Pabatid Tanaw

Wednesday, June 29, 2011

Pambihirang Sopas


   Sa nakaraang digmaan ng Amerika at Hapon noong 1941, nadamay ang Pilipinas at pangalawa ang Bataan sa Maynila sa mga nawasak at lubhang nasalanta. Dumanas ng ibayong paghihirap ang mga tao; nasira ang mga pananim, huminto ang mga pangangalakal, at kinapos sa pagkain. Ang tulong na inaasahan mula sa mga karatig lalawigan ay pabugso-bugso lamang ang pagdating dahil sa mga nasirang daan at naputol na mga tulay.

    Marami ang nagugutom at mistulang panibagong labanan na naman ang nangyayari sa pag-aagawan sa karampot na pagkaing tinatanggap. May mga nagsusuntukan, nagpapaluan, at kung minsan ay nagtatagaan na humahantong sa ospital sa tinamong mga sugat. Anupa’t sa kagutumang ito, ang lahat ay natatakot at alalang-alala kung saan makakakuha ng makakain. 

   Isang araw, may manlalakbay na napadako sa isang nayon na sakbibi pa rin ng matinding kagutuman. Mabilis nilang pinagtabuyan ang lalaki na huwag manatili sa kanilang pook, sa pangambang manghihingi ito ng makakain. Kahit wala pa itong nasasambit na kataga, ay inunahan na nila na walang pagkaing makukuha sa kanilang nayon at ang lahat ay naghihirap at nagugutom. Tumugon ang lalaki at nagpaliwanag na hindi niya kailangan ang anumang pagkain, sa katunayan ay naghahanda siyang magluto ng masarap na sopas para sa lahat.

  Hindi kagyat na pinaniwalaan ito ng mga taganayon at naghihinalang pinanood nila ang ginagawang paghahanda ng lalaki. Sinimulan nito ang magpaliyab sa kalan; binuhusan ng tubig ang malaking kaldero, at ito’y isinalang sa apuyan. Makalipas ang ilang sandali, ay inilabas sa kanyang bayong ang isang nakabalot na bandana na may lamang luntiang bato, at ito’y kanyang inihulog sa kumukulong tubig sa kaldero. Napamulagat ang mga nanonood at nag-anasan, sa hindi pangkaraniwang bato na ginamit sa pagluluto na kanilang nasasaksihan. 

   Maya-maya pa’y sumandok ng sabaw ang lalaki, nasisiyahang nilanghap at nakangiting tinikman ito. At nang malasahan ay malakas na nagpahayag na napakasarap ang batong sopas. Ang mga nakapaligid na tao ay napalunok sa narinig at hinaplos ang kanilang mga kumakalam na sikmura. Nagsimulang maglapitan ang mga ito sa kaldero at nakilanghap na rin. May ilan ang nagtanong sa lalaki kung ano ang kanilang maitutulong upang mapabilis ang pagluluto nito. Sumagot ang manlalakbay na kung madaragdagan ito ng kaunting repolyo ay lalong sasarap ito. Mabilis na umuwi ang isang lalaki at nang bumalik ay nagbigay ng repolyo. Ginaya ito ng isa at nagdala naman ng kamote. Sinundan pa ito ng isa at sibuyas ang dinala, doon naman sa isa ay bugkos ng mga sitaw, may nagdala ng patani, may kalabasa. Anupa’t  ang lahat ay nagdala ng kani-kanilang maiaambag.

   At nang hanguin ang sopas sa kaldero at ibahagi sa lahat, masayang kainan ang sama-samang naranasan ng mga taganayon. Buong kagalakan silang nagpasalamat sa lalaki sa batong sopas na ipinagkaloob nito. Subalit ang lalaki ang higit na nagpapasalamat, dahil sa ginawang pagkakaisa ng mga taganayon, ang lahat ay nabiyayaan.

-------
Ang sanaysay na ito’y pangkaraniwang nagaganap sa panahon ng mga kalamidad at mga bagyong ating nararanasan taun-taon. Hindi katakataka sa mga tao na sa panahon ng kagipitan at matinding kagutuman ang magtago ng pagkain. Kapag may nagaganap na pagsasalat at walang sapat na mapagkukunan ng pagkain ay kusang humihiwalay sa karamihan ng tao at nagsasarili upang hindi mabawasan ang anumang mayroon sa kanya. Sa ganitong kalakaran, lahat ay magkakatulad ang kahahantungang kasawian. Dahil sa kalaunan, ay mauubos din ang anumang kanyang itinatago at ipinagdaramot.
   Mababakas dito na hindi lamang sa kagutuman nakatuon ang paksang ito, manapa’y sa ideya o kaalaman, sa pagmamahal, sa yaman, sa paggawa ng kabutihan, sa pagdamay sa kapwa, at maraming iba pa na makabuluhang bagay. Karamihan ay iniisip na ang ginagawang pagtatago o pagdaramot ay makapag-daragdag ng yaman kung ito’y para lamang sa kanila. Gayong ang katotohanan ay lumilikha ito ng kasalatan at matinding kahirapan. Hangga’t mayroong mga sakim at ganid na ginagawang negosyo ang pagtatago ng mga pangunahing pagkain at mga pangangailangan, pinatataas nito ang mga halaga na hindi makakayang maabot ng nakakarami sa atin. At kung ito’y magpapatuloy, ay mapapahamak ang lahat kabilang ang mga mapagsamantalang ito.
    Nakita ng manlalakbay ang ginagawang pagtatago at pagdadamot ng mga taganayon, at sa isang inspirasyon ay nagawa niyang magbigayan ang bawa’t isa at lumikha ng pagtutulungan para sa kagalingang panlahat. Pinatutunayan nito na hindi ito magaganap kung ang bawa’t isa ay makasarili at walang damayan.
   Kung sa akala mo ay hindi kailangan ang pagtutulungan, masdang gumulong ang isang kariton matapos na matanggal ang isang gulong nito. Walang sinuman sa atin ang hindi nangangailangan ng atensiyon at pagtulong mula sa iba. Higit nating makakamit ito kung magagawa nating maibigay ito.

No comments:

Post a Comment