Pabatid Tanaw

Tuesday, August 09, 2011

Pasasalamat

Salamat sa Nagawa Mong Kaibahan sa Aking Buhay

   Mayroong 24 na oras sa maghapon, may 60 na minuto sa bawa’t oras, may 60 na segundo sa bawa’t minuto, at sa buong maghapong ito; nang ikaw ay magising, ikaw ay pinagkalooban muli ng 86,400 na segundo. Nagawa mo ba kahit na sa isang segundo lamang na bumigkas ng “Salamat po.” ?

   Alam mo bang ang pinakamataas na antas ng kaisipan ay ang pasasalamat? At ang pasasalamat ay isang kaligayahan na nagpapasigla sa iyong pananalig at nagpapalakas ng pagtitiwala sa iyong sarili. Nagkakaroon tayo ng buhay sa mga sandaling ang ating mga puso ay tigib ng kaligayahan at pasasalamat.

   Alin man ang iyong ginagawa, saan ka man naroroon, anuman ang iyong kalagayan, at gaano man ito; kailangan nating magpasalamat sa lahat ng mga bagay at mga kaganapan na ating hinaharap sa bawa’t saglit.

   Ang pasasalamat na nakintal lamang sa isip at hindi nabigkas ay walang saysay kanino man. Walang pasasalamat na hindi binigkas, kung ito ma’y hindi binigkas, isa lamang itong lantarang kawalan ng utang na loob.

   At maaari ba, kung ikaw man ay nagpapasalamat, mangyari lamang na tumitig sa mga mata ng pinasasalamatan. Sapagkat ito ang tumatarok kung wagas at dalisay ang nilalaman ng iyong puso.

   Nagpapasalamat ka bago kumain. Tumpak lamang ito. Subalit nagagawa mo bang magpasalamat nang ikaw ay magising?  Paglabas ng bahay bago pumasok sa trabaho?  Bago paandarin ang sasakyan?  Nang makarating sa pinuntahan at walang naging balakid? Bago buksan ang aklat upang ikaw ay gabayan na makaunawa?, Bago makipag-usap at makamit ang minimithi? Bago makipagkasunduan at nang malayo sa kabiguan? Bago simulang sumulat at magkaroon ng patnubay? Nang makita mong matiwasay na nakauwi sa bahay ang iyong mga mahal sa buhay?

    At marami pang tulad nito  . . . Nagagawa mo ba ito?

   Para saan ba ito? Ito’y para sa kapayapaan ng iyong pag-iisip at sa pagpapalang nakatadhana para sa iyo na kinakailangan mong pasalamatan at makamtan. Ang sansinukob ay naghihintay lamang na bigkasin mo ito, at ito’y kusang ipagkakaloob sa iyo. Dumarating ang mga ito sa iyo, ngunit kung wala kang pagpansin at pasasalamat, nauuntol ito at tuluyang naglalaho. 

   At isa pa, malaking bagay ba ito para magawa? Malaki bang kaabalahan ito para sa iyo? Nawawalan ka ba kung binibigkas mo ito? At kung nagpapasalamat ka, ano ang nararamdaman mo pagkatapos nito? May kasiyahan ba o may kapanglawan? Ikaw ang higit sa lahat ang makakasagot lamang nito. Paglilimi lamang ang kailangan at ito’y  makakatulong sa iyo.

   Hindi ba may nagwika na, “Humiling ka, at ito’y ipagkakaloob sa iyo. Kumatok ka, at ikaw ay pagbubuksan.”  At nagsisimula ang mga ito sa pagbigkas ng pasasalamat.

   Sakaliman na ang tanging pagdarasal mo lamang ay ang magpasalamat, ito’y sapat na.

   Magpasalamat at hindi mo nakakamit ang lahat ng iyong ninanasa.
Kung nasa iyo na ang mga ito, ano pa ang hahangarin mo sa kinabukasan?

   Magpasalamat kapag hindi mo alam ang isang bagay.
Ito ang nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na tumuklas pa at pag-aralan ito.

   Magpasalamat sa mga paghihirap na dinadanas na mga panahon.
Sa mga panahong ito ay lumalawig ang iyong kabatiran na siya mong kailangang timbulan para magtagumpay.

   Magpasalamat sa iyong kahinaan at kakapusan.
Sapagkat ito ang magdudulot sa iyo ng ibayong mga pagkakataon para gumawa ng pagbabago at paunlarin ang iyong sarili.

   Magpasalamat sa bawa’t bagong paghamon na ipinupukol sa iyo ng tadhana.
Sapagkat ito ang nagpapatibay ng iyong kalakasan at kaganapan ng iyong pagkatao.

   Magpasalamat sa iyong mga naging kamalian at mga kabiguan.
Nagtuturo ang mga ito sa iyo ng mahahalagang karanasan at leksiyon upang itama at makamit ang tagumpay na inaasam.

   Magpasalamat kapag ikaw ay napagod at nahapo.
Nangangahulugan lamang ito na nakagawa ka ng kaibahan.

   Magpasalamat sa magaganda at mabubuting bagay na ipinagkaloob sa iyo.
Ang buhay na mabunying nagaganap ay dumaratal doon sa bukas ang puso sa katotohanan.

   Magpasalamat, dahil nakalulugod at pinapayapa nito ang iyong kaisipan.
Nagbibigay buhay at kasiglahan ito na magpatuloy ka pa sa paggawa ng kabutihan.

   Magpasalamat sa harap ng pagkain at mga bagay na nakakatulong sa iyo.
Alalahaning nagmula ito sa maraming kamay na nagtulong-tulong na maihatid ang mga ito para sa iyo.

   Magpasalamat kung nagagawang palitan ang negatibo na maging positibo.
Ito ang tanging paraan na ang mga bagabag ay maging mga pagpapala para sa iyo.

   Magpasalamat sa patuloy na pag-inog ng iyong buhay.
Iniiwasan  nito ang mga lason at nakakasama sa iyong pamumuhay.

   Magpasalamat kapag pinagmamasdan mo ang iyong mga mahal sa buhay.
Ito ang dahilan kung bakit patuloy kang nabubuhay at may mga misyon pang gagampanan.

   Magpasalamat. Ito ang pinakamahalaga sa lahat.
At ang mga biyayang nakatadhana para sa iyo ay patuloy na daratal.

Ang pagpapasalamat ay mainam na saloobin. At huwag nating kalilimutan, habang binibigkas natin ang pasasalamat, na ang pinakamataas na pagpapahalaga ay hindi ang pagbigkas, simula lamang ito, bagkus ang ipamuhay natin ito.

Maraming salamat po!

 Lungsod ng Balanga, Bataan

1 comment: