Pabatid Tanaw

Thursday, July 07, 2011

Ang Karamutan ay Ugali ng Suwapang

   Talaga namang saksakan ng kuripot ang mister na ito. Masidhi ang karamutan at sobra ang pagseselos sa kanyang bata at magandang asawa. Ugali na nito ang manibugho kapag nagpapaganda at makitang masayahin ang kanyang maybahay. At kung nangingibang bayan ang mister ay pinababantayan ang kanyang asawa sa dalawa nilang kasambahay. Hindi binibigyan ng pansarling pera at kung may bibilhin ito para sa bahay ay kailangan ang malinaw na pag-uulat. Mistulang nakabilanggo ang babae sa kanilang bahay at bihirang makalabas ito. At ang mga pang-aabusong ito’y lagi na lamang niyang iniluluha at naihihinga sa kanyang amiga na kanyang kababata sa kanilang nayon.

   Isang araw ay umuwi ang makunat na mister na may kasamang patpating abogado, at kaagad ipinatawag ang kanyang asawa. Ipinakita nito ang isang kasulatan na nagpapatibay sa isang matinding pangako: Na ang lahat ng kanyang mga pag-aari; ang kanilang mansiyon,  mga paupahang bahay, mga lupain, at mga magagarang sasakyan ay ipagbili. At ang lahat ng pinagbilhan, kasama ng nakaimpok sa bangko, at pinagbilhan sa mga mamahaling alahas ay isilid lahat sa ipinasadyang kaha de yero at isama sa kanyang kabaong at kasamang malibing ito.

   Bagama’t malaki ang pagtutol ng babae sa pambihirang kahilingan ng mister, wala itong nagawa kundi ang lumuha habang nilalagdaan ang kasulatan. Matatag itong nangako na ang lahat ng kahilingan na kanyang mister ay buong puso niyang tutuparin. Dito lamang niya maipapakita ang kawagasan ng kanyang pagmamahal na hindi niya hinahangad ang kayamanan ng kanyang mister sa nagawa niyang pagpapakasal dito.

   Lubos naman ang naging kagalakan ng mister sa ipinakitang walang balakid na pagsang-ayon ng kanyang masunuring asawa.

   Tulad ng inaasahan, dahil sa katandaan at mga matitinding bagabag ng belekoy na mister, binawian na ito ng buhay. At kapansin-pansin ang nakadilat nitong mga mata na kahit pinatungan ng tigisang limang pisong barya ay nakaangat pa na parang naninilip at nagpapahayag ng kanyang karamutan at panibughong nadarama.

   Sa ilang gabing pagkakaburol at paglalamay dito ay nanatiling nakaupo sa tabi ng kabaong, tahimik, at pagluha lamang ang mapapansin sa nagluluksang asawa ng selosong mister.

   Sa huling gabi ng paglalamay, dumating ang kanyang kababatang amiga at tinabihan siya sa upuan. Balisa ito at nag-aalala sa paghihinagpis ng kanyang kaibigan. Pinipilit na kalamayin ang kalooban nito.

   “Huwag mo ng pahirapan pa ang iyong kalooban, kung anuman ang naging kahilingan ng iyong mister ay nagampanan mo naman ito nang walang pag-iimbot.” Ang masuyong pahiwatig nito.

   “Alam mo ang tungkol sa kasunduan at kanyang mga kahilingan?” Ang nagitlang tanong ng nagluluksang asawa.

   “Oo, kasi, pinsan ko ang nakabili ng isa niyang lupain.” Ang mabilis na tugon ng amiga.

    “Huwag na nating pag-usapan pa ang tungkol sa kasunduan. Nais kong makalimot na.” Ang pakiusap ng biyuda. Naunawaan at naging tahimik naman ang amiga hanggang matapos ang libing.

      Subalit nang makauwi na sa bahay ay hindi na ito nakapagtimpi pa at nanggagalaiting sinisisi ang biyuda at pumayag itong isamang malibing ang lahat ng kayamanan ng mister nito at walang itinira para sa sarili.

      “Sayang lahat ang iyong ginawang mga paglilingkod, mga pagsunod, mga pagtitiis, at mga pag-aaruga sa makunat mong mister kung isinama mong lahat ng kayamanan sa kanyang kabaong. Sana naman ay inisip mo ang iyong kapakanan.” Ang pasinghal na paninisi ng amiga.

    Paimpit ang paghikbi ng biyuda nang tumitig ito sa kaibigan at nangusap, “Kilala mo ako, hindi ko magagawang talikuran ang aking naipangako na isama sa kanyang libing ang lahat ng kanyang kayamanan, may kasunduan kami at nakapirma ako.”

   “Hah? Talagang hangal ka!  Ang ibig mong sabihin ay totoong tinupad mong lahat, ang nasa kasunduan at mga kahilingan ng iyong belekoy na mister? Ang pang-uuyam nitong pasaring sa biyuda.

   Oo, talagang tumupad ako sa aming kasunduan. Lahat ng pinagbilhan sa mga pag-aari niya, pati lahat ng nakaimpok na pera sa bangko at lahat ng pinagbilhan din sa mga alahas ay idineposito kong lahat sa isang bank account lamang, at saka nag-isyu  ako ng isang tseke at ito ang isinilid ko sa kaha de yero. Kung magagawa niyang mai-cash ang tseke, eh di, . . . bahala siya kung saan niya ito gagastusin na makapagpapaligaya sa kanya.”  . . .  Tutal, pera naman niya ang nakalagay sa tseke.” Ang maliwanag na pahayag ng biyuda.

------
Marami sa atin ang nahuhulog sa ganitong tagpo. Habang nagpapatuloy ang karamutan ay nagiging makamkam at sa katapusan ay nauuwi lamang lahat sa kawalan, kasama ang naputikang reputasyon at pagkawala ng karangalan. Karamihan sa mga may katungkulan ay pagsasamantala at pangugurakot ang laging nasa isipan. Hangga’t may pagkakataon ay walang kabusugang ninanakaw ang kaban ng bayan, nandaraya sa halalan, sinasalaula ang mga institusyong pambayan, pinayayaman ang mga Obispo ng simbahan at maging mga Huwes sa ating Hukuman at mababang kapulungan, at lantarang ipinagbibili ang ating kasarinlan.
    Bakit?
    Ang Pilipinas ay napakayamang bansa. Sagana tayo sa kabuhayan, masaganang mga lupain, may maraming iba’t-ibang mineral at natatanging yamang likas ang nasa ating mga kabundukan, at napapalibutan tayo ng mayamang mga karagatan.
   Matagal ng nagmimina ng mga likas nating yaman ang mga dayuhan sa ating bayan, subalit patuloy ang kahirapan sa ating lipunan. Pangalawa tayo sa buong daigdig sa pagmimina ng tone-toneladang ginto mula sa marami nating mga lalawigan, subalit pagmasdan ang mga mamamayan sa mga lalawigang ito, na lalong nakalugmok at nababaon sa kahirapan. Sinisira at patuloy lamang winawasak ng mga pagmiminang ito ang ating mga kapaligiran at kalikasan. Mayaman na daw ang lalawigan ng Palawan, dahil may namiminang langis dito, subalit kapos at walang sapat na mga silid-aralan, pagamutan, at kagalingang pambayan sa mga mamamayan nito. At kapag may tumututol sa pagmamalabis na ito sa ating kalikasan, sa halip na samahan at makipagtulungan ay pinapaslang.
   Bakit?

   Gayong ang ninakaw na kayamanang mula dito ay hindi nila madadala sa kanilang hukay.

No comments:

Post a Comment