Pabatid Tanaw

Sunday, August 07, 2011

Sina Paminsan-minsan at Palagi

Nasa Iyong mga Kamay Lamang ang Iyong Ikakatagumpay

   Ang batang si Palagi ay laging nasa wastong pagkilos, hindi siya kailanman lumabag kahit isa man sa mga ipinagbabawal, at gayundin, kailanman ay hindi nasangkot sa mga kaguluhan o pag-aaway. Lagi niyang iginagalang, pinagbibigyan, at sinusunod ang kanyang mga magulang. Dangan nga lamang sa pagiging seryoso niya dito, ay madalas siyang nababalisa, humahapdi ang sikmura, at napaghihilo.

   Isang araw ay nagkasakit nang malubha si Palagi, at kinakailangang maitakbo kaagad sa ospital. Ang mga doktor ay nalito at hindi malirip kung anong uring karamdaman ito na matinding nagpapahirap sa kanya. Maraming mga pagsusulit ang isinagawa at sa katapusan ay wala pa ring malinaw na kasagutan. Pinayuhan na lamang na huwag masyadong mag-isip at magpahinga. Nang makauwi na sa bahay ay lalong binagabag ito ng maraming suliranin at laging lumiliban sa pagpasok sa paaralan. Ikinagalit ito ng kanyang magulang at binantaan na huwag pababain ang grado nang mababa pa sa A. Lalo lamang itong nagpabalisa sa kanya at sukdulang nakasama sa kanyang kalusugan.

   Samantalang ang kanyang kaklaseng si Paminsan-minsan ay nakakakuha ng mababang marka sa kanilang paaralan. Dahil nagpasiya ito na gagawin na lamang ang kanyang makakaya at hindi ipagpilitan at mahirapan pa na makakuha ng mataas na grado. Madalas iniisip niya, “Bakit ko ba pahihirapan pa ang aking sarili, katulad ng nangyayari  kay Palagi? Kung anong kaya ko, ito lamang ang aking gagawin!

   At si Palagi naman na madalas na katulad ding nag-iisip, “Bakit ko ba binabagabag ang sarili ko at nagiging sanhi pa ng aking karamdaman? Samantalang si Paminsan-minsan ay ayos, walang katiga-tigatig, at normal lamang ang pagpasok sa paaralan, gayong ako na laging seryoso, ay madalas lumiliban sa klase at bumababa ang nakukuhang grado. At nagiging masasakitin pa ako.”

   Isang umaga, sa nangyayaring kaibahan sa dalawa ay nagpasiya ang kanilang mga magulang na kausapin sila at malaman kung ano ang kanilang ginagawa sa kanilang mga sarili at paag-aaral, at nangakong anuman ang kanilang kapasiyahan ay igagalang ito, hangga’t ginagawa nila ang kanilang makakaya.

   Sa bandang huli, nagtapat si Paminsan-minsan at nagpahayag, “Ang ibig ba ninyong sabihin, kahit hindi kami mahusay sa klase ay patuloy pa rin ninyong mamahalin kami?

   Ang kanilang mga magulang ay magkakasabay na tahasang tumugon, “Aba’y siyempre, mamahalin naming kayong, PALAGI !!!”

   Si Palagi pa rin ang nasa kanilang kaisipan.

-------
Gawin lamang ang makakaya nang higit pa sa inaasahan. Anuman ang iyong ginagawa tulad ng inaasahan sa iyo, anuman ito; mababa, katamtaman, mahusay, at magaling, lahat ng ito’y walang sukatan sa tunay na may pagmamahal na magulang. Patuloy pa ring mamahalin ka nila anuman ang iyong maging kalabasan.

   Doon naman sa mga magulang na pinipilit marating at matularan o mahigitan pa sila ng kanilang mga anak, ang pangyayaring tulad na nabanggit sa itaas ay malaking kasawian. Sapagkat ang tunay na pagkatao ng anak ay masusupil at walang kaganapang kahahatungan ito. Bagkus ang anino at naiibang pagkatao lamang na ginaya ang makapagyayari sa buong buhay niya.

   Marami sa ating lipunan ang sumunod sa payo ng kanilang mga magulang, at hindi ipinaglaban ang kanilang tunay na simbuyo ng damdamin. Mayroon dito sa amin sa Barangay Kupang, na nakatapos ng medisina at naging doktor, subalit nauwi lamang sa pagiging magaling na kontraktor sa mga pagawaing pambayan. Mayroon ding abugado dahil ang ama ay abugado, ngunit nang yumao na ang kanyang mga magulang, ay ipinasiya na lamang na maging propesor sa pamantasan, at tuparin ang tunay niyang mithiin sa buhay. At marami naman na sa pikit-matang pagsunod sa magulang, kahit na hindi abot ng kakayahan sa utak ay pinilit ang mga kursong matatayog, mga nakatapos ngunit nagsibagsak sa pambansang pagsusulit, at nauwi lamang na pangkaraniwang mga kawani sa opisina sa tanang buhay nila.

   Alalahaning hindi ang magulang ang siya mismong haharap at gaganap sa piniling ambisyon sa anak. Magandang intensiyon ito ng mga magulang, ngunit masalimuot sa kabatiran at tunay na magaganap sa pagkatao ng anak. Imposibleng ang butong mangga kapag pinilit na itinanim ay lumaki at magayang maging ‘santol’, kahit na dekorasyunan at palibutan pa ito ng mga katangiang ‘santol’, mananatili pa rin itong mangga. Sapagkat ito ang tunay at nakatakdang maganap sa kanyang pagkatao. Marami tuloy ang yumayao sa buhay na kasamang nalilibing sa kanilang huling hantungan, ang musikang nanatili at hindi napaalpas sa kanilang mga puso at kaluluwa.

    May mga matatagumpay na nagawa ang ambisyon ng mga magulang; ngunit sa kaibuturan ng kanilang mga puso, naroon pa rin ang mga bagabag at maraming bangungot na panag-inip, na nagpupumulit na ipatupad ang kanilang tunay na pagkatao.

   Sapagkat ito ang tunay na pagkakalikha sa kanila, ang tuparin ang nakatadhana nilang dakilang adhikain para sa kanilang makatotohanang buhay.

   Tayo lamang para sa ating mga sarili ang may karapatan at may ibayong kapangyarihan na gawin ang tamang direksiyon para sa ating buhay na susuungin.

Ikaw, nagagawa mo ba ito ngayon sa iyong sarili? 

   Kung hindi, aba'y mag-isip ka naman. Hindi sa lahat ng oras ay iba ang nakapangyayari para sa iyo. Alalahanin mong ang buhay ay minsan lamang na dumaratal sa atin, at lahat ng sandali na nakapaloob dito ay para lamang sa ating ikakaligaya, at hindi ito nakaukol para sa iba. Dahil kung hindi ka maligaya, hindi mo magagawang magpaligaya ng iba.

   Puwede ba, paligayahin mo naman ang sarili mo?


Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment