Pabatid Tanaw

Tuesday, November 29, 2011

Pagpupugay sa Ama ng Himagsikan ng Pilipinas


Mabuhay ang Dakilang Supremo!


148 na Dakilang Araw ng Kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio
(Nobyembre 30, 1863 - Mayo 10, 1897)

   Si Gat. Andres Bonifacio ay hindi lamang Ama ng Himagsikan ng Pilipinas. Si Bonifacio ay panglahatang higit pang mataas na Ama ng Demokrasya ng Pilipinas.   –Manuel L. Quezon, President, Philippine Commonwealth

   Mula sa tagaulat ng kasaysayan natin na si Milagros Guerrero, ang mga titulo o designasyon na pagpupugay sa ating Dakilang Supremo:

    Pangulo ng Kataastaasang Kapulungan
    (President of the Supreme Council)

    Ang Kataastaasang Pangulo
    (The Supreme President)

    Pangulo ng Haring Bayan ng Katagalugan
    (President of the Sovereign Nation of Katagalugan)
    Note: "Bayan" means both "people" and "country"

    Ang Pangulo ng Haring Bayan Nagtatag ng Katipunan
, Unang Nagsimula ng Panghihimagsik
    (The President Sovereign Nation Founder of the Katipunan,
    Initiator of the Revolution)

  Office ng Kataastaasang Pangulo, Pamahalaan ng Panghihimagsik
    (Office of the Supreme President, Government of the Revolution)

   Si Bonifacio ay nangungunang bayani ng Himagsikang Pilipino, sapagkat siya ang nagpasimuno ng Himagsikan sa Pilipinas, isang sandatahang paghihimagsik laban sa kolonyal at hindi makatarungang pamamahala ng mga Kastila. Halos apat na daang taon tayong napailalim at pinagmalupitan---at naputol lamang ito nang itatag at pamumunan ni Bonifacio ang Katipunan. Kung hindi siya nagsimula, wala tayong pag-uukulan ng papuri at pagdakila para sa mga bayaning sina Emilio Jacinto, Antonio Luna, Gregorio del Pilar, Miguel Malvar, Macario Sakay, at marami pang iba. Kung wala tayong kasaysayan, wala tayong pagkakakilanlan bilang isang lahi.

   Sila ang nagpatuloy ng himagsikan matapos patayin ng mga Magdalo ng Kabite ang magkapatid na Bonifacio (Andres at Procopio) sa pamumuno ni Don Emilo Aguinaldo, sa Maragondon, Kabite.  Isang nakakalunos na kabanata ng ating kasaysayan ang trahedyang ito sa buhay ni Bonifacio, higit na napakasakit at ibayong kasuklam-suklam; ang pagtataksil sa kanyang pamumuno bilang Supremo ng Katipunan, at ang walang awang pagpatay sa kanya mula sa mga kamay ng kapwa niya Pilipino, gayong nasa kalagitnaan sila ng pakikipaglaban para matamo ang ating kalayaan. Sa halip, ang pag-agaw sa liderato ng Katipunan ang namayani at siyang nagpahina sa rebulusyon. At sa pagkakawatak-watak ng mga katipunero; sinamantala ng mga dayuhang Amerikano ang alitan ng mga Pilipino, upang mapalitan ang pamahalaang Kastila sa Pilipinas.

   Nakatapos ng apat na grado lamang, dahil maagang naulila at tumayong magulang sa mga kapatid. Subalit nag-aral sa sarili ng mga literaturang kanluranin at nagawang maging kasapi ng kapatiran ng malalayang mason (Freemasons), na kung saan ang mga lihim nitong ritwal, pagsanib, pagsumpa, at mga proseso ay naging inspirasyon niya. Isinalin at ginamit niya ang mga ito upang maitatag ang Katipunan. 

   Pinatutunayan ng ating mga tagaulat ng kasaysayan na higit ang pagkabayani ni Bonifacio kaysa Gat. Jose Rizal. Sa mga panulat ni Rizal, matutunghayan na hindi siya kailanman naghangad ng kalayaan para sa Pilipinas. Madalas na ipinapahayag niya ang pagnanais na magkaroon lamang ng representasyon ang Pilpinas sa pamahalaan ng Espanya (Spanish Cortes) bilang isang lalawigan. Nang bisitahin nila Bonifacio si Rizal noong siya ay nakakulong, hinimok nila si Rizal na suportahan ang rebulusyonaryong Katipunan.Tumanggi si Rizal at nagbabala pa na huwag gawin ito at kapahamakan lamang mauuwi ang lahat. Ayon sa kanya, walang kakayahan ang mga Pilipinong mag-alsa at lumaban sa isang malakas at malaking bansa na tulad ng Espanya.

   Isang malaking pagdakila ang araw na ito para sa tinaguriang “The Great Plebeian” at maging sa mga kapus-palad nating mga kababayan na binansagang mga “Bagong Bayani" na nasa iba’t-ibang sulok ng mundo. Tulad ng ating Supremo ---sila ang mga uri ng manggagawa sa hanay ng mga  kapuspalad at maralitang antas sa ating lipunan. Nagsitakas sila mula sa kahirapan at pinagtitiisang mawalay sa mga mahal sa buhay; sa paghahangad ng ginhawa at magandang kinabukasan ng pamilya. Tulad ng ating Supremo---pinilit kalabanin ang pagmamalupit sa lipunan, itinitindig ang karangalan, ipinaglalaban ang mga karapatan, ipinapakitang kahit mula sa lupa, ay nagagawang makatayo at humarap sa katotohanan para sa kapakanan ng Inang-Bayan. 


Mabuhay ang mga tunay na Pilipino!

Mabuhay tayong lahat!

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Monday, November 28, 2011

Matagumpay Ka ba?


   Mayroon akong nabasa noon, tungkol sa tatlong magkakapatid na babae na lumaking magkakasama. Sa kanilang kahirapan; matapos ang kanilang pag-aaral sa mataas na paaralan, ay isa lamang ang nakatuntong sa kolehiyo at nakatapos ng pag-aaral. Ang isa ay maagang nag-asawa at naging karaniwang maybahay, ang isa naman ay naging isang maunlad na negosyante, at ang isa ay naging doktor sa medisina. Bawa’t isa ay natagpuan ang kanya-kanyang tungkulin sa buhay at naging masaya. Bawa’t isa sa kanila; sa kanilang pansariling pangmasid ay natagpuan ang tinatawag nating tagumpay.

   May mga taong nakakaranas ng nakaka-panghilakbot ng mga kabanata sa kanilang buhay, at kamangha-mangha kung papaano nila ito naiwasan o natakasan. May katiyakan na ang iba sa kanila ay nasawi sa pakikibaka o sa karamdaman. Hindi sila nagsisuko at tinanggap na lamang ang kapalaran, sa halip kahit papaano ay nakipaglaban. Ang iba naman ay naging matagumpay, kahit na sa kabila-kabila ng mga unos at balakid na kanilang kinahaharap. Sila ay nakarating sa kung saan nais nilang magtungo, kahit gaano mang hirap ang naging pakikibaka sa buhay.

     Ang tagumpay ay sadyang mailap para sa iba, ngunit siyang kaganapan ng lahat ng iyong mga pagtitiis at mga paghihirap. Ang iyong pagwawagi na marating ang kinalalagyan mo sa ngayon ang katibayan nito. Naisakatuparan mo ang lahat ng iyong mga naisin, mga plano, at mga hinangad na nagdulot sa iyo ng mga papuri, kasaganaan, at kasiyahan.

   Kakaunti ang nagtatagumpay at napakarami ang mga nabibigo. Nababatay ito sa mga tamang pag-uugali at sa basta makaraos na panuntunan. 

   Dito sa huli, marami ang eksperto sa atin. Hangga’t puwede na, ayos nang umarya. Walang gaanong sinusunod na pamantayan at ‘bahala na ‘ang nakapangyayari. Patama-tama. At hindi kataka-takang buhay alamang ang kanilang kinagiliwan. 

   Subalit doon sa sukdulang matatagumpay; sila ay mapagmasid, mapanuri, binabago at nagtatama ng mga bagay, at may makabuluhang matayog na mga pangarap. Ang kanilang mga pagkilos ay may sinusunod. Narito ang kanilang mga kaugalian ng pagiging matagumpay sa buhay.

Mga Kaugalian ng Matatagumpay

Mayroong malinaw na pananaw kung ano ang talaga ang nais sa buhay, at naiisip kung ano ang posibleng mangyari sa ikakatagumpay nito. Alam kung saan pupunta at nauunawaan ang magiging kalagayan pagdating dito. Ito ay napakahalaga. Ito ang dakilang layunin ng bawa't isa sa atin upang mapagtagumpayan ang mga lunggati.

   Sinisimulan ang araw na nakahanda at may masiglang saloobin. Tulad sa isang kotse; bago ito gamitin sa paglalakbay ay isinasaayos ang lahat, nasa tamang kundisyon ang makina, nakaayos ang mga salamin at mga ilaw, gumagana ang preno, tama ang hangin sa mga gulong, husto ang gasolina, ayos ang mga dokumento ng kotse, at nakaplano ang biyahe. Lalong higit na pagtuon kung ang kinabukasan ng pamilya, trabaho, negosyo, at tagumpay ang nakasalang. Kung sa isang karaniwang paglalakbay ay nagagawa ito sa isang karaniwang kotse, bakit naman hindi kung paglalakbay ng iyong buhay at kinabukasan ng iyong pamilya ang nakataya.

   May ritwal at nagkakaisa ang mga pagkilos. Ito ang nagpapabilis na magawang matapos kaagad ang mga gawain. Iniiwasan ang mga nakakagambala at umaagaw ng pansin. Mga balakid ito upang bumagal at mawala ang atensiyon doon sa mahahalaga. Kapag napagkaisa ang mga kilos at nakatuon lamang ang lahat ng mga ito upang matapos ang gawain, ang tagumpay ay abot kamay na lamang.

   Ugali na ang huminto at malaman ang tinutungo. Ayon sa kanila, hangga’t ang ating utak ay hindi hustong nagagamit sa kakayahan nito, nawawalan ito ng kasiglahan at nagpapahina ng ating kalooban. Sa lahat ng gawain at anumang larangan, kailangan ang pahinga, paghinto, agwat o espasyo upang magkaroon ng karagdagang lakas at pag-aaral kung nasa tama kang landas. Paminsan-minsan ay kailangang umaakyat sa mataas na punongkahoy upang tanawin kung ang tinutumbok na pupuntahan ay siyang tamang daan. Tulad sa musika, kung walang espasyo o paghinto ang mga tunog ay walang malilikhang sonata.

   Kung patuloy at minamadali ang lahat, hindi natin magagawang tapusin ang anumang gawain na ating sinimulan nang naaayon sa kaganapan nito. Hindi malinaw na tapos ang isang trabaho kung hilaw ang pagkakagawa nito, o idinaan na lamang sa patama-tama at puwede na. Binubusising maigi ang lahat, pinagtutuunan ng ibayong pansin, at ibinubuhos ang lahat sa abot ng makakaya.

   Piniling maging kakaiba kaysa pangkaraniwan, kahit na mangahulugan ito na sila ay mag-isa na lamang, at ang ginagawa ay hindi tanyag o hindi kinagigiliwan, at pinipintasan pa, patuloy pa rin sila sa pagpupunyagi. Ang katwiran nila, “Kung walang tiyaga, walang nilaga.”

   Mapagmasid at hindi basta sumasang-ayon sa nakararami kung ano ang magkakatulad nilang ginagawa. May sariling mga diskarte kung papaano malalagpasan ang mga balakid at kamalian. Hindi lahat ng uso o kinahuhumalingan ay mapapakinabangan at pangmatagalan. Kailangang sa paggawa, o sa anumang produkto; ang atensiyon ay naroon sa ikahuhusay, ikagaganda, at maitutulong nito para kapakanan ng lahat.

Laging matuwid at nangunguna kaysa naghihintay at umaasa sa mga bagay na mangyayari. Sila ang lumilikha, gumagawa, at nagsismula ng mga pagbabago. Hindi gumagaya, at laging may bagong ideya na makakatulong. Habang natutulog na ang iba, sila naman ay naroon pa sa gawain at nagtitiyagang tapusin ito.

   Pinapalibutan ang sarili ng mga tagasuporta at positibong tao. Ang tagumpay ay nanganganak at nag-uusbong ng marami pang tagumpay. Dagdag pa, kung mapapalibutan mo ang iyong sarili ng mga taong may makabuluhang mga lunggati at matatagumpay sa kanilang mga piniling larangan o industriya, ikaw man din ay magiging matagumpay.

   Itinitinda ang mga sarili upang makilala sila. Hangga’t malaki ang paniniwala kung sino sila, at kung ano ang makakaya nilang gawin ang siyang nagdadala sa kanila upang magkaroon ng pangalan o tatak na pagkakakilanlan sa kanila. ito ang nagpapalakas ng kanilang pagtitiwala sa mga sarili na magsumigasig pa. Ang mga pintuan ng magagandang pagkakataon ay laging nakabukas para sa kanila.

Sa katapusan, tinatamasa ang anuman ang gawain, at pinag-aalab ito ng husto. Sapagkat ayon sa kanila; kapag maligaya ka sa iyong trabaho ang kabayarang matatanggap mo mula dito ay bonus na lamang. Hindi na isang mabigat na gawain ang kanilang mga trabaho, bagkus isa na itong libangan at sadyang nakakaaliw para sa kanila. At kahit na hindi sila bayaran ng salapi, ito pa rin ang kanilang gagawin. Hindi nakapagtataka, kahit hindi nila hinahanap, lagi silang sinusundan ng salapi at magagandang mga pagkakataon sa buhay.


     Ito ang mga sangkap sa pagiging huwaran na pinupuri at minimithi. Kung mauunawaan na pahalagahan ang buhay; sa kabila ng pagiging masalimoot at mailap nito, magagawang maging masaya, nakawiwili, at nakakaakit ito. Tulad ng pagkakaloob ng tulong, sa pagdamay at paglilingkod sa kapwa, sa mga makabuluhang simulain ng pamayanan, hindi lamang may pakinabang ito sa iba, bagkus nagkapagdudulot pa ito sa sarili ng kasiyahan at kaligayahan. Sa marami ito ang kanilang minmithing tagumpay.

   Walang katumbas na halaga o salapi ang idinudulot nitong kapayapaan at kasiyahang loob sa paggawa ng kabutihan at kapakanan ng iba. Ito ang uri ng mabisang kapasiyahan at panuntunan na nagtatakda at lumilikha ng mga pambihirang matatagumpay na tao; na hiwalay sa mga pangkaraniwan at may mabababaw na kaisipan.

  Ang tunay na tagumpay ay nangangailangan ng paggalang, pagpapahalaga, integridad, at pagtitimpi---lahat ng mga ito ay mga kaugalian at katangian ng matatagumpay na tao. Bihira at iilan lamang ang mapapalad na nakakamit ang mga ito. Marami ang nagsasabing mahirap itong mapanatili at marating; lalo na sa harap ng makabagong pangangalakal o merkado na walang hinto ang mga pandaraya, sinusupil ang ating mga kaisipan sa pamamagitan ng telebisyon, pahayagan, radio, at internet. Sa bawa’t sandali ay binobomba tayo ng kanilang mga promosyon at nakakahalinang mga gayuma upang makaakit. Kahit hindi natin ibig itong mangyari, ay nakikialam at mapangahas sila na baguhin ang ating kamalayan. Dahilan upang mawalan na tayo ng kalayaan para dito, dahil lamang sa kasakiman sa pagkita ng salapi ng iba.

   Datapwa’t mayroon tayong kapangyarihan na pumili, At piliin kung ano ang makapag-papaunlad at makapagpa-paligaya sa atin. Nasa atin ang huling kapasiyahan kung nais nating maging matagumpay o manatiling bigo sa buhay---may kapangyarihan tayo na maging Masaya o Malungkot. Tiyakin ang pipiliin, Kaligayahan o Kapighatian?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, November 27, 2011

Isang Bukas na Liham Para sa Iyo

Makinig Ka sa Akin

  
Mabilisang epektibo, mangyari lamang na maunawaan na may mga pagbabago na kailangan MONG maisagawa sa IYONG buhay. Ang mga pagbabagong ito ay kailangang makumpleto upang magawa Kong tuparin ang Aking mga pangako na ipagkaloob sa iyo ang kapayapaan, kasiyahan, at lubos na kaligayahan sa buhay na ito. Humihingi Ako ng paumanhin sa pagkakabalam, matapos ang lahat na Aking ginagawa, lumilitaw na ito’y isang munting kahilingan sa iyo. Alam Ko, naibigay ko na ang 10 Mga Kautusan. Pangalagaan ang mga ito.


 Datapwat sundin ang mga panuntunan na ito, din:

1-IWASAN ANG PAG-AALALA
        Pinatawan ka ng unos ng buhay at ang lahat ng ginawa mo ay umupo at mag-alala. Nakalimutan mo na ba, na Ako ay narito upang kunin ang lahat ng iyong kasiphayuan; at pasanin ang mga ito para sa iyo? O, nais mong tamasahin ang panggigi-puspos, maging sa bawat maliliit na bagay na dumarating?


2- ISAMA ITO SA LISTAHAN
       Kailangang may magawa o mapangalagaang bagay. Isama ito sa listahan. Huwag, hindi sa LISTAHAN mo. Isama ito sa Aking listahan-ng-gagawin. Hayaang Ako lamang ang magsaayos ng problema. Hindi Ako makakatulong hangga’t hindi mo ipinapasa sa Akin. At kahit na ang Aking listahan-ng-gagawin ay mahaba, Ako nama’y . . . Diyos. Magagawa Kong maisaayos ang anumang bagay na ipinasa mo sa Aking mga kamay. Sa katibayan, kung ang katotohanan ay sadyang nabatid na, maisasaayos Ko ang maraming bagay para sa iyo na kailanman ay hindi mo mauunawaan.



3-MAGTIWALA SA AKIN
      Kapag naibigay mo na ang iyong mga kasiphayuan sa Akin, hintuan mo nang kunin pabalik muli ang mga ito. Pagkatiwalaan Ako. Magkaroon ka ng pananalig na maisasaayos Ko ang lahat ng iyong mga pangangailangan. Ang IYONG mga problema at ang iyong mga pagsubok.  Mga problema sa mga bata? Isama sila sa Aking listahan. Mga problema sa pinansiyal, mga pananalapi? Isama sa Aking listahan. Mga problema sa iyong pabago-bagong emosyon? Sa ganang Akin, isama sa Aking listahan. Ibig Kong matulungan ka. Ang kailangan lamang na gawin ay hilingin ito.



 4-PABAYAAN ITONG KUSA
      Huwag gumising isang umaga at bumigkas ng, “O ngayon, nakakaramdam na ako ng kalakasan, sa palagay ko’y makakaya ko na.” Ano sa iyong akala at naging malakas ka na ngayon? Napakasimple nito. Ipinasa mo sa Akin ang iyong mga kasiphayuan at isinasaayos Ko ang mga ito. At muli Kong pinatibay ang iyong lakas at nilukuban Kita ng Aking kapayapaan. Hindi mo ba alam na kung ibabalik Kong muli sa iyo ang mga problemang ito, makakabalik ka pa ba kung saan ka nagsimula? Iwanan mo ang mga ito sa Akin at kalimutan na ang tungkol dito. Pabayaan mong gawin Ko ang Aking trabaho.





5-KAUSAPIN MO AKO
       Ibig Kong kalimutan mo ang maraming bagay. Kalimutan ang anumang nagpapabaliw sa iyo. Kalimutan ang mga bagabag at ang panggigi-puspos sapagkat alam mong Ako ang nangingibabaw sa lahat. Subalit mayroong isang bagay na dinadasal Ko na kailanman ay huwag mong makalimutan. Marapat  lamang, huwag kalimutan na kausapin Ako-sa TUWINA!   . . . Mahal kita!   Ibig Kong marinig ang iyong tinig. Ibig Kong isama mo Ako sa mga bagay na nagaganap sa iyong buhay. Ibig Kong marinig na magsalita ka tungkol sa iyong mga kaibigan at pamilya. Ang pagdarasal ay napakasimpleng pakikipag-usap sa Akin. Ibig Kong maging pinakamalapit mong kaibigan.




6-MAGKAROON NG PANANALIG
       Nakikita Ko ang maraming bagay mula dito sa itaas na hindi mo makikita diyan sa kinalalagyan mo. Magkaroon ng pananalig sa Akin na alam Ko ang aking ginagawa. Magtiwala sa Akin; hindi mo maiibigan ang tanawin mula sa Aking mga mata. Patuloy Kong pangangalagaan ka, susubaybayan kita, at ipagkakaloob ang lahat ng iyong mga pangangailangan. Ang kailangan lamang ay pagkatiwalaan mo Ako. Kahit na napakalaki ng Aking katungkulan kaysa iyo, lumilitaw na higit kang maproblema sa paggawa ng iyong karaniwang tungkulin. Gaano ba kahirap ang magtiwala?





7-MAGBIGAY
       Tinuruan kang magpamigay nang ikaw ay dalawang taon gulang pa lamang. Kailan mo ito nalimutan? Ang kautusan ay umiiral pa rin. Magbigay doon sa mga hindi mapapalad at nangangailangan kaysa iyo. Isalo mo sa iyong kaligayahan yaong mga nangangailangan ng kasiglahan at tibay ng loob. Isalo mo ang iyong mga patawanan doon sa hindi na nakakarinig nito sa matagal ng panahon. Ibahagi mo ang iyong mga luha doon sa mga nakalimot nang umiyak. Ibahagi mo ang iyong pananalig doon sa mga hindi nakakaunawa at nakalimot na.





8-MAGING MAPAG-PASENSIYA
       Nagawa Kong isaayos ito upang sa buong buhay mo ay magkakaroon ka ng marami at iba’t-ibang mga karanasan. Lumaki ka mula sa pagiging bata, nang pagiging matanda, sa pagkakaroon ng mga anak, pagpapalit ng mga trabaho ng maraming ulit, na matuto ng maraming kakayahan at mga gawain, ang makapaglakbay sa maraming pook, ang makaniig ang maraming tao, at makaranas ng higit pa. Papaano na at hindi ka makapag-pasensiya kapag medyo nagtatagal Ako gaya ng inaasahan mo na matupad ang anuman sa Aking listahan-ng-gagawin? Magtiwala sa Aking pagtatalaga ng panahon, dahil ang Aking panahon ay perpekto. Hindi bagkus na nilikha ko ang buong sansinukob sa loob ng anim na araw, ang bawa’t isa ay iniisip na kailangan Kong laging mabilis, mabilis, at ibayong mabilis pa!



9-MAGING MABAIT
       Maging mabait at maunawain sa iba, dahil minamahal ko sila tulad ng labis Kong pagmamahal sa iyo. Hindi man sila nakapagbibihis na kawangis ng sa iyo, o nagsasalita na kaparis mo, o namumuhay na katulad ng paninirahan na ginagawa mo, ganoon pa man minamahal Ko kayong lahat. Marapat lamang na magkaisa kayo at magsama-sama, para sa Akin. Nilikha Ko ang bawa’t isa sa inyo na magkakaiba sa maraming bagay. Walang kasiyahan at nakakasawa kung lahat ay magkakatulad. Mangyari lamang na malaman mo na minamahal Ko ang bawa’t isa ninyong mga kaibahan.

 
10-MAHALIN ANG IYONG SARILI
       Higit Kitang minamahal, bakit hindi mo magawang mahalin ang iyong sarili? Ikaw ay nilikha Ko sa isang kadahilanan lamang -->ang mahalin ka, at magmahal din ng iba. Ako ay Diyos ng pag-ibig. Mahalin Ako. Mahalin ang iyong mga kapitbahay. Subalit mahalin din ang iyong sarili. Nagdurugo ang Aking puso kapag nakikita Kong inaaway mo ang iyong sarili kapag ang mga bagay ay namamali. Napakahalaga mo sa Akin. Huwag mo kailanman itong kalilimutan! , Minamahal KITA !


Lubos na nagmamahal,

DIYOS



*Mga larawan ni Hesukristo na hinango mula sa Divine Revelations/spiritlessons.com 

 -----------------
Kung naibigan po ninyo ito at nais maibahagi sa mga kaanak, kaibigan, at mga kababayan; may kalayaan po kayong kopyahin at ipadala sa  (Email, facebook, twitter, etc.). At doon sa mga may nais ng patuloy na nakakatanggap ng mga pahayag dito, mangyari lamang na pakilista ang inyong email address sa gawing kanan sa itaas, upang kayo ay mapadalhan at makaugnay dito sa tuwina.

Salamat po,
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Saturday, November 26, 2011

Ito ang Aking Sinusunod

Kailangang alisin mo ang mga paghatol at pamantayan; kung lunggati mong tamasahin ang kaligayahan na may masiglang adhikain sa buhay.

  Malaki ang aking paniniwala na lahat ng tao ay may likas na mga katangian para makamtan ang tagumpay. Dangan nga lamang patuloy na nauusyami ito ng maraming hadlang at hindi magawang pagyamanin. At marami sa atin kung hindi magigising, tuluyang ikapapahamak nila ito at maghahari ang kapighatian sa kanilang buong buhay. Hindi dapat itong mangyari, mayroon silang likas na kapangyarihan upang magtagumpay sa anumang larangan o industriya na hinahangad nila o kanilang nasimulan na. 

  Tungkol naman sa iyo, umaasa akong hindi ito ang nangyari, sa dahilang may hinahanap ka.  At ngayon ay nakatunghay at binabasa mo ang blog na ito. Bilang pagpapatunay na nais mong may malaman na makapagda-dagdag sa iyong kabatiran upang magtagumpay. Dahil hindi ka lumitaw dito sa mundo na walang dahilan at kapupuntahan.


 Sapagkat sa simula pa lamang; isa ka ng kampeon, nang ipunla ng iyong ama ang kanyang similya (sperm cell) sa iyong ina sa kanilang pagtatalik. Sa isang pagpusit; batay sa kalusugan ng lalaki ay mahigit na 180 milyon (66 million sperms/ml) hanggang 400 milyon ang mag-uunahang makarating at pasukin, upang mapisa ang itlog (egg cell) sa sinapupunan (uterus) ng babae. At isa lamang ang tatanghalin na kampeon, ang nakapisa (fertilize) ng itlog.

  Sa pag-uulit, sa napakaraming daan-daang milyong ito; tanging isa lamang ang magwawagi; ISA LAMANG . . . Ang pinakamapalad na nanalo, . . . ay IKAW.


   Subalit nang lumabas ka sa mundo, mistula kang isang blangkong papel. At habang ikaw ay lumalaki at nagkakaisip, marami ang nagsusulat sa blangkong papel na ito; ang iyong pamilya at mga kaanak, ang iyong mga kapaligiran, ang iyong pinaniniwalaang relihiyon, ang uri ng iyong paaralan, ang iyong mga naging kasamahan, ang iyong naturingang mga kaibigan, at higit sa lahat ang kinalakihan mong lipunan. Anumang kahinaan, kabuktutan, kalakasan o kagalingang mayroon ang mga ito . . . na 'isinulat' sa iyo; ito ang nagtanim at nagpayabong sa katauhang naghahari ngayon sa iyong sarili. At nakapaloob dito ang kaligayahan at kapighatiang umiiral ngayon sa iyong puso.

   At kung napunta ka man o nakarating sa kalagayan mo ngayon, ginusto mo ito ayon sa iyong mga pinakinggan, natutuhan, naranasan, at pinaniniwalaan. Hindi kailanman ito mangyayari ng wala kang partisipasyon. Ito ikaw ngayon.

 Ang tanong, nasaan ngayon ang kampeon? Ang nagsimula ng lahat? Tila nawawala sa kabubuang larawan. Huwag mabahala, narito na ang wagasmalaya.blogspot.com at tinatalakay ito upang pukawin at paigtinging muli ang pagiging likas na kampeon mo.

Ito ang binubuhay na adhikain ng AKO, tunay na Pilipino.
Ano ang kahulugan ng ADHIKAIN

Ang mga Pagkakaiba:

Naisin , (wish) nasa, gusto, ibig  –isang pahapyaw na kataga na nagnanais makamit ang isang bagay na hindi matutupad, dahil walang pagkilos. Pag-asam lamang. Nakalutang at lumilipad - walang tuldok at katiyakan. Pangarap lamang.

Hangarin (desire) –ipinapahayag, umaasam na sana ay makamit ang minimithi - naghihintay ngunit naroon ang agam-agam na mabibigo, dahil naghahangad pa lamang. Nagpupumilit, gumagawa at laging nakaamba, at manaka-nakang kumikilos. Patuloy ang daloy ng pangarap.

Layunin (intention, motive) –isang hangarin na may pagkilos, at may puwersa (inner force) na dumadaloy upang tuparin ang hinahangad. Walang tuwirang tuldok o pagtatapos. Tinutupad ang pangarap.

Lunggati (goal) –isang nakakatiyak, nasusukat, at mayroong sapat na panahong inilaan para ito matapos, na kung saan lahat ng itinakdang mga gagawin ay itinutuon lamang para dito hanggang makamtan ang nilalayon. Itinalaga at nakaatang gawin ang pangarap anumang mangyari.

Adhikain (advocacy) – isang makabuluhang proseso na naghahangad, naglalayon, at nagsususog ng masidhing simulain tungo sa tagumpay. May kasamang marami pang iba sa malawakang pagkilos hanggang magtagumpay.

   Lahat ng mga ito ay nakabatay sa uri, klase, at sistema ng pagkilos; at nagtatapos sa inaasahang kaganapan at tagumpay. 

Narito ang mga layunin para sa adhikain ng AKO, tunay na Pilipino sa pagsambit ng mga pangungusap:

124 na mga Panuntunan ng Tunay na Tagumpay

1   -AKO ay isang Kampeon!
2-   Walang imposibleng bagay sa pagpupunyaging matibay.
3-   Magagawa ko lamang ang lahat kapag tunay at makabuluhan ang aking mga lunggati.
4-    Ang kaligayahan ay isang walang hintong lagablab sa kaibuturan ng aking puso.
5-    Ang tumawa ng madalas.
6-    AKO mismo ang hinahanap ko.
7-    Walang mali; anumang tungkol sa akin.
8-    Ang pahalagahan ang kagandahan at makita ko ang kabutihan ng iba.
9-    Anumang namimighati sa akin ay hindi ako.
10-  Kapag namali ako, mabilis na tanggapin at iparamdam ito sa nasangkot.

11-  Ang matamo ang paggalang ng mga matatalinong tao at pagkagiliw ng mga bata.
12-  Mapasaakin ang anumang aking naisin.
13-  Walang namamagitan sa akin kundi ang aking iniisip.
14-  Ang ipaubaya ang papuri sa iba.
15-  Ang laging ngumiti at mamilaylay sa aking mga labi ang kaluwalhatian.
16.  Na huwag manghinayang sa natapon at nakaraan.
17.  Ang makipag-usap sa iba para sa kapakanan nito upang maintindihan ako.
18-  Ang gawin at ipagkaloob ang lahat sa abot ng aking makakaya.
19-  Ibahagi ang magagandang bagay sa mga kadaupang palad ko.
20-  Sa aking pagkilos, magni-ningning at maglalagablab ako.

21-  Ang samantalahin ang ginto sa mga ginintuang hangarin.
22-  Pahapyaw na tawagin ang pagkakamali ng iba.
23-  Iwasan ang palaging pagtitig sa salamin.
24-  Gampanan sa iba ang anuman na hindi nila makaya sa kanilang sarili.
25-  Bilangin ang aking mga pagpapala--sa halip na mga bagabag.
26-  Huwag mahumaling at manggaya ng katauhan ng iba.
27-  Alamin, gampanan, at ipaalam ang mga katotohanan.
28-  Kapag mabuti, simulan na at gawing ugali ko ito.
29-  Linisin at palinawin ang aking tunay na katauhan.
30-  Mag-ingat sa paggamit ng nakakamatay na mga pangungusap.

31-  Huwag mamuna, mamintas, humatol, at magreklamo.
32- Ang Dakilang Maykapal ay hindi naniniwala sa mga walang pananalig!
33-  Ang daigdig ko ay naghihintay sa akin.
34-  Ang palaging magtanong kaysa ang mag-utos.
35-  Ang kahulugan ng buhay ay ginagawa, hindi hinahanap.
36-  Makiugnay sa mga tamang tao na may mga makabuluhang lunggati.
37-  Ang maging abala sa tuwina.
38-  Ang maging mabuting tagapakinig, hindi ang palasagot.
39-  Anuman ang aking pinaniniwalaan ay siya kong ipamumuhay.
40-  Hayaan ang iba nang hindi mapahiya.

41-  Kung hindi ako tinatanong, wala akong karapatan na sumagot.
43-  Walang mga kaganapang nangyayari, kundi ang pagmasid dito.
44-  Ang piliin ang pinakamatayog na kaisipan!
45-  Palaging ngumiti---hangga’t hindi ko nadarama ang pag-iyak.
46-  AKO mismo ang higit na nakakaalam at makapangyayari sa sarili ko!
47- Nasa kaibuturan ng aking puso ang kaharian ng Diyos.
48-  Iwaglit ang takot na magbigay, at palitan ito ng paglilingkod.
49-  Magkapatid ang madamot at magnanakaw.
50-  Walang kakulangan, kundi ang kakapusan - sa pagnanais na tumanggap.

51-  Hintuan ang pagwawasto sa aking buhay---at simulang mabuhay!
52Huwag pagpawisan ang maliliit na bagay.
53Ang pakikibaka ay isang kagustuhan.
54-  Ang pagiging martir ay humahantong sa kasiphayuan.
55-  Ang pagkatakot ay sanhi ng kahapon.
56-  Walang mga alalahanin, bagkus mga pagkakataon ito.
57-  Nakalipas na ang kahapon . . . kung nanaisin ko ito.
58-  Lisanin at takbuhan ang mga taong nakalalason at mga pasanin sa buhay.
59-  Ang aking mga hinaing at mga bagabag ang humahadlang sa akin.
60-  Ang pagpapatawad ay binibigyan ako ng mga pakpak.

61-  Italaga na mabuhay na maligaya anuman ang mangyari.
62-  Ang pangatawanan at idrama ang aking mga ideya.
63-  Ang pagbabago ay magaganap---kapag pinaniwalaan ko ito.
64-  Anumang pinipilit kong supilin, ay aking winawasak.
65-  Ang pagtitiwala lamang ang makapagbabago sa lahat ng bagay.
66-  Ang nakaraang mga pagtatanggol ay mga balakid sa aking pagtatagumpay.
67-  Kapag sinimulan kong humakbang, ang tulay ay kusang lilitaw.
68-  Ano pa ba ang aking hinihintay?
69-  Walang maligayang tao na sakdal o laging perpekto.
70-  Nakakapinsala ang may matigas na katwiran.

71-  Ang tunay na pagpapakilala ay ang katagang “Oo,” at "Opo."
72-  Italaga na maging maligaya na ngayon!
73-  Ipakita ang paggalang sa opinyon ng iba. Kailanma'y huwag bigkasin ang "Ikaw ay mali!"
74-  Ipataw sa iba ang marangal na reputasyon at magawang maipamuhay niya ito.
75-  Ibahagi ang magagandang bagay sa mga kadaupang palad ko.
76-  Samantalahin ang ginto sa mga ginintuang hangarin.
77-  Isaayos ang paggamit ng aking panahon tungo sa kaunlaran at kaligayahan.
78-  Isagawa sa iba; anuman na hindi nila makaya sa kanilang sarili.
79-  Huwag subukang gumanti at makipagtagisan sa aking mga kaaway.
80-  Hanapin ang susi tungo sa puso ng kausap.

81-  Kailanman ay hindi ako naipit o nabigo, kundi natakot lamang.
82-  Mag-isip ng bahagya, subalit mabuhay ng higit at puno ng kasiglahan.
83-  Ang aking mga bagabag ay hadlang sa pagiging malikhain ko.
84-  Ang pagkasuklam ay laging ikinukubli ang aking mga regalo.
85-  Ang mga pangangatwiran ay mahapding pagkurot sa dating mga sugat.
86-  Kung may hilahil ako, isang paanyaya ito na kailangan kong magbago.
87-  Kapag lubusan akong napagod, ang kahulugan nito’y mag-iba ako ng paraan.
88-  Sakaliman na may sakit o dinaramdam ako, pagmamahal ang lunas nito.
89-  Kung ako ay buhay, kailangan ko ng tulong ng iba.
90-  Hangga’t itinatago ko ang aking pananalig, naiwawaglit ko ang aking sarili.

91-  Ang pag-ibig ang tunay na kapangyarihan.
92-  Ang pagtawa ay isang takbo ng aking pag-iisip.
93-  Ang hayaan ang kausap ko; ang siyang laging magsalita.
94-  Manatiling nakabukas ang aking kaisipan sa mga milagrong ipinapadala sa akin.
95-  Ang iwasan na bigkasin ang “Oo, ngunit,” "sana,"at “Akala ko.”
96-  Ang aking kaligayahan ay isang regalo.
97- Ang Maging Palakaibigan.
98-  Simulan na kaibiganin ang aking sarili.
99-  Ipaalam sa mga tao na kailangan ko sila.
100-Ang lumikha ng alaala at pasyalan ito sa tuwina.

101-Purihin ang mga tao sa harapan ng mga kasamahan.
102-Bigyan ang iba ng reputasyong mapanghahawakan.
103-Bigkasin ang tamang salita sa tamang sandali.
104-Pasiglahin ang mabuting hangarin ng iba.
105-Ipaubaya ang papuri sa iba.
106-Punuin ang aking kaisipan ng ispirito ng kapayapaan, kagitingan, kalusugan, at pag-asa.
107-Ang ibahagi ang magagandang bagay sa tanging kadaupang palad ko.
108-Ang tandaan na laging tawagin ang sinuman sa kanyang pangalan o katungkulan nito.
109-Maging eksperto sa larangang pinasok ko.
110-Makagawa ng mabuting bagay sa bawat araw.

111-Isagawa sa iba anuman na hindi nila makaya sa kanilang sarili.
112-Makinig mula sa kaibuturan ng aking puso.
113-Asahan ang kawalan ng utang na loob ng iba.
114-Magbigay ng walang liting na nakatali.
115-Alamin ang mga pangalan ng iyong kapitbahay at mga nakakaharap.
116-Ipaunawa ang angking kalakasan ng mga tao.
117-Sumulat ng mga liham ng pagtataguyod.
118-Tulungan ang mga tao na manalo.
119-Ang maging huwaran ako kaysa mangaral.
120-Kapag ako’y tagumpay; nakaganti na rin ako sa mga taga-usig at kaaway ko.

121-Na may mairog na pangsang-ayon at masiglang pagpuri.
122-Ang magkaloob na buong pagtitiwala, katapatan, at pagpapahalaga sa iba.
123-Magawa kong maligaya ang isang tao na gawin ang bagay na pakiusap ko.
124- Ang malaman na ang isang buhay ay nakahinga ng maluwag sapagkat nabuhay ako.

   Mayroon kang kamangha-manghang kapangyarihan na nasa iyo na makapagdudulot ng lahat at anumang iyong kailangan.Tuklasin at pagyamanin ang nakatagong mga  katangiang ito ng pagiging kampeon mo. Manatiling gising at may panahon na ginagamit ang pinagmumulan ng iyong mga ideya at pananaw upang makamit ang iyong mga lunggati sa buhay.
 Mabuhay ng may inspirasyon magmula ngayon!


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Wednesday, November 23, 2011

Karangalan at Kahihiyan


Kapag walang paggalang at karangalan sa pamahalaan, ang moralidad ng sambayanan ay nalalason.

   Noong 2006, si Hu Jintao, ang Pangulo ng Tsina na may populasyon na 1,339,724,852 (2010 census), at kamakailan lamang ay naungusan sa dami ng smart phones ang Amerika sa pamilihan, pinaka-aktibo at pinaka-mayamang bansa sa larangan ng ekonomika, tagapagpautang sa maraming bansa na pinangungunahan ng Amerika, ay nagproklama ng sumusunod na "mga karangalan at mga kahihiyan" upang manumbalik at paigtinging muli ang mga pagpapahalaga sa kanilang bansa.

Ang karangalan ng pagmamahal sa Inang-Bayan;
ang kahihiyan sa paglalagay sa panganib ng Inang-Bayan.

Ang karangalan ng paglilingkod sa sambayanan;
ang kahihiyan ng walang pakialam sa sambayanan.

Ang karangalan ng pagsuporta sa agham;
ang kahihiyan ng walang kamuwangan at kamangmangan.

Ang karangalan ng masigasig na paggawa;
ang kahihiyan ng katamaran.

Ang karangalan ng pagkakaisa at pagtutulungan;
ang kahihiyan ng pagsasamantala sa kapaguran ng iba;

Ang karangalan ng katapatan at pagtupad sa binitiwang pangako;
ang kahihiyan ng pagtalikod sa moralidad para makinabang. 

Ang karangalan ng disiplina at pagkamasunurin;
ang kahihiyan ng walang umiiral na batas at kaguluhan.

Ang karangalan ng masidhing pagpupunyagi;
Ang kahihiyan ng pagpapasasa sa karangyaan.

    Hindi katakatakang mabilis ang pag-unlad ng bansang Tsina, sa pagkakaroon ng mga pinuno sa kanilang pamahalaan na pinahahalagahan ang sambayanan kaysa ang pagpapayaman sa mga sarili. Mahalaga natin itong matanto kung nais nating magkaroon ng pagbabatayan sa pag-unlad. Higit na makakatulong kung maisasaulo ito at gawing mahalagang panuntunan (value) sa sarili. 

   Ipakita mo sa akin ang taong namumuno sa inyong bayan, at mapatutunayan ko sa iyo ang uri ng manghahalal sa inyong bayan.

   Mainam na nakakaunawa ka sa mga kabatirang narito, upang laging nakahanda ang kaisipan. At kung dumarating ang mga tukso o mga nakakahalinang panghihikayat, madali na ang tumanggi at umiwas sa kapahamakang susuungin. Dahil mistula itong mga patibong na tuluyang magwawasak sa iyo.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataaan