Pabatid Tanaw

Friday, May 27, 2011

Ano ang Motibo Mo?



  
Kailanman na gumagawa ka ng mahalagang kapasiyahan, mayroon bang maliit na tinig na palaging bumubulong sa iyo at nagtatanong na, “Ang ginagawa ko ba’y tumpak at katanggap-tanggap?”

Kung ito’y naaayon at kalugod-lugod sa iba, anong puwersa at atas ng damdamin ang gumagabay sa iyo upang ito ay may katiyakang matupad?

 Ito ay ang iyong motibasyon.

  Ang motibasyon ang nagtutulak sa iyo na magpatuloy at gawing puspusan ang pagkilos upang makamtan mo ang iyong nilulunggati. Nag-uugat ito sa pangunahing pangangailangan na makaiwas sa mga balakid at matapos ang ginagawa ng matiwasay kalakip ang positibong kasiyahan. Kung wala ka nito, walang magaganap na mahalagang resulta sa anumang pinagkaka-abalahan mo. Patama-tama at pagbabaka-sakali lamang ang karaniwang mangyayari.  Kung anuman ang kalalabasan ng iyong ginagawa ay nagtatapos lagi sa bahala na o pwede na, at ang pinakapalasak na "Okey na ‘yan!"

   Ang “sana, dapat, marahil, siguro, baka, daw at sakali” ay mga mahihina at kaakibat ng hilaw na layunin. Wala itong mga buto, simbuyo, at laging nakalutang sa hangin. Laging nakaakma o nakaamba at batbat ng pag-aalinlangan. Kung sa paninimula ng isang gawain ay nababahiran ng walang katiyakan, makakabuting huwag itong umpisahan. Walang mahihita kapag mayroong agam-agam, pinahihina nito ang daloy ng kasiglahan upang mawalan ng interes, mabalam, at ihinto ang ginagawa.  Ang matinding pagnanasa lamang ang nagbubunsod upang patuloy na masiglang kumikilos at tinatapos ang anumang gawain o lunggati.

 
   Upang ganap ang motibasyon, kailangan na tahasang alam mo kung ano ang iyong motibo, mayroon kang matinding paghahangad, at nakahandang gawin ito nang buong lakas, tiyaga, at kakayahan. Kadalasan, ang kawalan ng pagnanais o paghahangad at maikling panahon na inilaan sa ginagawa ang nagpapahinto sa isang makabuluhang gawain. Magaling sa simula sa katagalan ay mahina. May taguri dito, ningas-kugon; madaling magliyab ngunit saglit lamang ang lagablab at kusa nang mamamatay. O dili kaya’y tulad ng isang ilawang may sindi na aandap-andap, naghihingalo at maya-maya pa ay tuluyang maglalaho.


Ang mga motibasyong ito ang nagpapakilos sa atin:
Pagtanggap – ang pangangailangan ng pagsang-ayon
Kabatiran – ang pangangailangan na matuto
Kumain -- ang pangangailangan ng pagkain
Pananagutan – ang pangangailangan ng katapatan sa mga tradisyonal na kaugalian
Adhikain – ang pangangailangan para sa makatarungan at bukas na lipunan
Kalayaan – ang pangangailangan para sa pansariling kaibahan
Kaayusan – ang pangangailangan para sa organisado, matatag at nakakatiyak na kapaligiran
Aktibidad – ang pangangailangan ng ehersisyo at malusog na katawan
Kapangyarihan – ang pangangailangan ng impluwensiya, karapatan, at katuparan
Pagmamahal – ang pangangailangan ng sandigan at karamay sa tuwina
Pag-iimpok – ang pangangailangan na may madudukot sa panahong ng kagipitan
Pagkakaisa – ang pangangailangan ng mga relasyon at mga kasamahan  
Paggalang – ang pangangailangan ng respeto, antas, at kabuluhan sa pamayanan
Katiwasayan – ang pangangailangan ng seguridad at kapayapaan
Pagmamalasakit – ang pangangailangan na makagawa ng kaibahan sa kapwa
Pananalig – ang pangangailangan ng patnubay na ispiritwal

 Nakapaloob ang lahat na ito sa tatlong mahalagang lunggati:
1-Ang makitang maliwanag kung ano ang iyong hangarin sa iyong pangunahing pakikipag-relasyon at madama sa araw-araw na ikaw ay papalapit sa katotohanang ito.
2-Ang pumaimbulog na balot ng ibayong pagmamahal sa buong buhay.
3-Ang maging inspirado sa araw-araw ng kapangyarihan ng iyong pangarap at pagkakataon na mapagtagumpayan ito.

Narito ang mga hakbang sa motibasyon:
1-Atensiyon o pagpansin
       Ang pag-ibig ay nagsisimula sa atensiyon. Ang simula ay kapag napansin mo ang iyong kapwa. Walang   magaganap kung walang iniukol na atensiyon para dito.
2-Panahon
      Anumang bagay na nakaligtaan, nakakatiyak kang malilimutan. Gulok man na nagtagal sa suksukan, bunutin mo’t tadtad ng kalawang. Ganito din sa relasyon; kapag wala kang panahon dito, kusa itong mapapanis at lilipas. Kung nais mong mapanatili ito, dinidiligan at pinayayabong ito sa araw-araw.
3-Masigasig
     Walang bagay na hindi makukuha sa pagtitiyaga. Wika nga, "kapag may tiyaga, may nilaga." Tikatik man ng ulan na mahina kapag patuloy ay lumulusaw sa isang matigas na bato. Matiyagang magpakita ng pagkagiliw at pagpapahalaga.
4-Koneksiyon
      Iwasan ang mga distraksiyon sa buhay sapagkat ang pangunahing sangkap o elemento ng kaligayahan, kahalagahan, at tagumpay ay nakapaloob lamang sa kapangyarihan ng pagsasama-sama sa isa’t-isa.
5-Laruin
     Huwag laging seryoso sa lahat ng bagay, napagpapatigas ito ng leeg. At lalo namang kapag ginawa itong personal at ang salita ay hindi mababali. Alalahanin, walang perpekto sa mundo kaya nilikha ang lapis na may pambura.

   Madaling ipakita ang motibasyon na kunektado sa isang gawain na mahalaga sa iyo. Kung talagang ninanais mo ito, subalit kung mapusyaw o kapos ang motibasyon mo at atubili ka, nangangahulugan lamang na tahasang hindi mo ito hinahangad. Sapagka t kung tunay at buo ang iyong loob na gawin ang bagay na ito, makikita ito sa iyong mga masisidhing pagkilos.
  Ang motibasyon ay mahalaga sa atin; malaki ang kaugnayan nito sa ating emosyon at imahinasyon, na kung saan kapag nais mong mapalakas ito at magkaroon ng simbuyo ng damdamin, kailangan lamang na bigyan mo ng ibayong pansin ang iyong pandama at imahinasyon.

   Pataasin ang iyong kabatiran sa motibasyon:

1-Alamin, maglimi, at tiyakin kung ano ang talagang hangarin o layunin mo sa buhay, kung ito’y nararapat pagtuunan ng isip, kabuhayan, at panahon.

2-Lumikha ng lunggati na maliwanag at makakaya. Magplano at isulat ito.

3-Ugaliing laging iniisip ang iyong lunggati o ninanasa.

4-Ilarawan ang iyong lunggati na napagtagumpayan na. Iwaglit sa iyong isipan ang mga balakid at sumasalungat upang ito’y hindi maganap.

5-Magsaliksik at magbasa ng mga aklat tungkol sa paksang ito ng iyong lunggati.

6-Hanapin, pamarisan o sumangguni sa mga huwarang tao na nagtagumpay na sa larangang ito.

7-Itanim sa isipan ang biyaya o benepisyong makakamtan sa tagumpay ng iyong lunggati.

8-Apuhapin sa iyong hinagap at pakaisipin ang iyong madarama matapos mong magtagumpay sa iyong lunggati.

9-Ulit-ulitin ang iyong pagpapatibay sa pahayag na, “Mayroon akong masidhing hangarin at katatagan ng kalooban na magtagumpay sa aking lunggati.” Laging ulitin ito nang may pananalig at simbuyo ng damdamin.

10-Magsimulang gumawa sa maliit tuloy sa palaki tungkol sa iyong lunggati. Ang maliliit na tagumpay ay humahantong at kabubuan ng higit na malalaki pang tagumpay.

   Ang motibasyon ay makapangyarihang lakas na magtutulak sa iyo na marating ang iyong pupuntahan at magtagumpay sa bawa’t larangang iyong pinagtuunan. Hindi tayo lumilikha ng mga malalaki at dakilang bagay bagkus maliliit na bagay lamang na may dakilang pagmamahal.

Pinatutunayan ng pahinang ito ang mensahe ng pag-asa. 

Tuwiran at matapat na pag-asa.

Ikaw ang may hawak ng susing ito sa anumang pakikibaka mo sa daigdig na ito. 

Maiiwasan mo ang mga nakalalasong mga bagabag at kapighatian.

Magagawa mo rin na laging sariwain ang uri at antas ng kaligayahan nagtutulak sa iyo upang magkaroon ng motibasyon.

 
Kapag minamasdan mo ang iyong buhay, ano ang iyong nakikita? 

Kapag minamasdan mo ang iyong sarili, ano ang iyong nakikita?

Kapag minamasdan mo ang iyong kapuso, ano ang iyong nakikita?

Kapag minamasdan mo ang inyong mga sarili na magkasama, ano ang iyong nakikita?

Kapag minamasdan mo ang inyong relasyon sa isa’t-isa, ano ang iyong nakikita?

 Ano talaga ang nilalaman ng iyong puso at ninanais na makamtan?
Ano ang higit na pinag-uukulan mo ng atensiyon ngayon?
Ano ang masidhing motibasyon na nagpapakilos sa iyo para dito?
Ito ba ang iyong tunay at pangunahing hangarin?

Alam mo ba ang mga ito?

 Anuman ang maging kasagutan mo dito ay ikaw lamang ang nakakaalam, nakauunawa, at may kakayahang gampanan sa ikakatagumpay nito.

   Ang paglalakbay upang tuklasin kung ano ang tunay mong pagkatao ay nagsisimula sa wagas na katapatan kung nasaan ka ngayon sa buhay; kalagayan, antas, mga relasyon, at kabuhayan. Maging matapat sa pagsusuri sa iyong sarili, sapagkat dito nakasalalay ang hinahangad mong kaligayahan sa iyong buhay.

   Maglaan ng panahon na repasuhin at ikumpara kung ano kalagayan mo noon at sa kalagayan mo ngayon. Mangyari lamang na isulat ang mga ito sa isang maiingatang kuwaderno. Isama ang tungkol sa iyong kalusugan, pinansiyal, trabaho, mga kinagigiliwan na makabuluhang aliwan, nililikhang bagay, at ispiritwal na kaganapan. Huwag kaligtaan na isulat kung ano ang nais mong mangyari sa susunod na isang buwan.

  Bakit kailangan na magawa mo ito?
    Dahil nais mong makatiyak at magtagumpay sa buhay. Kung sa simpleng pagdaraos ng piknik sa tabing-ilog ay napag-uukulan ng paghahanda, ibayong atensiyon ang kinakailangan pagdating sa iyong personal na buhay.

   Sa araw na iyo, at sa bawa’t araw pang mga susunod, harinawa’y umani ka ng maraming pagpapala sa mataimtim at maligayang relasyon na iginawad sa iyo at sa lahat nang iyong nakakadaupang-palad.



Ang inyong kabayang Tilaok,
 
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan











No comments:

Post a Comment