Pabatid Tanaw

Wednesday, August 03, 2011

Si Damulag at Kabayo

Sa paghahanap ng kagitna, isang salop ang nawala.

  Kasagsagan ng digmaan noon sa Bataan, pangalawa ito sa Maynila na dinurog at sinalanta ng mga paglalaban sa pagitan ng Hapon at Amerika. Maraming sundalong Pilipino ang nagpasiyang maging gerilya at nagkuta sa mga kabundukan. Maraming tao ang nagsisilikas upang makaiwas sa panganib. Nagkalat ang mga patrulya ng Hapon sa mga lansangan at karagatan.

   Sa isang nayon, isang magbubukid na kasama ang kanyang pamilya ang nagpasiyang magtago din sa kabundukan. Nagmadali silang nagsilid ng kanilang mga kagamitan, mahahalagang bagay, at maraming uri ng mga binhing buto sa mga sako. Matapos mailagay na lahat sa mga sako ay hinati ang mga ito at ipinatong kay Damulag at ang iba naman kay Kabayo. Itinali nila itong mabuti upang hindi magkahulog sa kanilang pag-akyat sa bundok na kanilang pagtataguan.

   Matanda na si Damulag at masasakitin pa, samantalang si Kabayo ay nasa hustong gulang at matipuno ang pangangatawan. Sa kanilang paglalakbay, walang narinig na daing kay Damulag sa pagtahak sa kapatagan. Kahit na masukal at maraming siit ang kanilang dinadaanan, tahimik lamang ito at pinipilit na kayanin ang mga sako sa kanyang likod.  Subalit nang paakyat na ng bundok, naramdaman ni Damulag na pabigat nang pabigat ang kanyang mga dala. Humahagok na ito sa pagod at hinahabol ang kanyang paghinga. Madalas na humihinto at naiiwan sa hulihan.

   Nang hindi na makayanan pa ang bigat sa kanyang likuran ay nakiusap si Damulag kay Kabayo na tulungan siya na pakidala lamang sa likod nito ang dalawang sako, upang mabawasan ang kanyang mga dalahin. Subalit sumingasing lamang si Kabayo at hindi pinansin ang pagsusumamo ni Damulag. Maraming sandali ang nakalipas at nakiusap muli si Damulag, Pareng Kabayo, para mo ng awa, matanda na ako at talagang hindi ko na kaya, halos puputok na ang puso ko sa paghabol ng aking hininga. Maawa ka naman, nagdidilim na ang paningin ko at sadyang hindi ko na matatagalan pa ang umakyat sa bundok sa bigat ng dalahin ko.”


   “Ano ako, sira! Magkapantay lamang ang bilang ng mga sako na ating dinadala, bakit mo pabibigatin ang dalahin ko? Lumang istrok na ‘yan, magtiis ka at manahimik, baka mapalo ka pa ng latiko sa kamamaktol mo!” Ang pasinghal na babala ni Kabayo.

   Napaluha na lamang si Damulag at isinagad ang lahat ng makakayang lakas. Ngunit talagang nahihirapan siya at napapaluhod na sa kapaguran. Muli nagmakaawa ito kay Kabayo, ngunit tulad ng dati ay sininghalan siya nito at kinutya pa. Maya-maya pa'y bumubula na ang laway ni Damulag sa kanyang bibig, nakalawit na pati ang dila, at maging ang mga mata ay halos lumuwa na. Ngunit pinagtawanan lamang ito ni Kabayo, at nanudyo pa ito. “Magaling ka palang magdrama. Hoy, hindi mo ako makukuha sa pag-arte mo!

   Ilang sandali pa ang lumipas na walang maririnig na mga daing kay Damulag, nang mapansin nilang naiwan na itong malayo sa hulihan. Nang balikan ng magbubukid ay nakita nitong patay na si Damulag. Dahil nagmamadali sila, kinatay ng magbubukid ito at kinuha ang balat para magamit. 

  Tulad ng inaasahan, lahat ng mga sakong dala ni Damulag ay isinama sa mga sakong dala ni Kabayo, at pati na ang balat ni Damulag ay ipinatong sa ibabaw. Hindi lamang nadoble ang bigat, lalong pa itong bumigat dahil sa kapal ng balat ni Damulag. Sa pag-akyat sa bundok, nagsimula nang humingal si Kabayo, hinahabol ang paghinga, at laging napapaluhod. Mabilis namang binabatak ng magbubukid ang lubid na nakatali sa leeg ni Kabayo at kasabay nang magkakasunod niyang hagupit ng latiko dito. "Aray ko po, aray ko po!"Ang atungal sa sakit ni Kabayo. At mabilis itong tumindig, at muling susuray-suray na nagpatuloy sa pag-akyat sa matarik na bundok.

   Duling na at humahagok sa hingal si Kabayo nang pagsisising napabulalas ito, “Kung nakinig lamang ako sa pagsamo ni Damulag, hindi ko daranasin ang pahirap na ito. Napakalaki kong tanga. Sa paghahangad kong maging magaan ang aking mga dalahin, lalo lamang itong tuminding bumigat. Ang karamutan ko’y naging kapahamakan ni Damulag at kasama pa akong patuloy na pinagdudusahan ito.

------
Marami ang may pag-aakala na ang pag-iwas sa pagtulong at pangangailangan ng kapwa ay hindi katungkulan at makakaabala lamang sa kanilang mga ginagawa. Napatunayan na sa maraming pagkakataon, na ang mga taong walang pakialam sa kasiphayuan ng iba ay nakapagdudulot ng karagdagang mga bagabag at kawalan ng pagtitiwala sa kanilang mga sarili.

   Sapagkat sa paglipas ng mga araw, kapag dumating ang pangyayari na sila naman ang humihiling na tulungan, wala silang lakas ng loob na maiparating ang kanilang mga hinaing, lalo na doon sa mga taong pinagkaitan nila ng tulong sa simula. Ang buhay ay mistulang gulong na umiikot, minsan nasa ibabaw ka, at minsan naman ay nasa ilalim ka. Walang nakakatiyak kung ano ang magiging kalagayan mo sa hinaharap. Higit na makabubuti ang makapaglingkod nang ganap ngayon, kaysa ang hintayin pang malagay ang sarili na dumaraing sa paghingi ng tulong sa iba. Higit na mainam ang magbigay, kaysa ang manghingi.

Alalahaning kung hindi mo na magawa pang makaakyat sa hagdanan, at mabigo sa iyong mga nais na makamtan, sa iyong pagbaba o pagbabalik, ang iyong mga nilagpasan ay muling dadaanan. At kung wala kang naitanim, wala kang nararapat na asahan o aanihin. Laging maging mapagkumbaba, narito ang magtataas sa iyo upang makamtan ang hinahangad na tagumpay.


 Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment