Pabatid Tanaw

Friday, July 29, 2011

Apat na Piso

Laging Nakasalang ang Iyong Pagkatao sa Lahat ng Sandali

   Maraming taon na ang nakalilipas, sa may panulukan ng Manalaotao St. at M.H. del Pilar St. sa Barangay Kupang, sa Lungsod ng Balanga ay sumakay si Pastor Berning sa tricycle ni Perting. Papasyalan niya si Fidel, ang kanyang kaibigan sa Barangay San Jose. Nang umagang ito, habang siya ay pababa na ng tricycle, napansin niyang sobra ng apat na piso ang naging sukli sa kanya.

    Nagkataon na hindi niya nadala ang kanyang pitaka, at mabilis niyang naisip na tamang pamasahe ito mamayang pag-uwi niya. Mabilis na nagsalimbayan ang nag-uutos na mga tinig sa kanyang tainga, ang una ay: Mabuti pang ibalik mo ang sukli, hindi makatarungan sa isang mahirap na naghahanapbuhay ang pag-imbutan mo ang kanyang kita.” Ang sumalit naman na tinig ay:Tanga ka ba? Apat na piso lamang iyan, tama lamang na kunin mo upang magsilbing aral sa kanyang pagiging pabaya sa pagsusukli. Isa pa, kung ibabalik mo iyan, wala kang magiging pamasahe mamaya sa iyong pag-uwi. Ikaw rin, mapipilitan kang maglakad, tag-init pa naman ngayon at pagpapawisan ka. Tanggapin mo na iyan, bilang kaloob ng Diyos, tumahimik ka na lamang at ibulsa mo na.”
 
   Nang makalabas na si Pastor Berning sa tricycle, may humaplit sa kanyang puso at nanaig ang kanyang pagmamalasakit kay Perting, mabilis nitong iniabot ang lumabis na sukli, “Perting, sumobra ang sukli mo sa akin, heto ang apat na piso kunin mo.” 

   Nakangiting tumugon si Perting,Hindi ba kayo ngayon ang Pastor dito sa Kupang? Kasi naisip ko na matagal na ring hindi ako nakakapagsimba, nais kong pumasyal sa Linggo sa inyong simbahan. Para lamang ako makatiyak, kung kayo nga ang Pastor na nararapat para sa akin at ng aking pamilya, ay nagpasobra ako ng apat na piso. Paumanhin na lamang po sa aking kapangahasan.”

   “Wala kang dapat na ipagpaumanhin, ako pa nga ang dapat na magpasalamat sa iyo at muli kong napatunayan ang aking pagkatao.”  Ang nagagalak na bigkas ng butihing Pastor.


   Nang makaalis na ang tricycle ni Perting, ay malalim na napabuntong-hininga ang Pastor at mabilis na humawak ng mahigpit sa katabing punongkahoy, “Maraming salamat po Diyos ko, at pinagpala ninyo akong muli. Kamuntik ko nang maipagbili ang inyong Anak sa halagang apat na piso."

------
Maraming mga pagkakataon sa ating buhay ang dumaraan sa mga pagsubok na tulad nito. Sa mga kaibigan, sa trabaho, sa iyong pinaglilingkuran, sa mga pagtitipon, at madalas sa mga bagong kakilala. May kanya-kanyang mga kaparaanan ang mga ito, kung papaano ka makakapasa sa kanilang mga pagsubok at mga paghamon sa iyong kakayahan at pagkatao. Anumang ipinapakita mo ay siya rin mong matatanggap.
   Kung wala kang pagpapahalaga at pagtitiwalang namamayani sa iyong puso para sa iyong sarili, mahuhuli ka sa nakaumang nilang mga patibong.
   Laging isaisip ang magiging katumbas na kapahamakan mula sa maliit na paghahangad. Alalahaning sa 99 na porsiyentong kabutihan na iyong nagawa, lahat ng ito’y mawawalang saysay mula sa 1 porsiyento lamang na kasakiman. Walang ibubungang kainaman ang gawaing mapag-imbot ng hindi sa iyo.

   Manatiling gising sa tuwina, narito ang iyong ikakatagumpay sa buhay.

Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment