Pabatid Tanaw

Tuesday, August 02, 2011

Sabi Nila at Sabi Ko Naman

Ikaw Lamang Ang Nakakahigit Para sa Iyong Sarili
   
 Mula pa sa aking pagkabata, marami na ang nagsulputan na tagaturo (hindi tagapagturo), pakialamero at usisero sa aking buhay, karamihan dito ay pinakinggan ko. Subalit habang ako’y gumugulang, naranasan at napag-alamang kong ang mga mungkahing aking natatanggap ay mula sa kanilang nausyaming mga pangarap at mga kasiphayuan sa buhay. Madali silang magbitaw ng mga pangungusap, sapagkat hindi naman sila ang gagawa para sa mga ito.

   Palibahasa’y musmos pa ako sa mga larangang nais kong pasukin, likas lamang na ako’y magtanong sa mga taong malalapit sa akin. Madali silang magmungkahi at may kasama pang pagpuna at mga pangaral. At ang aking kapangahasang ito, ay siyang nagbukas ng pintuan upang lalong makialam ang ibang tao sa mga nais kong gawin, at higit pa dito ang pakialaman ang aking mga pangarap.

   Mayroon akong mga pangarap noon; maging isang dibuhista sa komiks at aklat, at maging isang pintor sa iba’t-ibang uri ng pagpipinta o media nito.

   Katatapos ko lamang sa mataas na paaralan at may trabaho ako noon sa Maynila, nang tanungin ko ang nakatatanda kong kapatid kong saan may magandang kolehiyo para sa Fine Arts, sinagot niya ako ng “Walang mangyayari sa ganyang klaseng trabaho. Pumunta ka sa may Ermita, at makikita mo ang mga pintor doon na mistulang mga pulubi, halos mamera na lamang ang kanilang mga ipininta.” Malaking ulos ito na aking tinanggap, dahil pinaniwalaan ko siya at iginagalang, nawalan ako ng interes sa sining na ito. At kumuha na lamang ako ng Technical Drafting sa Bataan National School of Arts & Trades noon. Subalit balisa pa rin ako, hindi ito ang aking tunay na pangarap.

   Sumunod naman na taon; nang magbalak akong muli na makapag-aral sa kolehiyo, ang panganay naman sa aming magkakapatid ang nagmungkahi. “Kumuha ka na lamang ng kurso para sa arkitekto.” Kaya naging estudyante ako sa Architecture & Planning ng Mapua Institute of Technology sa Abenida Rizal, sa may Sta. Cruz. Bilang working student, hindi ko nakayanan ang mga oras sa pagpasok at higit pa ang mga gastusin sa pag-aaral. Tumigil ako sa pangalawang semestre.

   Sa dalawang nakakatandang mga kapatid kong ito, mayroon silang magagandang intensiyon. Subalit hanggang sa bibig lamang ito, wala silang naging pagtulong sa akin, kung papaano ito o alamin mo ito, at pagdamutan mo ito. Mag-isa kang makikibaka at kung masasadlak ka at kinakapos, makakarinig ka pa ng puna at paninisi. 

   May panahon ding gumawa ako ng maraming artworks, at ipinirisinta ang mga ito sa isang malaking palimbagan ng komiks noon, sa hangad kong maging isang dibuhista nila. Ngunit sa halip na paghanga ay pamimintas mula sa isang kawani ang aking natanggap sa aking mga ipinakita. Lalo lamang akong nawalan ng pag-asa, na ang larangang ito na nais ko’y hindi para sa akin. Sa aking kaisipan noon, dahil naroon ang taong pumintas sa opisina, ipinalagay kong nasa posisyon siya na humatol sa aking kakayahan. Ang mabilis kong pagpapasiya mula sa emosyon at hindi sa isipan, ang humadlang sa akin na magsumigasig pa at lalong pagandahin ang aking mga gawa. Kaya iwinaglit ko na sa aking isipan ang tungkol dito. Subalit nananatili pa rin ang munting tinig sa aking kalooban at patuloy itong kumakatok na mapalaya. Naging bingi ako, at nahumaling sa ibang mga gawain na nakapagbibigay ng kaginhawaan sa buhay.

   At ang mga taon ay matuling lumipas, hindi ko na nabigyan pa ng pansin ang tunay kong pangarap. Pinasok ko ang iba’t-ibang trabaho, nagkaroon ng pamilya, pinilit na magkabahay, magkanegosyo, nag-aruga, nagpalaki, at nagpaaral ng apat na anak hanggang sa makatapos ang mga ito. Naroon pa rin sa singit ng aking puso ang pagnanais na matupad ang aking pangarap. Subalit tulad ng dati, ang buhay ay kusang nangyayari habang may pinagtutunan ka ng atensiyong iba.

   Kung sakaliman nakagagawa ako ng ilang mapaklang ‘obra maestra’ sa aking sining, ito’y likas lamang na aking nakahiligang gawin. Hindi ako nakatuntong sa anumang pamantasan tungkol sa sining na ito. Sa kabila ng lahat, hindi ako nagsisisi sa pagkakabalam ng aking ninanais sa aking buhay, dahil kung talaga ito ang aking hangarin, maghalo na ang balat sa tinalupan, harangan man ako ng 20 Abu Sayaff na kayang talunin ang buong hukbong sandatahan ng Pilipinas na may katakut-takot at napakaraming mga heneral na nagpakadalubhasa pa sa PMA sa lungsod ng Baguio, magpapatuloy akong gawin ito.

   Ang pangarap ay ginagawa hindi ipinagpapaliban. Anumang daluyong o balakid na humarang sa iyong daraanan, kung ito ang talagang nasa puso mo, lahat ay matatalikdan. At napatunayan ko; una, ang isang bagay kung ito’y talagang nasa puso mo, kailanman hindi mo ito mahahadlangan, maipagkakaila, at maitatago sa habang panahon. Laging mag-uumalpas ito at lilikha ng iyong mga bagabag. Pangalawa, walang maidudulot na mabuti ang manisi at umiwas sa responsibilidad, dahil ito ang lalong magpapahamak sa iyo. Hindi mo magagawang sabay na hulihin ang dalawang kuneho. Pangatlo, kung talagang may nais kang gawin, at ito ang tahasang pakay mo, magiging balewala ang lahat sa iyong kapaligiran at kaagad mong gagawin ito, at ang lahat ay magiging madali na lamang.

Kung sakaliman na mauulit muli ang aking buhay;
-Higit ko pang pararamihin ang aking mga pagkakamali. Dahil sa pakikinig, higit kong pinahalagahan ang huwag magkamali at sundin ang parunggit ng iba. Gayong hindi naman sila ang nakasalang at makikibaka para dito. Na humahanntong lalo sa isa pang malaking pagkakamali.

-Ako’y maglilibang, palagi akong magsasaya, lalabas kaming mag-anak at tatamasahin ang bawa’t sandali na kami’y magkakasama, papasyalan ko ang aking mga kamag-anak sa malalayong lalawigan, at mga matatalik na kaibigan. 

-Kaunti  at mahahalagang bagay na lamang aking aatupagin. Higit kong ilalaan sa mga makabuluhang gawain ang aking panahon.

-Marami pa akong nais masubukan at nais mapatunayan sa aking kakayahan.

-Kapag may naisip akong gawin, lalo na’t napaglimi ko na ito, sisimulan ko kaagad. Dahil habang nagtatagal, kumukupas ang kasiglahan kong ito’y magawa pa.

- Hindi ko papaniwalaan ang lahat ng aking naririnig, gastusin ang lahat ang nasa akin o matulog at maglakwatsa hangga’t nais ko. Totoo ang salawikain na, “Ang maniwala sa sabi-sabi, ay walang bait sa sarili.”

- Kailanman hindi ko pagtatawanan ang pangarap ninuman. Ang mga taong walang mga pangarap, ay walang natatapos, palaasa, at naghihintay sa kawalan.

- Hindi ako makikinig sa mga mungkahing walang naging karanasan ang nagsasalita. Bubungkalin at patatagin ko ang aking kaisipan na mag-isip lamang para sa aking sarili. Ako lamang ang higit na may karapatan at masasalang sa mga ulos at kasakitan sa aking buhay.

- Humanap ng gawain na kahit hindi ako bayaran ay masaya pa rin na aking gagawin. At kumuha ng taong magbabayad sa akin upang gawin ko ito.

- Mahigpit kong pananatilihin ang aking mga pangarap, mga tamang paniniwala, at kakayahang magbago kung hinihingi ng pagkakataon at makakabuti para sa aking sarili. Hangga’t may hininga may pag-asa.

 At higit sa lahat ng ito;
(Para sa iyo ito)
Sa napakabilis na mga pagbabago at nakakabaliw na daigdig, tumigil at maghinay-hinay, pahalagahan at damahin ang iyong kapaligiran at maranasan ang mga kaligayahang iyong nalalagpasan. Ang ngiti ng isang sanggol, ang bango ng bulaklak, ang awit ng ibon, ang pagaspas ng sariwang hangin, ang mga yakap ng iyong mga mahal sa buhay, ang langhap at lasap ng kalulutong pagkain, at ang pagsilay ng bukang-liwayway. May kanya-kanya itong panahon at hindi na mababalikan pa.

Maganda ang buhay. 

Mabuhay ng matiwasay at batbat ng kaligayahan. 

Harinawa.

 Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment