Pabatid Tanaw

Tuesday, May 10, 2011

Titigan Hindi Tignan



   Bilin ng aking butihing Nanay;"Kapag nagpapasalamat ka, titigan ang kausap mo sa kanyang mga mata." 

   Hangga't maaari kung may kausap, makabubuting tinititigan mo ang mga mata sapagkat dito masasalamin ang tunay na niloloob ng iyong kaharap. Kung sa ibang dako siya laging nakatingin at abala sa ginagawa, sayang lamang ang panahon mo at hindi ka ganap na mauunawaan. At kung umiikot naman ang tao-tao ng mga mata nito, minsa'y pataas at pababa, nakatitiyak kang hindi ito nakikinig, walang interes, at ang nais ay siya naman ang magsalita. Pawang taltalan lamang ang makapangyayari sa halip na mabisang palitan ng mga kuro-kuro.
   Magandang pasunuran ang ilaw ng trapiko; kapag patakbo, luntian ang kulay ng  ilaw. Kapag patigil, ito ay pula. Kung masusunod lamang ito, walang nakakabulahaw na ingay tayong maririnig sa mga usapan. Walang pagtatalo bagkus mayroong pagbibigayan at pagpapahalaga sa mahinahong pag-uusap. At higit pang may kabuluhan kung batid mo na tunay at matapat ang iyong kausap, walang paligoy-ligoy at hindi pabalat-bunga o pakitang giliw lamang ang pakikiharap niya sa iyo.

   Sa pakikipag-usap, lalo na kapag walang respeto at makasarili ang umiiral, mistulang isang granada ang sitwasyon. Huwag payagang ang singsing nito ay matanggal at maging dahilan upang sumabog. Ikaw ang higit na nakakaalam sa iyong sarili kung aagsaw, paa-abuso o tatahimik ka. Kung ang kaharap ay laging mainit at anumang sandali'y sumasabog, mangyari lamang na isipin ang singsing ng granada. Nasa iyong kapangyarihan kung hahayaan mong matanggal ito.
 Wika nga sa Inggles, "It takes two to tango." Walang nagsayaw ng tanggo na mag-isa. Sa bungangaan, dalawa ang maingay at walang nakikinig. Parehong nakatingin subalit parehong walang nakikita, kundi ang kanilang mga walang kamaliang katwiran.


   Kung wala kang partisipasyon, walang mangyayari na kapahamakan. Hindi karuwagan at pagkatalo ang umiwas, kung sa iyong pang-unawa ay wala nang katuturan pa ang mga paliwanagan.  

   Titigang mabuti ang mga mata ng iyong kausap---huwag namang mapusok na katulad ng mga sinungaling, kung makatingin ay may pinipilit na kutitap sa mga mata upang ikaw ay maakit, maaliw, at magamit sa kanilang mga maitim na balak. Ang tamang titig (hindi pasulyap-sulyap o patingin-tingin) ay yaong tumatagos sa puso at nagpapahayag ng katotohanan.

   Pakatandaan lamang; Kapag sumilay sa labi ang pilit na ngiti at nakakunot ang noo; nasa malayo ang tanaw ng mga mata nito. Huwag umasa, at ito'y magiging kasawian lamang. Nakatingin (ngunit hindi nakatitig), may pinaghahandaan itong susunod na hakbang. Kailangan ang ibayong pag-iingat, sapagkat laging nasa huli ang pagsisisi.
   Ang may masamang balak ay ipinagkakanulo ng kanyang mga mata, at wala sa tamang koordinasyon sa kanyang mga pagkilos.
   Ang katotohanan ay may kislap at maningning ang mga mata, kalakip ang pagkukumbaba at sinusundan ng masuyong pagkilos.

   Ang isang paraan upang makapagtatag ng isang mabuti at mahusay na pagsasamahan, at magawang magpatuloy ang impluwensiya sa mga kasamahan, kakilala, katuwang, kaibigan at maging mga kaanak, ay; ang tuwirang pagtitig sa mga mata. Ipinapakita ng mga dalubhasa sa pag-aaral na ang pakikipag-mabutihan sa kapwa sa pagitan ng dalawang tao kapag nagkasalubong ang kanilang mga titig (hindi mga tingin na paiwas) ay pinatutunayan ang lumang kawatasan sa negosyo, tungkol sa palaging pagtitig sa mga tao nang tuwiran sa mga mata ay siyentipikong mainam at nakatutulong na pangaral. Kung kaya't sa magsing-irog o mag-asawa, kadalasan binabanggit sa isa't-isa, "Titigan mo akong maiigi kapag ako'y nakikipag-usap sa iyo," ay sapagkat sa pamamagitan nito ay naipadarama natin ang ibayong pagmamahal at respeto kapag tumititig tayo ng tuwiran sa mga mata ng ating kairog o kabiyak. Ang pagtitig nang tuwiran sa mga mata ay nagpapahayag ng simbuyo ng damdamin at taos-pusong pagpapahalaga, at kung madalas itong magagawa, ang resulta ay lalong pinag-ibayong pagpapakita ng kahusayan sa pagsasamahan; sa opisina, sa trabaho, sa mga talakayan, at higit pa doon sa buhay may-asawa.

   Ang pag-ibig ay madaling mauunawaan kapag itoy pag-ibig sa unang tingin. At ito naman ay isang milagro kapag ang dalawang nagmamahalan ay patuloy ang titigan sa isa't-isa sa loob ng maraming taon ng pagsasama..

   Hindi ba natin narinig at ito'y nasusulat, "Mata sa mata at ngipin sa ngipin?" Inilalaan ito kung dumating na sa puntong nais mong iparating ng tandisan ang iyong tunay na saloobin. Hindi ito ipinaiiral kung pahapyaw, pasaring, pabalat-bunga, at malikot ang pag-iisip sa pabago-bagong kapasiyahan.

   Nais mong tandisang maipakita na ikaw ay talagang seryoso at harapang tumitindig at pinatutunayan ang iyong kapasiyahan? Tumitig ng tuwiran sa mga mata ng iyong kausap.
  
   Ugaliing mangusap ng katotohanan sa tuwina, ang Kalikasan mismo ay mananatiling tagapagtaguyod at tagapagtanggol mo sa anumang gawain at mga masalimoot na relasyon sa lahat ng sandali..


Ang inyong kabayang, Tilaok,


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment