Pabatid Tanaw

Monday, September 19, 2011

Huwag Mabagabag

Ang bagabag ay pinapatay ang iyong kasiglahang mabuhay.

   Ang aking buhay ay binalot ng mga kabiguan na kailanman ay hindi nangyari. Namighati ako sa mga bagay na walang saysay at hindi mangyayari magpakailanman. Maraming ulit ko itong naranasan at napatunayan.

   At ang mga ito ay nagaganap, dahil napakabilis ng mga pangyayari ngayon sa ating kapaligiran, at sadyang napakagulo. Kung wala kang pagtitimpi, paghahanda, o maging maparaan, masasangkot ka at magiging biktima rin sa mga kaguluhang ito---kung iyong pakakaisipin at walang hintong pag-uukulan ito ng atensiyon.

   Dahil dito, magiging katalik mo din ang mga bagabag sa tuwina. Wala itong anumang ipagbabago, at sa darating pang mga panahon ay higit pang magdudulot ng kapighatian sa pagdami ng tao at walang kaukulang kalalagyan sa lipunan. Patuloy ang mga bagabag; kasama nito ang nakapanlulumong listahan tungkol sa gastusin sa kalusugan, pananalapi, paghahanap ng magandang trabaho, karahasan, mga kabuktutan sa pamahalaan, pagbabago ng panahon, kahirapan sa trabaho, krimen, kakulangan ng panahon, pagkaabala sa maraming atensiyon, pagtaas ng mga bilihin sa gasolina at produktong langis, binabayarang mga pagkakautang, atbp.

   Ang bagabag ay isang tuwirang pagpapahirap sa sarili. Kawangis nito ang mga nagpepenitensiya tuwing mahal na araw. Sinusugatan ang mga sarili at pinipilit itong paduguin sa walang hintong paghampas sa sugat upang dumaloy ang dugo. Ito ang ating lantarang ginagawa sa ating mga sarili sa tuwing binabagabag ng mga samut-saring panimdim. Hindi mapalagay, nag-aalala, laging balisa, magulo ang kaisipan, nalilito sa tuwina, walang sigla, at nawawalan na ng pag-asa pang makibaka sa buhay. 

   Sa kalaunan, nagiging masasakitin, na humahantong sa malubhang karamdaman at ikinakamatay ng marami sa atin. Baki kailangan pa itong mangyari? Gayong may magagawa namang kaparaanan upang ito’y huwag maganap.

   May nagwika, na ang bagabag ay “Patuloy na pagbabayad ng interes sa kapahamakan bago ito mangyari.” Ang bagabag ay naging isa ng kaugalian na kinahuhumalingan ngayon at matinding kaaway. Mistula itong upuang umuugoy na nangangailangan ng pagtugya upang pabalik-balik ang ugoy nang hindi umaalis sa kinalalagyan nito.

   Kung paglilimiin lamang, walang saysay ang pag-ukulan pa ito ng panahon. Sa halip na maging abala sa mga makabuluhan at kaunlarang pansarili, naa-aksaya ito sa mga bagabag. Maraming taon nang patuloy na ipinapaliwanag ng mga nagsasaliksik at mga dalubhasa sa sikolohiya ang mga sumusunod:

   Halos 40 porsiyento ng mga bagabag na nagpapagulo sa isip ng tao ay hindi mangyayari.
   Ang 30 porsiyento naman na nangyari ay hindi na mababago pa.
   Ang mga 12 porsiyento na mga bagabag, na patuloy na inaalala natin ay ang walang sapat na kabatiran sa kalusugan, trabaho, at relasyon.
   Ang may 10 porsiyento pa nito, ay sa kaiisip natin na pakialaman ang kapakanan ng iba. Kasama pa dito ang kaiisip sa problema ng buong mundo na walang hintong nagaganap.

   At sa lahat ng ito, 8 porsiyento na lamang ang totoo. At kung atin namang tahasang haharapin--- ay magagawang lunasan, ngunit ipinagpapaliban at hindi na ginagawa pa. Sapagkat ginawa na itong libangan upang maipakita sa iba na abala at may gagawin pa.

   Ayon sa mga tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan; namana na nila ito mula pa sa kanilang mga magulang, na namana naman mula pa sa kanilang mga ninuno. At walang nangahas sinuman sa kanila na ito’y mabago at maituon sa kanilang kaunlaran.

   Ngayon, pakatitigan lamang po tong maigi; kung ang 40, 30, 12, 10 ng mga porsiyentong ito na may kabubuang 92 porsiyentong lahat ay maitutuon lamang sa 8 porsiyento ng ating mga bagabag na totoo. Simbilis pa ng kidlat ang mga bagabag na ito’y malulunasan at tuluyang mawawala sa ating mga isipan. Magiging masaya tayo, matatamasa ang mabuting kalusugan, mapayapa at may mahabang buhay na maunlad sa anumang larangang ating ginagawa.

   Kung magagawa ko lamang na maibalik muli ang nakaraan, higit kong haharapin ang mga tunay na bagabag kaysa ang panatilihin sa aking imahinasyon ang mga hindi matapos-tapos na pagkabalisa sa mga ito. 

   Magpakasaya tayo sa buhay, napakahirap alalahanin ang mga kabiguan na kailanman ay hindi na maibabalik pa o magaganap muli. Huwag nang sumama pa sa kapinsalaang dulot nito.

   Ang mga bagabag ay nagpupunla ng mga kapighatian, at ninanakaw ang kaligayahang dapat nating madama sa ngayon. Ang pinamasaklap na magagawa mo sa buhay ay ang patuloy na libangin ang iyong sarili ng mga bagabag, sa paniwalang malulunasan ito sa kaiisip dito. At kapag ito ang kinahumalingan mo, kawangis ito nang unti-unting pagpatay sa iyong sarili.

Pakaisipin lamang itong mabuti.

Harinawa.


No comments:

Post a Comment