Pabatid Tanaw

Saturday, July 30, 2011

Hindi Mo Mapagbibigyan ang Lahat

Alamin Kung Sino ang Tunay at Nakabalatkayo

   Lahat ay may hangarin, kahit ang buhay na walang saysay at walang hinahangad ay isa ring hangarin. At sa dami ng mga taong nakakahalubilo mo, bawa’t isa ay nais makuha ang anumang ninanasa nila. Kung hindi ka gising sa mga malalambing at sumusuyong pamamansin sa iyong mga kakayahan, mabubulid ka sa iniuumang na bitag nila. Mabulaklak ang kanilang mga kataga upang mahumaling ka at sumunod sa kanilang mga ipinag-uutos. 

   Wika nga ni Ingkong Kiko Baltazar, “Kung ang isalubong sa iyong pagdating, ay masayang mukha’t , may pakitang giliw, lalong pakaingata’t , kaaway na lihim siyang isaisip na kakabakahin.”

   Maging handa sa tuwina nang hindi ikaw malagay sa sakuna. Anumang pagwawalang bahala ay may kaakibat na pagdurusa.

   Kung ang nais mo’y tiyak na paraan upang dumanas ng kapighatian at laging nabibigo sa buhay, hangarin mong pagbigyan ang lahat sa kanilang mga kahilingan. At sa kalauna’y huwag magdamdam kung ikaw ay lubusang abusuhin, sapagkat hindi ito magaganap kung wala kang pahintulot. Gaano man ang gawin mong pagpupumilit na ibigay ang lahat ng makakaya mo, wala pa rin itong halaga sa kanilang mga walang pagkasawang kasiyahan.  Laging maganda lamang ang lahat sa una, at sa katagalan ay lumilitaw ang totoong pakay, kapag wala ng mahihita sa iyo. Kung ganitong uri ng mga tao ang nasa iyong paligid, iwasan at takbuhan sila nang walang lingon. Kung hindi makaiwas, iwanan ang pitaka sa bahay o itago itong mahigpit.

   Iilan lamang ang may busilak na puso at nauunawaan ang iyong mga pagsusumikap. Ito ang mga tunay at wagas na taong kailangan mo. Sila ang laging nag-uukol ng mahahalagang sandali at nagbubunyi para sa iyo.

   Sinuman ay hindi mo magagawang pasayahin hangga’t ang iyong sarili ay nananatili sa pagdurusa. Hindi mo maibibigay ang wala sa iyo. Kung ikaw ay laging masaya, nagiging masigla ka sa iyong mga ginagawa at ang tagumpay ay abot kamay na lamang.

   Dalawa lamang palagi ang nasasangkot sa bawat relasyon; isa ang umaabuso at ang isa naman ang nagpapaabuso. Walang maaapi kung walang nagpapaapi. Tatlong uri ng tao ang patuloy na napapahamak kapag laging nais pagbigyan ang lahat; yaong tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Huwag makiisa sa kanila at maging gising sa tuwina.

   Ikaw lamang ang nararapat na masunod sa iyong sarili at hindi ang iba na nagsasamantala sa iyong pagiging mapagbigay. Alalahaning ang kabutihan ay katulad ng isang binhi na itinatanim. Ikaw ang pumipili sa taniman. Mayroong batuhan, buhanginan, matubig, at saganang lupa. Mayroong hindi makakabuhay, may makakausyami, makalulunod, at patuloy na bumubuhay. Kung nais mong maging mabunga ang iyong layunin pagpasiyahan ang makabuluhan kaysa walang saysay.

No comments:

Post a Comment