Pabatid Tanaw

Monday, September 19, 2011

Blg.1: Onli en da Pilipins

Ito ang Maluknot na Katotohanan

Sa Ating Kaalaman: Narito ang mga katotohanan na bihira nating maunawaan. Mangyari lamang na ipasa ito sa ating mga kaanak, mga kaibigan, at mga kasamahan, o anyayahan silang pasyalan ang ating wagasmalaya.blogspot.com na kung saan ay matutunghayan din nila ang mga nakaraang paskel dito.

Shhhhhh . . . alam mo ba?
1-Mayroong 1.715 bilyong dolyar (last July, the 2nd highest in 2011) ang ipinadalang remittances ng mga OFW (Overseas Foreign Workers) sa Pilipinas nitong nakaraang Hulyo lamang. At sa unang pitong buwan ng taong ito, ay nakapagtala ng kabubuang  $11.35 billion U.S. dollars. Taon-taon ay patuloy pa itong tumataas, ngunit nananatiling hikahos ang marami nating mga kababayan.  At iilan lamang pamilya sa ating bansa ang gahamang nakikinabang dito. Saan ito napupunta, at sino talaga ang nakikinabang?

2-Ang maya na maliit at mahinang ibon ang siya nating pambansang ibon, sa halip na ang haribon (taguri nito), na isang matalino, matapang, at pinakamalaking agila sa buong mundo. Binago lamang ito noong 1995 nang itama ito ng mga tunay na Pilipino, na ang haribon ang siyang tunay nating sagisag bilang lahing kayumanggi. 

3-Ang ating pandinig ay humihina matapos kumain nang higit pa sa karaniwan. Kaya nga, kahit anong pagsigaw ang gawin ng mga nagpo-protesta sa pagtaas ng gasolina at mga produktong may kinalaman sa langis, lalong nagiging bingi sa matinding kabusugan ng kanilang mga tinutubo ang mga kompanya ng langis sa ating bansa.

4-Na may tatlo pang kapatid si Gat Andres Bonifacio na kasapi sa Katipunan, at dalawa dito sina Ciriaco at Procopio ay kasama niyang pinaslang ng samahang Magdalo sa Cavite. Samatalang ang kanyang asawa naman na si Gregoria de Jesus, ay hinalay ni Agapito Bonzon, isang tauhan ng mga Magdalo na pinangungunahan ni Baldomero Aguinaldo, pinsan ni Emilo Aguinaldo. Malagim na tagpo ito sa ating kasaysayan, at mauulit muli kung ating malilimutan at pahihintulutan.

5- Ang damulag o kalabaw ang ating pambansang hayop, sapagkat madali itong paamuin at gawing katulong sa lahat ng mabibigat na gawain sa bukid. Hindi katakatakang maging katulong sa ibang bansa ang marami nating kababayan sa pagdakila nito. Sa halip na paunlarin ang industriya sa ating bansa, at maging “Made in the Philippines” maamong sumunod ang ating pamahalaan sa dikta ng World Bank at International Monetary Fund (IMF) na gawin ang ating bansa na pinagkukunan ng mineral at natural resources, at gawing katulong ang mga mamamayan natin o makilala sa taguri na “Maid in the Philippines”.

6-Kung magagawa mong humiga at dahan-dahang itaas ang iyong mga paa, hindi ka lulubog sa kumunoy. Subalit doon sa mga mga ipokrito, mga propesyonal na sinungaling, at mayroong walang pagkasawang kabuktutan sa ating pamahalaan, sa kabigatan ng mga ito, mabilis ang paglubog nila.

7- Ang pambansa nating tirahan ay ang munting kubo o ang bahay kubo, kung sino man ang may pakana nito, sa aking palagay; ay hindi pa natatapos sa kanyang katatawa. Sapagkat magpahanggang ngayon, malaking porsiyento ng ating mga mamamayan ay nakatira pa rin sa kubo sa mga kabayanan, at lalong higit pa sa ating mga kanayunan. At dahil sa kaisipang ito lalong nalugmok sa matindi pang kahirapan ang ating mga kababayan, na naging tagpi-tagping karton ang kanilang mga tirahan, at naging squatter sa sariling bansa ang karamihan sa atin.

8-Ginagamit natin ang 54 na kalamnan sa ating katawan sa tuwinang humahakbang tayong pasulong. Hindi ang paatras na nagbibigay sa atin ng pagkawala ng panimbang at mga hindi inaasahang pagkakasakit. Ito ang mga sakit ng marami sa ating pinuno sa pamahalaan, sapol pa ng umupo si Nagpagulong Pestenand Marcos, hanggang sa illegal na si Pinagulong Glomia Makapagal Aruyko, lalong umurong at hindi na umasenso ang ating bansa.

9-Ang ating bandila ay hango mula sa kulay ng bandilang Amerikano, pumayag lamang ang mga Amerikano nang dagdagan ito ng kulay dilaw noong nakikipag-ugnayan sila kay Emilo Aguinaldo sa HongKong, bilang karagdagang kulay ng ating bandila. Wika ng isang heneral na Amerikano noon sa maramihang patayang ginawa nila sa Balangiga, Samar, “The color yellow represents cowardice and deceit.” Mahigpit ngayong tinututulan ito ng mga grupong dilawan sa Lungsod ng Makati. At ayon sa nakaupong Pangulo nila, nagalit ito at napakendeng kasabay na nagpapadyak nang malaman ang napabalitang, pang malamya daw ang kulay dilaw.

10-Ang ating pambansang laro ay sipa o ang tawag na kick game. Sinisipa ito nang walang hinto sa hangin na hindi babagsak sa lupa. Kaya naman ang mga kickback at kurapsiyon ay wala ring hinto sa lahat ng antas, maging pribado o publiko man sa ating bansa. Lahat ay nakahiligan ang pagsipa o tongpats.

-------
At siyanga pala, hindi pa matiyak sa tagapagsalita ng Batasan kung may katotohanan na papalitan na ang ating pambansang hayop na kalabaw. Marami sa Batasan ang nagpanukala na gawing pambansang hayop si Lolong ang pinakamalaking buwaya ngayon sa buong mundo. Nahuli ito kamakailan lamang sa Agusan del Sur, sa Mindanao. Bilang pagpapatunay na marami itong kaanak na nagmamalasakit sa kanya.
   Sinusugan naman ito ng mga gobernador sa mga lalawigan at mga alkalde ng mga bayan at mga lungsod, sa pagpapatunay na talaga ngang maraming buwaya sa ating kapaligiran. 

Hanep talaga, Onli en da Pilipins.

No comments:

Post a Comment