Pabatid Tanaw

Tuesday, September 06, 2011

Inis-patatas


  Habang patuloy ang pagkainis, patatas ito ng patatas, hanggang tuluyan ng maging pag-uugali.
 
   Isang guro sa kindergarten ang nagpasiya ng isang natatanging laro para sa kanyang klase na tinuturuan. Inutusan niya ang kanyang mga pupilo na magdala ng supot na plastik na naglalaman ng ilang patatas. Bawa’t patatas ay lalagyan ng pangalan ng tao o kaeskwela na kinaiinisan ng bata, kung kaya’t ang magiging laman ng supot ay naaayon sa bilang ng mga taong kanyang kinaiinisan.

   Sa itinakdang araw, bawa’t bata at may dalang supot na may lamang mga patatas na may mga pangalan. May ilang bata na tigalawa lamang ang laman ng kanilang supot; mayroong tatlo, at may iba naman na lima ang lamang patatas.

   Ipinaliwanag ng guro sa mga bata na kailangang dalhin nila ang kanilang mga supot na plastik na may lamang mga patatas kahit saan sila magtungo sa loob ng paaralan, kahit na maging sa loob ng palikuran, sa loob ng isang linggo. Araw-araw, ito ang kanilang ginawa, at ang mga bata ay nagsimulang magreklamo sa kanilang mga dala-dala, sanhi ng umaalingasaw ng nabubulok na patatas sa loob ng kanilang mga supot.

   Doon sa mga batang may tig-lilimang patatas ay nagsimula ng mainis sa bigat nito at nais nang magsihinto sa ginagawang laro sa patatas. Ngunit bago mangyari ito, nagpahayag na ang guro na tapos na ang kanilang laro. At ang guro ay nagtanong: “Ano ang inyong nadarama habang dala-dala ninyo ang mga patatas sa loob ng isang linggo? Lahat ng bata ay magkakasabay na nagpahayag ng pagkainis at sinimulang ireklamo ang mga kapaguran, bigat ng patatas, at pangangamoy nito saan man sila magtungo sa loob ng paaralan. May mga nagbanta pa na hindi na nila ito uulitin pa o sasali sa ganitong uri ng laro.

   Nakangiting ipinaliwanag ng guro ang tunay na pakay kung bakit ginawa nila ang larong ito. Ang pahayag ng guro: “Ito ang eksaktong sitwasyon na nangyayari sa inyo kapag dala-dala sa inyong puso ang pagkainis o galit sa iba. Ang alingasaw nito ay unti-unting lumalason sa inyong puso at nagpapabigat sa inyong mga dalahin saan man kayo magtungo.”

   Nagpatuloy pa ang guro: “Kung hindi mo makakayang tanggapin ang masangsang na amoy ng nabubulok na patatas pati na ang bigat nito sa loob ng isang linggo, papaano na kaya kung ang bagay na ito’y gagawin mong dalahin sa iyong buong buhay?

   “Ngayon, sino sa inyo ang may nais na kinaiinisan at laging dala-dala ito sa araw-araw?” Ang pagwawakas na tanong ng guro sa kanyang mga pupilo.

Wala na po! Ang malakas at magkakasabay na sagot ng mga bata.

-------
Inilarawan natin ito sa pamamagitan ng mga batang mag-aaral, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagsisimula sa maliit patungo sa malaki. Mula sa bata patungo sa pagtanda. At anuman na ipinunla sa iyong puso at hinayaang manatili sa mahabang panahon ay nagiging saloobin, nagpapatibay ng pag-uugali,  at siya namang magtatakda ng iyong magiging tadhana.
   Anumang pagkainis, pagkagalit, o pagkasuklam sa iba na namamahay sa iyong puso ay napakabigat na dalahin sa buhay. Mistula itong lason na unti-unting pumapatay sa iyong katinuan. Winawasak nito ang iyong mga kapasiyahan at mga pagkakataon na nararapat lamang na maibaling sa mga bagay na makabuluhan at makapagpapaunlad sa iyo.
   Hangga’t umuukilkil sa iyong isipan ang pagkagalit sa iba; patuloy ang iyong pagtatanikala sa sarili sa taong kinamumuhian mo, at tulad ng mga sinulid na patuloy mong hinihibla, nagiging lubid itong sasakal sa iyo sa bandang huli. 
   Magpatawad at lumimot upang makalaya. Ito lamang ang tanging paraan upang maibsan at malunasan ang iyong mga dalahin na bumabagabag sa iyo sa tuwina. 

   Paalaala: Ang mahihina at duwag kailanman ay hindi nagpapatawad. Ang pagpapatawad ay isang kagalingan ng mga matatapang at magigiting.

No comments:

Post a Comment