Pabatid Tanaw

Wednesday, July 27, 2011

Gumising Ka


Maging Gising sa Bawa’t Saglit
   Upang makamit ang mahahalagang kaganapan sa buhay, ang pagsisikhay ay kailangang panatilihin. Huwag aksayahin ang bawa’t sandali, hindi na muli pa itong mapapalitan.

   Ipalagay natin na ang iyong sarili ay nasa loob ng kotse at nakatigil sa EDSA, sa Makati dahil sa nakabalahong trapiko. Dalawang oras ka nang naghihintay na umusad ito. Subalit tulad ng araw-araw na pagdaan mo dito wala pa ring pagbabago. Lalong nagsisikip at napakahabang daloy ng trapiko ang mistulang nakapako na sa daan. Panahon pa naman ng tag-ulan, talagang nanadya ang mga pagawaing publiko, at isinabay pa ang mga konstruksiyon sa mga gilid ng daan para lalong magkabuhol-buhol ang trapiko.

   Sa ganitong kalagayan, papano mo gagamitin ang mahahalagang sandali na mistulang salapi na lumilipad palabas sa bintana ng kotse? Kung sampung piso bawat saglit ang halaga mo, kusa itong natatapon sa paglipas ng maraming sandali. Nasa iyong mapanuring pagpapasiya kung mangagalaiti ka, maghihimutok ka, makikipag-away ka, maninisi ka, o manghihinayang ka sa nasasayang na panahon. Maaari naman kung maparaan ka o madiskarte, ito ang tamang panahon upang mag-isip ng mga bagay na nais mo pang magawa. Tulad ng pagpaplano, magsulat ng mga mahahalagang bagay na gagawin pa, tawagan at kamustahin ang pupuntahang tao at pag-usapan ang mangyayari kapag nagkita na, tiyakin ang lahat ay nasa ayos, kung may pasahero, mag-usap ng makabuluhang bagay, at maraming iba pa na kapakinabangan kaysa nakatulala at iniinis ang sarili.

   Iwasan ang mabagot at busugin ang sarili ng mga kung anu-anong bagabag at mga pangitain. Nakapanghihina ito at pinasasakit pa ang iyong ulo. Higit na mabuti ang pagtuunan ng pansin ang mga bagay na nakapagpapasaya, ang maalaala ang maliligayang sandali, mga katatawanan, at mga usapang nakapagdudulot ng katiwasayan. Hangga’t nananatili kang gising, bawa’t karanasan ay nagiging isang leksiyon sa buhay. 

   Halimbawa nasa barberya o nasa parlor ka; madalas mapapansin mo na makuwento at mausisa ang iyong barbero o mangungulot. Bahagi ito ng kanyang pakialamerong ritwal upang mapalagay ang ginugupitan at manatiling suki ito. Sa buong araw niyang paggugupit at sa maraming mga tao na nakadaldalan, marami ding paksa ang kanyang natatanggap at kailangan niyang mailipat o sa madaling sabi, ang maikalat. Tsismis ito. Ngunit sa puntong ito, dito mo masusubukan ang iyong pagdadala sa iyong pagkatao. 

   Maaaring makiayon ka, magpatianod at pabayaan ang kanyang mga reklamo (laging mayroon) sa asawa, kapitbahay, kapighatian, at mga  katiwalian sa pamahalaan. Nasa iyo kung nais mong umugoy, sayawan, o sulsulan siya, at maaari ding paalalahanan ito, at magbigay ng ilang halimbawa ng mabuting patutunguhan. Ang huwag lamang na gagawin ay ang kontrahin o makipagtalo sa kanya, sapagkat malalagay ka sa panganib, alalahaning may hawak siyang  labaha at gunting.

   Isa itong pagkakataon na hinahamon ka kung papaano mo magagawang mahalaga ang iyong sandali, sa isang pakikipag-usap na makapagbibigay ng pag-asa, o makapagpapahina ng pag-asa, makapagpapaligaya o makapagpapasama ng loob. Bawa’t kapasiyahan mo ay nagpapakita kung anong uri ng mundong nais mong galawan. Dito nakapaloob kung sino at anong klaseng pagkatao ang nais mong maging papel sa mundo.

   Anuman ang iyong ginagawa sa mga sandaling ito ---nanonood ng palabas sa telebisyon, nakikipag-usap sa isang kasunduan, ginagawa ang proyekto,  nakikipagkuwentuhan sa isang kaibigan, o nagbabasa ng blog na ito --- bigyan ito ng masusing atensiyon. Pagpasiyahan na ang hangad mo ay ang makayang mag-isip, ang maging gising sa iyong kaganapan na nais mong mangyari para sa iyong sarili, sa buong maghapon.
Dahil dito nakasalalay ang iyong magiging buhay, kung ito’y magiging karaniwan, pawang kapighatian, nakatanghod sa ibang nakakariwasa, masagana, matiwasay, at higit pa --- ang maging maligaya sa tuwina.

   Ikaw lamang ang makagagawa nito para sa iyong sarili. Ano pa ang hinihintay mo?

   Simulan na at ang lahat ay magiging madali lamang.

 Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment