Pabatid Tanaw

Monday, May 16, 2011

Mayroon Akong Apat na Asawa





   May mayamang asendero na namumuhay kapiling ang apat na asawa. May kanya-kanyang pambihirang katangian at ganda ang bawat isa. Dangan nga lamang, pinakamamahal niya ang pang-apat
   Pinagkakalooban niya ito ng mga mamahaling damit, mga kasangkapan, at binubusog ng masasarap na pagkain. Madalas niya itong nililibang at dinadala sa mga aliwang kinahuhumalingan niya sa araw-araw.

   Minamahal din niya ang pangatlo. Ipinagmamalaki niya ito sa kanilang pamayanan at saan man siya magtungo. Nakahuhumaling ito at kapansin-pansin. Subalit lagi siyang nangangamba na magtatanan ito at sasama sa ibang lalaki. Tulad ng panahon, palaging pabago-bago ito ng isip. Sala sa lamig at sala sa init. Madalas, pinagmumulan ito ng inggit, panibugho, at pag-aaway. Kapag kapiling ito, gumagandang lalaki ang asendero at ang pakiramdam niya'y kahalintulad ng isang saranggola na umiindayog sa hangin tuwina. 

   Mahal rin niya ang pangalawa. Maalalahanin, pasensiyosa, pasunod-sunod, at kapag may nais siyang lutasin, hingahan niya ito ng mga himutok at suliranin. Subalit kadalasa'y taginting lamang ng salapi at katanyagan ang pinakahahangad nito sa kanya. Malimit siyang iniiwanan nito at manaka-nakang sumusulpot kung may kailangan at pakikinabangan sa kanya. Lagi lamang nasa kanyang tabi kapag pinag-ibayo niya ang pagkakahumaling dito.

   Ang tunay at unang asawa ng asendero ay malaki ang naitulong sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan. Kaagapay na niya ito sa simula pa lamang sa lahat ng hirap na kanilang dinanas. Patuloy na nakasubaybay at nananatiling tapat ang unang asawa. Bagamat kupas na at tuluyang naglaho ang pag-ibig ng asendero sa kanya, patuloy pa rin ang unang asawa sa pagmamalasakit sa kapakanan nila. Palaging abala ang asendero, naging hibang at alipin ng mga panandaliang aliwan na dulot ng karangyaan. Bunga nito, ganap na niyang nakaligtaan ang unang asawa.

   Isang araw, sa malabis na pagkagumon sa pagliliwaliw at pagmamalabis sa katawan, nagkasakit ang asendero. Pakiramdam niya ay hindi na magtatagal pa ang kaniyang buhay. Habang nakahiga sa kanyang kama sa isang silid ng ospital, lumuluha nitong nagunita ang mararangya at maaaliw na pamumuhay sa huling tatlong asawa. Ngayong nag-iisa na siya, ibayong kalungkutan at panggigipuspos ang kanyang nadarama. Bago mahuli ang lahat, ipinatawag niya isa-isa ang apat na asawa.

   Pinakiusapan niya ang ika-apat na asawa. “Ikaw ang pinakamamahal ko. Lahat ng hiniling mo ay ipinagkaloob ko sa iyo. Halos lahat ng panahon ko'y iniukol sa iyo. Puwede bang sumama ka sa aking hukay, upang may makasama ako sa kabilang buhay? Mariin ang pagsagot ng pang-apat na asawa, “Ano ako, baliw? Hindi ako sira! Diyan ka na nga! Sinayang mo lang ang araw ko."

   Sunod-sunod na dinalahit ng ubo ang asendero. Dumating ang ikatlong asawa, nagtanong agad ito ng kanyang mamanahin. Lalong inubo ang asendero, pero paanas na nagsalita, “Minahal kita ng buong giliw, ipinakilala at ipinagmalaki kaninuman, at sinunod lahat ng layaw mo. May hihilingin lamang ako. Pakinggan mo sana ito. Mamamatay na ako, damayan mo ako at sumama ka sa aking hukay. Kailangan kita.” Pahiyaw na sumagot ang ikatlong asawa, “Anong kabaliwan ang pinagsasabi mo. Bakit ko gagawin iyon, mas masarap ang buhay ko ngayon!" "Manigas ka!" At matulin itong lumisan nang nanggagalaiti sa nakakayanig na amuki ng asendero.

   Nanlumo at tumangis ang asendero. Naghihinagpis itong dinatnan ng ikalawang asawa. Hindi pa naibababa ang mga pinamiling mamahaling bestida ay may hinihingi na ito. “Hoy, pabigyan mo nga ako ng pera, kaarawan ng amiga ko sa Linggo!” 
   Hindi ito pinansin ng asendero at pauntol-untol na nagsalita, “Lagi kong idinudulog sa iyo ang aking mga suliranin. Tulungan mo naman ako. Hirap na hirap na ako sa paghinga, hindi na ako makatatagal pa." Humahagok itong nakiusap, “Kailangan kita sa hukay ko, mangyari lamang na samahan mo ako sa kabilang buhay.”  
   Paismid na tumalikod ang ikalawang asawa, at habang naglalakad palabas ng silid ay nagpasakit, Mangisay kang mag-isa mo!" Sa may pintuan palabas ng silid, lumingon ito at nagpasaring, "Dagdagan mo ang mamanahin ko, at pipilitin kong sumama sa mga maghahatid sa iyo doon sa sementeryo." At paliwanag pa, "Sa libing lamang ako kasama, hindi sa hukay."

   Durog ang pusong napahagulgol ang asendero, lalong dinalahit ng sunod-sunod na pag-ubo, nang biglang may humiyaw sa silid. “Ako na lamang!” Pinahid ang namumugtong mga mata sa luha at itinuon ng asendero ang nanlalabo niyang paningin sa pinagmulan nito. Nabanaagan niya ang payat at namamanglaw na tila hindi nakakakain na babae. Kilalang-kilala niya ito, bagamat kakikitaan ng pagdadalamhati ay maunawaing nakatunghay sa kanya. Ito ang kanyang tunay at unang asawa. Lumuluhang humalik ito at habang hawak ang kanang kamay ng asendero na inilapat sa kanyang dibdib, mataginting na nagpahayag, “ Sasama ako sa iyo, saan ka man pupunta. Hindi kita kailanman iiwanan!” 

   Tigmak na luha ang matuling umagos sa magkabilang pisngi ng asendero. Gumagaralgal ang kaniyang tinig, “Bakit ganito, bakit ngayon lamang kita napansin? Bakit naging pabaya ako noon sa iyo? Nalimutan kita, patawarin mo sana ako, pinagsisisihan ko ang lahat ng mga nagawa ko sa iyo.” “Sana . . .  lumawig pang tuluyan ang buhay ko, upang mapagbayaran ko aking mga pagkakasala sa iyo," ang buong pusong pagsisi na hagulgol ng asendero. Sa kanyang mga huling tinuran, pawang nakatuon, "sa iyo." . . . Napauunawa, nagmamakaawa, humihingi ng kapatawaran, at nagnanais na tuwirang magbago.

 Subalit huli na ang lahat. Ang nanlalabo niyang paningin ay tuluyan ng nagdilim.



   Malungkot ang tanawing ito, makabagbag-damdamin at tumitimo sa ating mga puso. Sa buhay natin, lahat tayo ay may kaniya-kanyang apat na asawa.  
   Bahagi ito ng ating makamundo at masalimoot na pamumuhay. Narito sila at lagi nating kaulayaw sa araw-araw: Masusing pag-aralan silang apat.


Pang-apat: Ang pagkahumaling sa luho at kalayawan ng katawan na palaging inuuna sa lahat.
Pangatlo: Ang pagiging alipin ng pansamantalang salapi at mga ari-arian, na mauuwi lamang sa iba.
Pangalawa: Mga samut-saring kasamahan sa bawat kabanata ng buhay na may kanya-kanyang ninanasa at makasariling pagtatangi.

   Ang tatlong ito ay pansamantala lamang at tahasang iiwanan ka pagdating ng takdang panahon nang iyong paglisan sa mundong ito. 

   Subalit ang Pinaka-una: Ang laging nakakaligtaan at tuwirang napababayaan, ay ang ating kaluluwa. Kailanman hanggang wakas; ito ang ating tanging timbulan at kalasag, na sa lahat ng sandali ay lagi nating kapiling. Nasa ating pananalig at makabuluhang pagsasaalang-alang lamang, upang ito'y ganap nating mapahalagahan. Kapag nagawa nating maging magkasanib ang ating kaisipan, katawan, at kaluluwa bilang isang ispirito na nakaugnay sa makapangyarihang Ispirito ng Diyos, ang lahat ng kaluwalhatian ay magaganap. At ang pinakamimithing kaligayahan ay tuluyan nating malalasap nang walang hanggan.

   Ito ang katotohanan na tanging magpapalaya sa atin.



Ang inyong kabayang Tilaok,
 
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment