Pabatid Tanaw

Wednesday, September 21, 2011

Ang Kaisipan at Pagkatao

 Dalawang Uri ng Pamumuhay

   Ang ating ugali o mga kagawian ay may matinding kapangyarihan. Ito ang tahasang nagpapairal kung anong uri ng pagkatao ang nangingibabaw sa atin. Anumang bagay na ating patuloy na ginagawa at kinahumalingan na, pinatitibay nito ang pagkakatanim na siyang umaalipin sa atin. Nakakasanayan na natin; at siya mismong nakapangyayari sa ating mga kapasiyahan. Ang ating isip ay mistulang ispongha na sinisipsip ang anumang katas na madikitan nito.

   Nasa ating ang pagpili, kung anuman ang ating ipasok sa ating kaisipan, at ito din ang ating makukuha o magagamit sa ating pagpapasiya. Anumang ating iniisip, narito ang ating damdamin, at gagawin. Isa itong binhi na ating itinatanim, inaaruga, at pinayayabong sa tuwina. Ito ang nangingibabaw at makapangyayari kung sino tayo. At dahil dito, tayo mismo ang tagapaglikha ng ating pagkatao.

Ang Kagawian ng Mabubuti at ang Katapusan ng mga Masasama

1   Ang mapalad ay ang tao
         Na lumalakad nang hindi sa payo ng masasama
         o ni tumatayo sa landas ng mga makasalanan,
        o ni umuupo sa luklukan ng mga mapanuya;
 2    Bagkus ang kanyang kagalakan ay nasa kautusan ng Panginoon,
        At sa Kanyang kautusan nagbubulay-bulay siya araw at gabi.
3   Siya ay maihahalintulad sa isang punongkahoy
        Na itinanim sa mga agusan ng tubig,   
        Na nagdudulot ng kanyang mga bunga sa kanyang kapanahunan.
        Na kung saan maging kanyang dahon ay hindi rin malalanta;
      At anuman ang kanyang ginagawa ay sumasagana.
4   Ang mga masasama ay hindi gayon,
       Kundi sila ay kawangis ng mga ipa na itinataboy palayo ng hangin,
5     Kaya nga ang masasama ay hindi makakatindig sa kahatulan,
     At maging ang mga makasalanan sa kapulungan ng mga mabubuti.
6   Sapagkat ang Panginoon ay nalalaman ang kagawian ng mga mabubuti,
       Ngunit ang kagawian ng mga masasama ay mapupuksa.
                                                                                                               Mga Awit 1: 1-6
-------
Inilalarawan dito na kung ‘ano ang iyong itinanim, ay siya mo ring aanihin. Kung ano ang iyong mga kinagawian at kinahuhumalingan ay ito ang tuwirang magaganap sa iyong buhay. Kung patuloy mong kadaupang-palad ay kabutihan o kasamaan ang mga ginagawa, matutulad ka alinman sa dalawa. Kung sino ang mga kaulayaw mo; may katiyakan na ang kanilang mga payo, mga pag-uugali, at mga pagkilos, ay iyong pamamarisan.
   Makikilala mo at maging ang mga nakakakilala sa iyo ang iyong pagkatao; sa bunga ng iyong mga ginagawa---kung ito’y mabuti o masama. At sa huli, dito nakasalalay ang kahatulan kung may pagpapalang nakalaan, o karampatang pagpuksa sa iyo.
   Kung buong katapatan mong hinahangad at tahasang nais makatiyak na ikaw ay patuloy na pagpalain at maging maligaya sa tuwina, isakatuparan ang Kautusan ng Panginoon. Walang iginagawad na pagpapala kung hindi magsisimula sa pananampalataya.


 Mga Simulain ng Buhay

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan 

No comments:

Post a Comment