Pabatid Tanaw

Wednesday, May 11, 2011

Kaibuturan ng Puso




   May bumanggit sa akin na ang isang paruparo; kapag ikinampay ang kanyang mga pakpak, ito'y lumilikha ng buhawi paikot sa buong mundo. Sa teoryang ito, na tinawag na butterfly effect o epektong paruparo, ay isinasaad, na ang kampay ng mga pakpak ng paruparo ay isang munting kilos, subalit ito'y lumilikha ng maliliit na damyo ng hangin na nagpapatuloy sa pag-ihip at lumalaki, patindi ng patindi habang nag-aalimpuyo sa lakas at bilis. Hanggang maging uli-uli, palakas ng palakas, at nagwawakas sa dumadagundong na dambuhalang buhawi.

   Ipinapakita rito na ang isang maliit na pagbabago sa kalagayan ay humahantong sa patuloy na paglaki hanggang sa maging kagulat-gulat ito.

   Bawa't isa sa atin ay may angking kapangyarihan na tulad ng sa paruparo. At bawa't isang munting kilos gaano man ito kaliit ay patungo sa higit pang positibong kaisipan na magdadala ng paglabusaw na pag-alon at positibong huwaran ng paghahalintulad para sa ating mga pamilya, mga kaibigan, mga samahan, at mga payamanan.

Kailangan lamang na mabungkal at payabungin ang nakatagong kapangyarihang ito mula sa ating kaloob-looban. Ang paglabusaw ng tubig sa nilikha nitong munting alon, ay nagiging dambuhalang alon at sa kalaunan ay sanhi ng daluyong o tsunami. Isang magandang paglalarawan kung papaano kahit anumang gawin, hindi makakayang isipin o sukatin man ang ating magagawang impluwensiya sa iba at ng ating angking kapangyarihan.

   Kung gagamitin natin ang ipinagkaloob na kapangyarihang ito sa atin, ano ang mangyayari? Ito ang katanungang kinakailangan nating sagutin. At sa kapasiyahang ito, ay maghuhudyat ng malaking pagbabago para sa ating mga sarili sa hinahangad nating walang hintong kaligayahan sa buhay. Walang makakagawa nito para sa iyo. Tanging ikaw lamang ang may kapangyarihan para dito.


   Hindi na kailangang hanapin pa ang kapangyarihang ito, ito'y matagal ng naghihintay sa iyo, nakikiusap, humihingi ng iyong atensiyon, nagpapakita sa mga panag-inip, at kung minsa'y nanggagalaiti pa sa bangungot. Laging nagpapa-alaala, "Pagbuksan mo ako." "Ako'y iyong palayain." Ang lagi nitong pagsusumamo.

  Subalit nananatili tayong abala, laging naghahanap at hindi mapakali, pumupunta sa malalayong pook ngunit patuloy na nabibigo, hindi mapalagay at may bagabag sa tuwina.

   Bakit nagyayari ang mga ito?

Kawangis tayo ng Diyos

 Mayroong panahon na ang lahat ng tao sa daigdig ay mga diyos, sanhi ito ng ispiritong nangingibabaw sa kanilang pagiging tao. Subalit sa kapangyarihang tinatamasa ng mga ito, karamiha’y umaabuso at malimit na gumagawa ng mga kasalanan. Ang mga paglabag na ito ay nakabahala sa pangkalahatang Banal na si Bathala, ang diyos ng lahat ng mga diyos, at nagpasiya ito na ang katangian ng ispirito sa pagka-diyos ay kailangang bawiin mula sa tao at itago ito ng mahigpit sa ibang pook na kung saan ito’y hindi na maaari pang makuha at abusuhing muli.

   Mabilis na ipinatawag ang mga may katungkulang diyos na humarap kaagad kay Bathala upang lutasin ang namamayaning kapangahasan ng mga tao sa pagka-diyos. Maaga pa’y napuno na ang bulwagan na pagdarausan ng talakayan. Mababanaagan sa kanilang mga mukha ang matinding pag-aalala at kanya-kanyang paghihimatong ang masusing pinag-aaralan upang mabawi ang ispirito ng pagka-diyos sa tao. Maraming katanungan ang mabilis na nagsalimbayan sa paghahanap ng kalutasan.

   “Hindi ba nila nalalaman? na tanging sila lamang sa pagiging tao ang makapangyarihan sa lahat ng mga hayop na gumagapang, tumatakbo, lumalangoy, at lumilipad sa buong sansinukob. At sila lamang ang pinagkalooban natin ng kapangyarihan ng kaisipan? ang himutok ng isang diyos.

 “Itinulad natin sila sa atin, pati ang kanilang kaanyuan ay ating kawangis, subalit halos laktawan na tayo ng ipinagkaloob nating ispirito sa kanila!” ang daing ng isa naman.

 “Masyado na silang mapusok, pati tayo ay inuusig na nila. Bawiin natin ang ispiritong namamayani sa kanila ngayon din!  ang pasigaw na pagdidiin naman ng katabi.
  
  Isang  namumuno mula sa pangkat na galing sa Kanluran ang nagmungkahi  na, “Ibabaon namin ang ispirito ng pagka-diyos sa pinakamalalim na lupa ng daigdig. Gaano man ang pagnanais na mga tao na hukayin ito ay tiyak na mahihirapan sila.”

  “Hindi maaari,” ang tugon ni Bathala, “sapagkat sa ipinapakita nilang mga gawi at pag-uugali lahat ay papangahasan nila at magagawa itong mahukay gaano man kalalim ang pagkakabaon.”

  “Kung gayon, ang pinakamainam upang tuluyang maitago ito ay sa pinakapusod ng dagat, ilubog natin ito doon sa pinakamalalim na karagatan,” ang pahayag naman ng namumuno sa pangkat mula sa Hilaga.

   “Hindi maaari,” ang babala ni Bathala, “sa dahilang matututuhan ng tao na makagawa ng kaparaanan na hanapin, sisirin , at makuha ito.

  “Kung inyong ipahihintulot,” mahal naming Bathala, “itatago namin ito sa pinakatuktok ng pinakamataas na bundok sa buong daigdig. Mahihirapan silang maakyat ito at hanapin. Anumang paggalugad nito ang gawin ng mga tao ay mabibigo sila,” ang paniniyak na susog ng ikatlong pangkat mula saTimog.

   Napailing si Bathala, at malungkot na tumugon, Hindi mangyayari ang inyong panukala; sa katalinuhan ng tao ngayon, magagawa nitong akyatin kahit anumang kataas-taasan ng mga bundok at mabawi ang ispirito ng pagka-diyos.”

  "Sa mga mungkahing ito, tila wala na tayong nalalaman at magagawa pa kung saan natin ito maitatago upang hindi makita at mabawi ng mga tao,” ang pag-aalalang nabanggit ng namumuno sa pangkat na galing sa Silangan. 

  “May paraan pa na magagawa nating maitago ito, na kung saan tiyak na mahihirapan ang mga tao na mabawi ang ispirito ng pagka-diyos nila,” ang paniniyak ni Bathala.

   Mabilis na nag-anasan ang mga diyos, nababahala at nais makatiyak sa huling binanggit ni Bathala.

   “Saan panig ng mundo, aming mahal na Bathala? Ang tanong ng mga taga Kanluran.

   “Makakatiyak ba tayong hindi na ito makikita pa? Ang paninigurong tanong ng mga taga Hilaga.

   “Kahit na gamitin nila ang kanilang katalinuhan at lahat ng kaparaanan sa paghahanap, ito ba ay hindi na nila mababawi pa? ang pag-aalinlangan tanong ng mga taga Timog.“

   “Gaano man ito kalalim, kalawak, at kataas, sa katalinuhang namana ng mga tao mula sa atin; isang araw makikita, at mababawi rin nila ito,” ang kawalang pag-asa na pasaring naman ng mga taga Silangan.

    “Dahil sa mga pangyayari, pati kayo na mga hinirang ko ay nawawalan na rin ng pagtitiwala sa inyong mga sarili. Maging sa akin ay nababahiran na rin ng pag-aalinlangan kayo,” ang pahapyaw na pagtutuwid ni Bathala.

    At sa malakas na tinig ay nagpahayag ito:
   “Ang ispirito ng pagka-diyos ay itatago mismo sa kaibuturan ng puso ng tao. Kailanman hindi niya maiisip na hanapin ito mula sa kanyang sarili.”

   Ito ang kanilang ginawa at nangyari sa mga tao.

   Magmula noon, nawala na ng kakayahan ang mga tao na magamit ang kapangyarihang banal na tulad ng sa Diyos. Gaano mang paghuhukay sa nakahihindik na kalaliman ng kalupaan, paninisid sa pusod ng mga nag-aalimpuyong karagatan, at pag-akyat sa matatarik at matataas na bundok, kahit saan mang sulok ng daigdig ay hindi matagpuan ng mga tao ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng ispirito ng Diyos,  . . .na sa lahat ng sandali ay nananatili at nagkakubli lamang sa kaibuturan ng kanilang puso.

   Walang kamalay-malay ang mga tao sa mahabang panahon na ang tunay at wagas na ispirito ng Diyos ay nasa kanila na, mula pa noon nang sila’y lalangin. Bawa’t isa sa atin ay pinagkalooban ng kapangyarihang ito upang ituon at magamit sa pakikipag-ugnayan sa Dakilang Lumikha. Ang ating angking kapangyarihan ay nagiging mabisa at nag-iibayo ang lakas kapag ito'y nakatuon sa pinakama-kapangyarihan sa lahat, ang makapangyarihang Diyos.

   Ang kapangyarihang ito mula sa ating kaibuturan na kumikilala sa Dakilang Lumikha ay patuloy na nasusupil. Matindi ang ating pagkatakot bilang mga tao na tayo ay hindi karapatdapat at walang sapat na kakayahan na makagawa ng mga kamangha-manghang bagay. Matindi ang ating pagkatakot na kung kikilos lamang tayo at gagampanan lamang natin ang ipinagkaloob na kapangyarihang ito, ay hindi makakayang sukatin ang mga kamangha-manghang bagay na ating magagawa.

   Ito’y nasusulat, ang Kaharian ng Diyos ay nasa iyong kaibuturan.

Ang inyong kabayang Tilaok,


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment