Pabatid Tanaw

Monday, August 01, 2011

12 Mga Panggising ng Isipan

 Maglaan ng Sariling Paraan na Laging Makakatulong sa Lahat ng Pagkakataon
   Kung ikaw ay magluluto ng sinigang na bangus, mayroon kang sinusunod na mga sangkap nito at paraan ng pagluluto, o recipe. Sa pagsusuma naman ay mayroon kang pormula na ginagamit para makuha ang tamang kasagutan. At kung ikaw kasama ng iyong pamilya ay napagkasunduang magpiknik sa isang ilog, pinaplano at inihahanda ang lahat ng mga gastusin, mga kakailanganin, at magagamit na sasakyan para dito. Sa lahat ng ito, mayroon laging pamamaraan na nagsisilbing gabay upang makatiyak sa tagumpay.

   Subalit ang nakakalungkot lamang, pagdating sa sariling buhay ay walang pamamaraan na sinusunod, at bihira ang gumagawa ng pagpaplano para dito. Maiwawangki ito sa pagpana sa hangin at hindi sa tudlaan. At maging doon sa mga pumapana na walang busog na ginagamit. Pawang mga pag-aaksaya lamang ito ng mga mahahalagang sandali na pawang natatapos sa kawalan. Ang buhay na hindi pinag-aralan ay walang direksiyon at walang saysay.

   Basahin at limiin ang mga sumusunod sa ibaba. Mga paraan ito na makapagpapaliwanag ng ating mga saloobin at mga pag-uugali na higit na malinaw. Mga praktikal na gabay ito sa kaunlarang pansarili. Kahit papaano, mabuting pasimula ito kung nais magkaroon ng pagbabago sa dati-rati’y walang tinutungong mga pagkilos. Napatunayan na ito ng maraming matatagumpay na tao sa iba’t-ibang larangan. Ang mga ito ang kanilang mabisang batayan sa araw-araw upang manatiling gising sa tuwina.

1-Maging mag-aaral ng buhay. Saan ka man naroroon, ugaliing dagdagan ang iyong kaalaman. Magpatuloy sa pag-aaral, ang edukasyon ay walang katapusan. Mabilis ang pagbabago sa lahat ng larangan; magbasa, tumuklas, magtanong, makipag-alaman, makiisa sa makabuluhang mga gawain, at umisip ng mga bagay na makakatulong para iyong sarili. 

2- Magplano.  Ang plano ang lumilikha ng mga bagay upang may mangyari. Kung alam mo ang iyong hinahangad, magagawa mong pagtuunan ito nang ibayong atensiyon. Halos lahat ng iyong kalakasan, panahon, at mga pagkakataon ay mapag-iisa upang makatiyak sa tagumpay nito. Alamin hangga’t maaga ang iyong kinalulugdang gawain at ibayong pagtuunan ito. Maligaya ka na kumikita ka pa.  Ang magkaroon ng malinaw at masidhing hangarin ay siyang simula ng maliwanag na plano.

3- Maagang gumising. Upang masimulan sa tamang direksiyon, gumising ng 30 minuto na maaga at umusal ng dalangin para sa pagpapala sa araw na ito. Gawin itong ritwal at kusang darating sa iyo ang mga biyayang nakatakdang mapasaiyo. Ang sansinukob ay nakatanglaw at hayagang kumikilos para sa iyo, kung sisimulan mo ito sa tamang paraan.

4- Isaayos ang gagawin sa kinabukasan. Bago matulog sa gabi, pag-isipan ang mga hakbang na gagawin para bukas. Iwasan ang mga umaagaw sa iyo ng pansin na walang katuturan, at mapayapang matulog. Laging isaisip ang apat na “I”:  
   Igalang mo ang iyong sarili;  
     Iwasan na may magalit sa iyo;  
      Itama ang iyong mga maling paniniwala; 
    at Isagawa ang iyong mga pangarap.

5- Repasuhin ang nakaraang maghapon. Pag-aralan ang mga naging balakid o namagitang kamalian. Limiin at itama kung papaano ang mga ito ay maiiwasan sa hinaharap, at gawing matagumpay. 

6- Hulihin ang sarili sa pangangarap ng gising. Laging gamitin ang katanungang; “Ano ba ang ginagawa ko ngayon, at papaano ko magagamit ang mga sandaling ito para sa aking kapakinabangan.” Alalahaning ang pangangarap sa araw ay pag-aaksaya na panahon na kailangang nakatuon lamang sa mga ginagawa.

7- Sauluhin ang mga piniling kawikaan. Ang kawatasan sa mga ito ay nakapagdudulot ng panggising sa tuwina. Piliin ang higit na umaayon sa iyong hangarin at nagpapasigla sa iyong pagkilos. Makatutulong ito sa iyo na makabuluhang magamit ang nasasayang na mga panahon sa mga paghihintay, nakapila, at nasa sasakyan.

8- Ugaliing tanungin ang sarili: “Ano ang layunin ng buhay? Bakit ako lumitaw sa mundong ito? Ano ang mga kailangan kong gawin upang maging maligaya?” "Nakahanda ba akong maglingkod para sa aking kapwa?"

9- Maghanap ng tagapagturo ng buhay. Hanapin ang mga nagtagumpay na makapagtuturo sa iyo sa hinahangad na gawain at mga praktikal na pamamaraan sa pakikibaka sa buhay. Hangga’t marami ang nakapagtuturo sa iyo, lalong nagiging mabisa ang iyong kaalaman, humuhusay ang iyong kakayahan, at nadadagdagan ang iyong mga pagkakataon. Ang karanasang matutuhan dito ay higit pa sa apat na taong inilagi mo sa kolehiyo.

10- Mabuhay nang walang panghihinayang. Walang perpekto na isinilang, lahat tayo ay may kapalpakan. Kaya nga ang lapis ay may pambura. Walang bagay na imposibleng hindi magagawa, kung paglalaanan mo ito ng ibayong interes at pagsusumikap. Habang may hininga, ay may pag-asa.

11- Laging unahin ang sarili at pamilya muna. Hangga’t hindi mo lubos na nakikilala ang iyong pagkatao, pawang patama-tama at walang direksyion ang iyong patutunguhan sa buhay. Kung may pag-ibig ka sa sarili, magagawa mong umibig at magdulot ng pag-ibig. Ang bagay na wala sa iyo ay hindi mo maaaring maibigay. Mahalin at tamasahin ang iyong pamilya, mga kaanak, at mga kaibigan hangga’t kapiling mo sila. Walang nakakatiyak sa buhay na magaganap.

12- Ngayon ang dakila mong araw. Hindi ang nakaraang kahapon at darating na bukas. Anumang ginagawa mo ngayon ay sanhi ng mga ginawa mo kahapon. At kung nais mong malaman at makatiyak sa iyong kinabukasan, ngayon mo na ito gawin. Nasa iyong mga kamay lamang magaganap ang lahat nang nakatakda para sa iyo. Subalit hangga’t pawang pangangarap lamang at ingay ng bibig, lahat ay matutulad lamang sa bula.

    Marami ang bumibigkas na Ang panahon ay ginto.” Subalit ano ang higit na mahalaga: “Ang limang piso o ang limang minuto?
 

   Alalahanin ang panahong nagdaan ay hindi na muling mababalikan, ngunit ang perang nasayang ay muling matutumbasan.

No comments:

Post a Comment