Pabatid Tanaw

Thursday, June 30, 2011

Ako'y Lahing Haribon

Tungkol ito sa mababang pagtingin sa sarili na pinaniwalaan sa halip na alamin ang katotohanan. Gayong ang katotohanan ay kailangang ilantad ng kaisipan, sang-ayunan ng puso, at gampanan sa buhay.

   Sa pangunguha ng mga iba’t-ibang bulaklak sa gilid ng talampas, nakapulot ang isang lalaki ng itlog na kakaiba ang hugis at kulay. Maigi niya itong pinagmasdan, at napagtanto niyang ito’y itlog ng agila. Nagpasiya siyang iuwi ito sa kanyang kamalig na may nangingitlog na manok at isinama sa nililimlimang mga itlog nito. Nang mapisa ang mga itlog; ang agila kasama ng mga sisiw ay magkakasamang lumaki na pasunod-sunod sa inahing manok anuman ang itinuturo nito, mula sa pagkahig at pagtuka sa paghahanap ng pagkain.
   Sa kanyang paglaki; lahat ng ginagawa ng mga sisiw ay tinularan niya, sa kanyang isipan ay isa rin siyang manok sa kamalig. Kapag siya’y nagugutom kumakahig siya sa lupa sa paghahanap ng mga bulati at mga insekto. Nagaya din niya ang pagtilaok ng isang tandang na manok; at tulad ng isang tandang, umiigpaw din ang lipad niya ng ilang talampakan ang taas sa hangin.
   Makalipas ang ilang taon, ang agila ay tumanda na nang lubusan. Isang araw, may nakita siyang isang magilas na ibon sa himpapawid na mabilis na lumilipad at pumapailanlang sa ihip ng hangin. Namamangha siya sa nakikita na bagama’t hindi ikinakampay ang mga pakpak nito, ay matulin at humahaginit na tulad ng isang busog itong lumipad. Hangang-hanga siya sa kanyang nasasaksihang kahusayan nito sa paglipad.

   “Sino ‘yon? Napakahusay niyang lumipad!” Ang tanong ng agila sa katabing manok. Tumingala mula sa pagkahig sa lupa ang manok at tumugon, “Ah, ‘yon ba? Iyan ang hari ng mga ibon. Siya ang panginoon ng himpapawid!”

   “Anong tawag sa kanya?” Ang usisa ng humahangang agila na manok.

   “Ang tawag sa ibong iyan ay agila. Ang buong buhay niyan ay laging lumipad sa himpapawid. At tayo naman ay para lamang dito sa lupa, dahil mga manok tayo. Halika at samahan mo akong humanap ng mga bulati doon sa giniikan.” Ang paliwanag ng manok.

   “Kung hindi lamang ako manok;  at ako’y makakalipad ding katulad niya, ang sarap-sarap sigurong pumaimbulog sa himpapawid.” Ang panghihinayang na bulong ng agila na manok sa sarili nito. Kaya nabuhay at hanggang sa mamatay ay naging katulad ng isang manok ang agila, sapagkat ito ang kanyang pinaniwalaan at totohanang ginampanan sa kanyang buong buhay.

-------
Marami sa atin ang katulad ng agilang ito. Kung ano ang ating kinamulatan sapilitan nating tinatanggap nang walang mga katanungan. Hindi natin magawang saliksikin kung sino at anong uri ng pagkatao ang mayroon tayo. Anong mga katangian ang nasa atin na maaari nating isulong at pagyamanin para sa ating kaunlaran. Ang puspusang alamin kung anong mga bagay ang higit na nakapagpapaligaya sa atin, ano ang nakakatulong sa ating kapwa, at anong mga makabuluhang bagay ang maiaambag natin sa ating pamayanan.
   Mistula tayong mga patpat na inaanod at walang kamuwangan kung saan tayo patutungo. Nahirati ang karamihan sa atin na maging palaasa sa iba, manghingi ng pinaglumaan, manggaya sa mga banyaga, kopyahin ang kanilang kultura, at laging nakabuntot at tagasunod sa mga dayuhan sa ating bansa.
   Pagmasdan ang uri ng ating pamahalaan, sa halip na tumindig at panindigan ang ating kasarinlan, kawangis ang isang pulubi na nakaluhod at nagmamakaawa sa kaunting limos. Hindi katakatakang manatili tayong mga manok sa paningin ng ibang bansa. Pinagsasamantalahan, binubusabos, at kinakatay na tulad ng manok. Dahil mga manok tayong naturingan sa Asya.
   Panahon na ang lingapin natin ang ating mga sarili, lahat tayong mga tunay na Pilipino ay agila. Sa buong daigdig, tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan ang haribon (monkey eating eagle), ang pinakamalaking agila sa lahat ng mga uring agila. Higit na malaki ito kaysa bald eagle na simbolo ng Amerika. Ngunit tulad ng ating sanaysay sa itaas, hindi natin matanggap ang katotohanang tayo ay mga agila. Ginusto pa nating gawing simbolo ang maliit na maya bilang ibon, na mahiyain, tagaaliw, at mahina. At sa mga hayop naman, ang kalabaw (beast of burden) na may singsing sa ilong at may taling hinahatak upang sumunod sa lahat ng kagustuhan ng kanyang amo. Masunurin, maamo, tahimik, palasunod, at katulong sa lahat ng bagay. Laging nakabilad sa araw, pawisan, humahagok sa kapaguran, marumi at nasa putikan. At ito ang ginagampanan ng marami nating kababayan, bilang mga katulong. Higit nating pinagtutuunan ang pagiging “Maid in the Philippines” sa halip na “Made in the Philippines” na nararapat nating kalingain at pagyamanin. Palagi na lamang ba tayong “Isang kahig, isang tuka?” Mga manok lamang ang gumagawa nito.

Mananatili ba tayong kalabaw at manok sa halip na agila sa buong buhay natin? Aba’y gumising naman tayo! Hindi pa huli ang lahat. Ipakita natin sa buong mundo na tayo ay mula sa lahing Haribon!

No comments:

Post a Comment