Pabatid Tanaw

Monday, September 19, 2011

Hindi Mo Magagawa ang Lahat

Unahing Paunlarin ang Sarili Upang Makapaglingkod

   Sa edad kong ito; napatunayan ko na nang maraming ulit na wala akong kakayahan na magawa ang lahat na aking nais, kahit na ito’y daanin ko pa sa masusing pagpaplano at puspusang tiyakin na matatapos ang lahat, kahit na mga bahagi nito sa maghapon, at ipagpatuloy sa kinabukasan kung saan ako tumigil.

   Minsan nga; hinamon ko pa ang aking sarili, kung hanggang saan makakaya kong tapusin nang sabay ang dalawang trabaho sa loob ng maghapon. At napatunayan ko na, “Hindi mo magagawang hulihin ang dalawang kuneho nang sabay, dahil pareho itong makakatakas,” at pawang mga kabiguan lamang ang makakamtan mo. Kung sakaliman na may matapos ka na isa man dito, o kahit na dalawa man, makakatiyak kang ito’y hindi maayos, at wala sa hinahangad mong resulta. Sapagkat kinulang ito sa tamang pagtuon na siyang nararapat para dito.

   Isa pa, hindi ka makakasabay sa nakakamanghang mabilis na pagbabago sa teknolohiya sa ngayon. Kahit na nagawa mong matapos ang isang gawain, limang bagong tulad nito ang liitaw sa iyong harapan na nangangailangan din ng bago at naiibang paggawa. 

   Kaya nga, para doon sa mga iba na tahasang ayaw gamitin ang computer at pinagtitiisan ang lumang makinilya sa pagsulat, magiging madugo ang paraan na turuan pa sila. Bagama’t may ilan ding nakiisa, nagtiyagang matuto, at nagtagumpay. Napatunayan nilang walang hadlang kung sadyang nais mong may kapuntahan.

Bakit ko ipinaliliwanag ito? Magpatuloy lamang sa pagbasa -----

Malalaman mong ikaw ay umabot na sa taong 2011 kapag . . .

1-Nawala sa loob mo at aksidenteng ginamit ang iyong PIN number  sa microwave oven.

2-Hindi ka na humahawak pa ng mga baraha upang maglaro ng solitaryo, nalilibang ka na sa paglalaro nito sa computer.

3-Nakaugalian mo na sa araw-araw ang makipag-chat (makabagong paraan ng tsismis), mag-email, at dalawin ang iyong Facebook, Twitter, sariling blog, o alinman dito.

4-Mayroon kang 15 ng mga iba’t-ibang numero ng telepono ng iyong 4 na kapamilya.

5-Kung nasa kotse ka at dumating na sa harap ng inyong bahay, tumatawag ka sa cell phone kung may tao nang nakauwi sa loob ng bahay.

6-Ginagamit mo ang email sa pagtanong sa iyong katrabaho, kung handa na siyang mananghalian sa labas ng opisina.

7-Ang dahilan kung bakit hindi ka na tulad pa ng dati sa iyong ilang kaibigan ay sapagkat wala silang email address.

8-Karamihan sa iyong tinatawanang mga patawa ay galing sa email kaysa nakaharap mong tao.

9-Bawa’t anunsiyo o komersiyal sa telebisyon ay may website address sa ibaba ng screen nito.

10- Nayayamot ka na sa naturuan mong lola sa pangungulit nito, at napupuno ang iyong email inbox sa mga kahilingan nito ng JPEG file ng iyong bunsong anak na kanyang paborito upang gamitin niyang screen saver sa kanyang computer.

11-Hindi ka na nagpapadala pa ng mga holiday, valentine,  maging mga birthday cards sa koreo. Masaya at nalilibang kang gamitin ang mga napakaraming libreng pagbati sa internet.

12-Hindi mo na mahagilap pa ang iyong mga anak sa bahay, dahil nakatutok ang mga ito sa computer nila.

13-Tinatawag mo sila upang kumain na, subalit walang lumilitaw, kaya nag-text ka at tumugon ito sa text, kung ano ang ulam ninyo sa hapunan.

15-Nakagawian mo nang makipag-chat sa kung sinu-sino sa buong mundo; ngunit sa mahigit na isang taon, hindi mo man lamang kinausap kahit minsan lang ang iyong kapitbahay.

16-Nakabili ka na ng modelong computer nang makita mo sa internet na may mas bago pang modelo kaysa dito at nasa mababang halaga na lamang.

17-Iniisa-isa mo ang mga Facebook, Twitter account ng iyong mga kaibigan at kaanak sa paghalungkat ng mga bagong larawan at balita. Ayon sa iyo, nakagawian mo na ito bilang libangan.

18-Wala ka ng panahon sa mga aklat, diksiyunaryo, at mga dating files mo. Mabilis pa kaysa kidlat ang iyong pagtuon sa Google upang malaman ang anumang katanungan o kahulugan.

19-Nakahiligan mo na rin ang surfing, hindi ang para sa dagat, kundi sa computer sa paghahanap ng bibilhin, mababang presyo, at huling uso ng mga kinahuhumalingan ngayon.

20-Naiinis ka sa second-day delivery na talaga namang napakabagal na paghihintay.

21-Sa nakalipas na 10, 20, 30 taon ng iyong buhay; kapag lumalabas ka ng bahay at may nalimutan ka, hindi ka umaabot sa panic attack, tulad nang kapag nalimutan mong dalhin ang iyong cell phone.

22-Higit mo pang inuuna na harapin ang mag-internet kaysa magbihis sa umaga bago pumasok sa trabaho.

23-At lalo namang kahindik-hindik, tahasang alam mo kung mga kangino mo ipapadala ang iyong mensahe sa email.

24-At sa pagbasa nito, hindi mo man lamang napansin na walang #14 sa listahan na ito. Dahil nagmamadali ka na naman.

25-At sa pagkagulat, muli mong itong binalikan, napangiti ka, at wala ngang #14 sa listahan ng iyong binabasa.

Ano ngayon ang iyong gagawin?

Siyempre, ang . . . mag-internet muli!

ENJOY !!!

Ang nawawalang #14. Kung Pilipino ka at nasisiyahan sa mga nababasa mo dito, hindi ba makatarungan na gampanan mo ito---upang manumbalik ang iyong pagiging tunay na Pilipino?

Papaano? Ipasa o ipaalam mo na may blog na tulad nito na nagpapalaganap sa mga nakalimutang katutubong kataga at mga kaugaliang minana pa natin sa ating mga ninuno. At ang ating mga Salawikain, mga Kawikaan, mga Bugtong, mga Alamat, mga Mabisang Aral, mga Pananalig, mga kuwentong nagdudulot ng inspirasyon, at mga Samut-saring kaganapan ay magpatuloy na naipapahayag.
   Hindi ba nagpapanatili ito ng makabuluhang ispirito na nag-uugnay sa bawa’t isa sa atin na madama na tayo ay tunay na mga Pilipino na sadyang may pagmamahalan sa isa’t-isa?
   Simulan na ang mag-imbita sa iyong mga kaibigan, kaanak, at mga kasamahan na pasyalan ang wagasmalaya.blogspot.com.

   Sapagkat malapit nang ipahayag ang kapatid nitong website

Maraming Salamat PO.

No comments:

Post a Comment