pagkakaisa at pagtutulungan;
ang kahihiyan ng pagsasamantala sa kapaguran ng iba;

Ang karangalan ng katapatan at pagtupad sa binitiwang pangako;
ang kahihiyan ng pagtalikod sa moralidad para makinabang. 

Ang karangalan ng disiplina at pagkamasunurin;
ang kahihiyan ng walang umiiral na batas at kaguluhan.

Ang karangalan ng masidhing pagpupunyagi;
Ang kahihiyan ng pagpapasasa sa karangyaan.

    Hindi katakatakang mabilis ang pag-unlad ng bansang Tsina, sa pagkakaroon ng mga pinuno sa kanilang pamahalaan na pinahahalagahan ang sambayanan kaysa ang pagpapayaman sa mga sarili. Mahalaga natin itong matanto kung nais nating magkaroon ng pagbabatayan sa pag-unlad. Higit na makakatulong kung maisasaulo ito at gawing mahalagang panuntunan (value) sa sarili. 

   Ipakita mo sa akin ang taong namumuno sa inyong bayan, at mapatutunayan ko sa iyo ang uri ng manghahalal sa inyong bayan.

   Mainam na nakakaunawa ka sa mga kabatirang narito, upang laging nakahanda ang kaisipan. At kung dumarating ang mga tukso o mga nakakahalinang panghihikayat, madali na ang tumanggi at umiwas sa kapahamakang susuungin. Dahil mistula itong mga patibong na tuluyang magwawasak sa iyo.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataaan


No comments:

Post a Comment