Pabatid Tanaw

Friday, June 03, 2011

Ako'y Isang Mabuting Pilipino



   Tayo ay nananalig na ang ating bansang Pilipinas ay may kakayahan at nakatadhana na maging dakila at nakalulugod sa Asya at maging sa buong daigdig. Ang mga posibilidad sa pagtatagumpay ay higit pa sa ating imahinasyon. Nananalaytay sa ating mga dugo ang pagiging malikhain, pagiging masigasig, at pambihirang kahusayan. Napatunayan na ang mga ito sa maraming larangan na ating sinasalihan at ginagalawan. Marami sa ating mga kababayan ang umaani ng mga tagumpay, mga karangalan at mga papuri sa lahat ng dako. Ipinapakita na kaya natin kung pagtutuunan lamang natin ng ibayong pananalig, pagtitiwala, at pagtitiyaga. Walang bagay na hindi natin makakamit, kapag tahasan nating hinangad ito.




   Karaniwan lamang sila noon; Efren Penaflorida, Charice Pempengco, at Manny Pacquiao, subalit nagampanan nilang buhayin ang kanilang mga pangarap at maging mga pambihira. Narating nila ang tagumpay at napatunayang kaya natin makipagtagisan kaninuman at saanman sa buong daigdig. Ilan lamang sila sa mga nagpakita ng pagiging mahusay at katangi-tanging mga tunay na Pilipino.

   Marami sa atin ang sadyang magagaling, mahuhusay, at talagang namumukod-tangi, dangan nga lamang, "kulang sa pansin," pagtitiyaga, o "lakas ng loob" at kailangan pa ng karagdagang kagitingan.
 
  Mahalaga at nararapat lamang na ganap itong maiparating sa ating sambayanan, mapatunayan, isapuso, at ipagbunyi.

   Kinakailangan ang mga ito na pumailanlang at magsilbing liwanag sa karimlan laban sa mga kapighatiang naghahari ngayon sa ating bansa. Ang magpatuloy sa pagtanglaw na pumupukaw, nagpapaalab, at gumigising sa ating kamalayan. Ito na ang tamang pagkakataon na mabigyang buhay at tangkilikin ang mga nakatagong katangian natin.

   Ipaglantaran natin ito, ipakita ng hayagan kaninuman at saanman nang walang pangamba at pag-aalinlangan. Tumulad tayo kina Efren, Charice, at Manny bilang mga bagong bayani. Kaya natin ito, sapagkat tayo'y Isang Pilipino, huwag nating kalilimutan ito. At mabubuting mga tunay na Pilipino na may marubdob na pagmamahal sa ating lahi, pinagmulan, at sa sambayanan.

Ako'y Isang Mabuting Pilipino

Ako'y isang mabuting Pilipino
Minamahal ko ang bayan ko
Tinutupad ko ang aking mga tungkulin
Sinusunod ko ang kanyang mga alituntunin.


Tumatawid ako sa tamang tawiran
Sumasakay ako sa tamang sakayan
Pumipila at di nakikipag-unahan
At di ako pasiga-siga sa lansangan.


Nagbababa ako sa tamang babaan
Hindi nakahambalang parang walang pakialam
Pinagbibigyan kong mga tumatawid sa kalsada
Humihinto ako pag ang ilaw ay pula.


Pagkat ako'y isang mabuting Pilipino
Minamahal ko ang bayan ko
Tinutupad ko ang aking mga tungkulin
Sinusunod ko ang kanyang mga alituntunin.


Hindi ako nangongotong o nagbibigay ng lagay
Tiket lamang ang tinatanggap kong ibinibigay
Ako'y nakatayo doon mismo sa kanto
At di nagtatago sa ilalim ng puno.


Hindi ako nagkakalat ng basura sa lansangan
Hindi bumubuga ng usok ang aking sasakyan
Inaayos ko ang mga kalat sa basurahan
Inaalagaan ko ang ating kapaligiran.


Pagkat ako'y isang mabuting Pilipino
Minamahal ko ang bayan ko
Tinutupad ko ang aking mga tungkulin
Sinusunod ko ang kanyang mga alituntunin.


Lagi akong nakikinig sa aking mga magulang
Kaya't pag-aaral ay aking pinagbubutihan
Hindi ako gumagamit ng bawal na gamot
O kaya'y tumatambay at sa eskwela'y di pumapasok.


Ipinagtatanggol ko ang aking karangalan
Pagkat ito lamang ang tangi kong kayamanan
Di ko ibinebenta ang aking kinabukasan
Ang boto ko'y aking pinahahalagahan.


Pagkat ako'y isang mabuting Pilipino
Minamahal ko ang bayan ko
Tinutupad ko ang aking mga tungkulin
Sinusunod ko ang kanyang mga alituntunin.


Ako'y isang tapat at totoong lingkod ng bayan
Pabor o lagay ay di ko pinapayagan
Tapat ang serbisyo ko sa mamamayan
Di ko ibinubulsa ang pera ng Bayan.


Pinagtatanggol ko ang mamamayang Pilipino
Mga karapatan nila'y kinikilala ko
Iginagalang ko ang aking kapwa tao
Ipinaglalaban ko dangal ng bayan ko.


Pagkat ako'y isang mabuting Pilipino
Minamahal ko ang bayan ko
Tinutupad ko ang aking mga tungkulin
Sinusunod ko ang kanyang mga alituntunin.


Ako'y isang mabuting Pilipino
Minamahal ko ang bayan ko
Tinutupad ko ang aking mga tungkulin
Sinusunod ko ang kanyang mga alituntunin

Pagkat ako'y isang mabuting Pilipino...

Nilikha at inawit ni Noel Cabangon sa pasinaya ni Pangulong Benigno C. Aquino, III, sa Rizal Park noong ika-30 ng Hunyo, 2010.

   -------Talahuluganan, n. glossary
  Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino. 


pananalig, pagtitiwala, paniniwala  n. faith, trust, strong belief
nananalig, nagtitiwala, naniniwala v. having faith, trusting, believing
lugod, saya, galak n. pleasure, happiness, gladness
nananalaytay, dumadaloy, umaagos  v. circulating, flowing, streaming
tagisan, subukan, paligsahan, parunungan n. challenge, competition, mind stimulation
namumukod-tangi, pambihira, kakaiba adj. exceptional, extraordinary, highly distinctive
kagitingan, kabayanihan, katapangan, n. heroism, courage, bravery
alituntunin, panuntunan, , n. ruling, regulation, official statement
siga, maton, sanggano n. bully, browbeater, gangster
pasiga-siga, pagiging sanggano o maton v. bullying, browbeating
bulsa, n. pocket
ibinubulsa, isinisilid, ipinapasok v. putting into a pocket
tambay, walang trabaho, nakaabang n. jobless, stand by
tupad, ganap, sunod v. comply, perform, abide
marubdob, masidhi, masikhay, masigasig adj. ardent, intense, persistent, industrious

Paanyaya:  Sa abot po ng aking makakaya ay aking dinaragdagan ang kaalaman sa ating wikang Pilipino. Ang mga katagang narito ay taal o likas na wikang Bataan. Doon sa mga nagnanais na palawigin ito o mayroong nalalaman na malapit na kahulugan, mangyari lamang na sumulat sa espasyo ng komentaryo sa ibaba. Malaki po ang maitutulong nito sa ating mga kababayan na hindi bihasa o matatas sa wikang Pilipino. Pagtulungan po natin nang tayo'y makapag-ambag sa pagpapalaganap ng ating sariling wika.

Mabuhay tayong lahat! 


   Marami pong salamat,


 

No comments:

Post a Comment