Pabatid Tanaw

Wednesday, June 08, 2011

Saan Ka Ba Patungo?



   
   Kadalasan naririnig ko sa mga umpukan ang pangungusap na ito, “Ang buhay ay minsan lamang, hangga’t maaga pa gawin na ang tamang pagtahak sa matuwid na landas na iyong hinahangad.” Totoo ito, sapagkat marami ang nawawalan ng pagnanais at pag-asa na magpatuloy pa, kapag nasadlak sila sa katayuan o gawaing hindi naman nila ninanais. 

   Sila’y mga napipilitan at tinatanggap na lamang ang kapalaran na kanilang napasukan. Wala nang magawa at natutuhan na ang kalagayang "suko na." Tulad ng isang patibong, wala na silang masulingan bagkus ang harapin na lamang ito nang may hapdi at pagdaramdam sa puso.

   Dahil sa tungkulin na nakaatang sa balikat, hindi na sila makaalpas sa kapalarang tinamo nila. Subalit sa kaibuturan ng kanilang mga puso, nag-uumalpas ang tunay at wagas nilang hangarin. Ito ang ating dakilang layunin. Bawa’t isa sa atin ay mayroon nito. Nilakipan tayo ng mga pambihirang katangian upang ito’y magampanan. Ngunit sa ibang larangan tayo nahumaling at nakaligtaang pagyamanin ang mga ito. Kung kaya’t magpahanggang ngayon kaakibat natin ang pagkabalisa, mga alalahanin, mga bagabag at masidhing kalungkutan. Nagpupumilit ang mga ito na gisingin ang ating kamalayan. Ngunit nananatili tayong nakatingin sa mga panginoring walang kinalaman sa ating tunay na pagkatao.


Bakit nangyayari ang mga ito? 

   Dahil mula sa pinakaubod ng ating pagkatao ay may kumakatok at humihingi ng atensiyon o pagpansin. Ito ang iyong tunay na tadhana. Ito ang dahilan kung bakit ka nilikha. Hangga’t hindi mo ito nagagampanan, pawang kapighatian at kawalan ng katiyakan sa buhay ang palagi mong kaulayaw sa buhay. 

   Ang isa pang tawag dito ay tamang direksiyon ng buhay, ayon sa simbuyo /passion na umiigting sa kaibuturan ng iyong puso. Ang anumang mga pagkilos nang walang direksiyon o patutunguhan ay walang saysay at pag-aaksaya lamang ng iyong lakas at makabuluhang panahon. Nililibang at inilalayo ka lamang nito sa tunay mong kapalaran at tamang landas.

   Kung magagawa mo lamang na pagtuunan ng pansin kung sino ka at anong misyon mo sa daigidig, lahat ng mga pagkilos mo’y patungo sa iyong katotohanan.

Gaano man katatag at kabilis ang pagtakbo mo upang marating ang iyong hinahangad, ang iyong kaisipan at mga patama-tamang pagsisikhay ay dadalhin ka rin sa iyong patutunguhan. Pawang paikot-ikot at pabalik-balik lamang ang mga ito. Ang tanong ngayon kung sakali ma't makarating ka sa hinangad mo, magiging masaya ka ba? Ito ba ang tunay mong kaligayahan? Dahil ba ito talaga ang nilalaman ng iyong puso, o nadala ka lamang ng iyong mga gawain at responsibilidad?

   Ang nasayang na panahon ay hindi na muling mababalikan pa. Ang kabataang lumipas ay walang katumbas na halaga. Ang salapi ay kinikita sa anumang panahong pinagtuunan mo ng ibayong pagtitiyaga at kahusayan. Kung nasaan ang iyong simbuyo, sumusunod ang yaman. Kung may gawain o trabaho ka na talagang ninanais mo, at kahit hindi ka bayaran ay gagawin mo, dahil ito ang itinitibok ng iyong puso. Libangan na lamang sa iyo ang gawin ito sa tuwina. Nakaaaliw at masaya kang palagi kapag ginagawa mo ang mga gawaing ito. At kung napasok ka sa ganitong uri ng trabaho, ang sahod mo ay bonus o palabok na lamang.

 Ito ang pangunahin mong kailangan na harapin. Alamin ang dakilang layunin na ito. Ang tahasang nagpapatibok sa iyong puso, kaisipan, at kaluluwa. Sapagkat kapag malinaw kung saan ka patutungo, at ito ang pinakahahangad mo, lahat ng iyong kamalayan at mga pagkilos ay magsasanib at dadalhin ka sa iyong nakatakdang tagumpay. Kawangis nito ang isang busog na ipinana sa tudlaan. Kapag hindi hinintuan, sa kalaunan ang tuldik na mata ay tatamaan.

   Alamin lamang kung ano ang iyong tutudlain, at ang busog ng iyong buhay ay papailanlang at tatama sa katotohanang nakatadhana para sa iyo. Kailanman na ikaw ay nahaharap sa pagpili, sa isang pagpapasiya o pagkakataon o anumang pangyayari, piliin ang umaayon sa iyong mga simbuyo. Ito ang katotohanang laging kumakatawan sa iyo sa lahat ng sandali; saanman, alinman, anupaman, at magpakailanman.

   Ang mga tao, mga pook, mga kalagayan at mga pangyayari ay magtutulungan na dalhin ka saanmang direksiyon na buong katapatan at pinakahahangad mo.

   Ang iyong kabatiran at karanasan, ang iyong mga kaalaman, mga katangian at kahusayan, ang iyong mga simbuyo at mga kabuhayan ay sadyang inilaan ng kapalaran sa pananagumpay mong ito. Kung masidhi ang iyong pagtuon sa direksiyong/panuntunang ito, ang lahat ng kaganapan ay makikiayon at itutulak kang maging matagumpay para dito.

   Pag-isipan at panatilihing masigla at nag-aalimpuyo ang iyong layunin, pagindapatin na laging umiiral ito sa iyong puso, at ang lahat ng iyong naisin sa buhay ay kusang ipagkakaloob sa iyo ng tadhana. Lahat ng basbas ng pagpapala mula sa itaas, ay kusang ipagkakaloob sa iyo. Dahil ito'y nakalaan at tanging para sa iyo lamang.

   Ito ay nasusulat at hindi kailanman mababali. Walang kababalaghan o anumang salamangkang nakapaloob dito. Walang bagay sa daigdig na kapag ginusto mo ay hindi mapapasaiyo. Lahat ay abot-kamay lamang. Lahat ay magaganap, pagsanibin lamang ang iyong puso, kaisipan, at kaluluwa at ituon sa iyong dakilang layunin na ito . . . at ang lahat ay madali na lamang.

 
Napatunayan na ito at ipinagpapatuloy pa ng mga matatagumpay na tao, bakit hindi mo makakayang magawa? "

"Anumang iyong tatahakin, dito ka laging nakatingin, at kapag namali ka, ang buhay mo'y lilipad sa hangin."

   Harapin lamang ang iyong katotohanan (kung sino kang talaga at batid mo ang iyong patutunguhan) at ito’y kusang magaganap para sa iyo. Magtiwala ka sa iyong kakayahan, maging magiting ka at pasiglahin ang iyong pag-asa. Pitasin mo ang iyong tunay na kapalaran. Malaon nang naghihintay at humihingi sa iyo na pag-ukulan mo naman ito ng pansin.

   "Kung papana ka, ituon mo sa himpapawid at tudlain ang bituin, kahit na agila na dumaraan ay matatamaan, kaysa sa lupa na bulati lamang ang iyong magiging kapalaran."
                                                                                             Kawikaan ni, Jose H. Guevara, Sr.
                                                                                                                                 ng Barangay Kupang


  
Talahulugunan, n. glossary 
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.


kadalasan, malimit, palagi adv./adj. oftentimes, frequent, repeatedly, most of the time
tahak, talunton, tungo adj. path, following direction, going to
suko na, n. surrender, hopeless, giving up, learned helplessness condition
adlak, pariwara, n. falling into, lapsing into
tungkulin, responsibilidad n. responsibility 
panginorin, salamisim, agam-agam n. dark skyline, bad omen, beyond comprehension
    pangit + norin (alapaap) kawangis ng pangitain; masamang naiisip, pangyayari o sakuna
   1. nasa makulimlim na alapaap o madilim na kalangitan
   2. may bumabagabag sa kamalayan na hindi maipaliwanag.
   3. nadaramang pangitain sa hinaharap, malaking pangamba na nakaamba
patibong, n. trap
suling, suong, tingin n. looking for escape, look, see
hapdi, kirot, pasakit n. extreme pain, stinging pain, grieving pain
atang, pasan, sapwat, kilik, buhat n. carried on the shoulder, carry
alpas, takas, igpaw n. escape, evade, instant flight
ubod, kaibuturan n. inner core, innate, inner feeling
kaulayaw, kaniig, kasimpan, kalaguyo n. lover, soul mate, love partner,
simbuyo, atas/alab/init ng damdamin n. passion, burning desire
palabok, padagdag n. bonus, added extra value, increment
kawangis, kawangki, katulad, kamukha adj. similar, look alike, same features
tadhana, palad, kapalaran, n. destiny, fate, fortune
sidhi, matinding pagkilos n. intensity, tenacity, constantly
ayon, alinsunod, batay n.  accord, assent, correspond
pagindapatin, tama at tuwirang pagkilos n. make it right and sure
bali, bakli adj. broken, fractured
salamangka, salamangkero n. magic, magician
sanib, sama, bigkis v. join, involve,together, unite
Palaala: Ang talahulugan na ito ay ipinapaliwanag lamang ang nilalaman ng paksa. Ang mga katagang nakasaad sa itaas ay batay lamang at umaayon sa mga pangungusap na palasak at kawikaan sa aming lalawigan ng Bataan. Hindi ito nagmula sa pagsasaliksik na nangangailangan ng pahintulot sa paggamit, o, alinsunod sa takdang-aralin, at may gabay ng mga taong titulado o may karugtong na mga titik ang kanilang mga pangalan sa hulihan. Isa po lamang na tagapaghatid ng kaunting kaalaman (kung inyong mamarapatin lamang) ang inyong lingkod. 
   Tulad sa panonod ng telebisyon, kung ayaw ninyo, mangyari lamang na pihitin ang remote control na hawak at pumunta sa ibang himpilan. Dito naman sa blog na ito, isang pindot lamang sa inyong mouse or keyboard, nasa ibang website ka na. Ganoon lamang po kadali. Huwag tagalan ang pagkainis. Inis-talo ito. Kung may kakulitan pa rin ang iba, ilagay sa tama ang inyong mga pagpuna, magdagdag kabatiran sa pamamagitan ng pagsulat sa akin. Hindi pawang mga hinaing na nakalambitin at tumatawag ng pansin. Mauuwi po ito sa walang hintong singasing at pagka-duling.



Ang inyong kabayang Tilaok,


Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment