Pabatid Tanaw

Monday, September 19, 2011

Ang Kuting sa Punongkahoy


Magdasal at Tanggapin ang Pagpapala

   Nakakita ka na ba ng kuting o pusa na nasa sanga ng isang punongkahoy? Nakakita ka na rin ba ng catapult o yaong mistulang malaking tirador? Narito ang isang malikhaing aksiyon na tamang-tama ang pagkakataon na humantong sa isang pambihirang pangyayari.

   Nangyari ito nang hinahanap ng pastor ang kanyang alagang kuting. Maraming sandali ang nakaraan sa paghahanap nang makita niya itong nasa sanga ng isang may katamtamang laking punongkahoy. Gaano mang pagtawag sa pangalan nito ay nanatiling hindi umaalis sa sanga. Nanguha ng hagdanan ang pastor, subalit hindi niya ito maabot. Kumuha siya ng mahabang kawayan at pilit na pinaba-baba ito sa paghampas sa katabing sanga upang kumilos. Wala pa ring epekto, hanggang sa maisipan niyang itali ang isang malaking sanga ng puno at ikabit ito sa hulihan ng kanyang kotse. Pinaandar niya ang kotse at nang yumukod na ang punong-kahoy ay itinigil ang kotse at bumaba upang kunin ang kuting. Dadamputin na lamang niya ito nang biglang maputol ang tali at isibat nang palipad ang kuting sa himpapawid. Sa kalituhan, hindi malaman ng pastor kung saan niya hahanapin pa ang pusa, dahil napakalayo ang binagsakan nito. At sa ilang araw na paghahanap dito na hindi niya makita, ay nagpasiya na lamang ang pastor na marahil ay nasa pangangalaga na ito ng Dakilang Lumikha.

   Isang araw, habang nasa grocery ang pastor at may binibili, nasalubong niya ang isang babae mula sa kanyang kapilya. Kilala niya ito na magagalitin sa pusa, at kinaiinisan ang mag-alaga nito. Ngunit napansin niyang ang binibili nito ay mga cat foods at hindi naiwasang magtanong ang pastor.

   “Mukha yatang nag-aalaga ka na ng pusa ha?” Ang pambungad na bati ng pastor.

   “Aba, pastor . . . Hindi kayo makakapaniwala sa ikukuwento ko sa inyo!” Ang tugon ng masayang babae.

   “At bakit naman, ano ba ‘yon? Ang pagkabahalang tanong ng pastor.

   “Tungkol ito sa aking batang anak na babae, matagal na kasi siyang humihiling ng maa-alagaang pusa sa loob ng nagdaang maraming buwan. At ako naman ay kilala ninyo na walang hilig sa pusa. Ngunit itong aking anak ay sadyang mapagmahal sa pusa. At isang araw, noong naroon kami sa likod ng bahay, ay muling humiling ito sa akin. At sa aking pagkainis sa kanyang kakulitan, sinabi kong hindi ko mapapayagang magkaroon ng pusa sa bahay, at kung bibigyan siya ng Diyos ng pusa, ito lamang ang papayagan kong mangyari!

  “At anong nanggyari, ha?” Ang buong kasabikang tanong ng pastor, na lalong lumapit sa babae.

   “Biglang lumuhod ang aking anak, mariing ipinikit ang mga mata at mataimting nagdasal, “Mahal kong Diyos, bigyan mo po sana ako ng pusa na aking aalagaan at masuyong mamahalin. Amen.

   “At ano pa ang sumunod na nangyari?” Ang may pag-aalalang nausal ng pastor.

   “Talagang . . .hindi kayo . . .makakapaniwala, . . . pastor!” Ang nagkakadautal na pahiwatig pa ng babae.

   "Bakit nga ba? Ang tagal mo namang tapusin ang kuwento mo! Ang may pagsuyang bunghalit ng pastor at sadyang naiinip na.

   “Matapos bigkasin ang katagang amen . . .  ay biglang binuksan ang mga mata ng anak ko, at alam ba ninyo pastor ang nakita naming dalawa, ha?” Ang tanong ng babae.

   “Ano nga, anooo nga, biliiiisan moooo namman!” Ang humihingal na utos ng pastor sa kasabikan.

   “Eh di, ano pa, . . . isang maliit na kuting na nakabuka ang mga paa at lumilipad sa himpapawid. Ito’y bumagsak nang patayo mismo sa harapan namin at lumapit sa aking anak, magmula noon ay magkasama na kami sa pag-aaruga; at naging kapamilya na namin ang pusa.” Ang paliwanag pa ng babae.

  At naiwan nitong nakatulala ang pastor, nagkakamot sa ulo at pinipilit arukin ang buong pangyayari.

No comments:

Post a Comment