Pabatid Tanaw

Tuesday, May 31, 2011

Ang Tunay na Kayamanan



   Isa siyang masiglang batang babae na may mahabang buhok hanggang balikat, at halos limang taon ang gulang. Kasama ang Mommy niya na naghihintay sa kahera upang bayaran ang napamili sa supermarket, nang mamataan niya ang isang kuwintas na makintab ng mga puting plastik na perlas, nakapaibabaw ito sa isang dilaw na kahong karton.

   “Mommy, puwede po bang bilhin natin iyon? Sige na po Mommy, gustong-gusto ko po iyon!” Mabilis na dinampot ng ina ang kahon at tinignan ang presyong nakadikit sa ilalim nito, at tumingin sa nakikiusap na mga mata ng batang babae, na ang mukha ay buong siglang nagsusumamo.

   “Siyam na piso at singkuwenta sentimos. Bah, halos sampung piso na ito. Kung talagang ito'y nais mo, kailangang tumulong ka sa mga gawaing bahay at nang makaipon upang mabili mo ito. Ang iyong kaarawan ay sa susunod na linggo na, at natitiyak kong bibigyan kang muli ng iyong lola Carina ng limang piso.”

   Pagdating sa bahay mabilis na binuksan ni Kaira ang kanyang alkansiyang bungbong at binilang ang dalawang piso at beinte sentimos na mga barya. Kailangan pa niya ang karagdagang dalawang piso at otsenta sentimos. Matapos ang hapunan, masigla siyang tumulong sa mga gawaing bahay at nang makapagligpit, ay nagtungo kay Aling Tinay, isang kapitbahay, at nagpresintang pipitasin ang mga sampaguita sa hardin nito sa halagang singkuwenta sentimos. Sa kanyang kaarawan, tulad ng inaasahan, binigyan siya ng kanyang lola Carina ng isang malutong na limang pisong papel at sa wakas ay mayroon na siyang sapat na halaga upang mabili ang kinasasabikang kuwintas.

   Giliw na giliw si Kaira sa kanyang kuwintas na perlas. Isinusuot niya ang kanyang mga bestida kasama ang kuwintas at humahagikgik pa sa tuwa habang pinagmamasdan ang sarili sa tuwing humaharap sa salamin. Laging suot niya ito tuwing araw ng Linggo sa simbahan, sa pagpasok sa kindergarten, at maging sa pagtulog. Tinatanggal lamang niya ito kapag naliligo. Ang sabi daw ng Mommy niya; kapag ito’y nabasa, magiging kulay luntian ang kanyang leeg.

   Mayroon si Kaira na mapagmahal na Daddy, at sa tuwing matutulog na siya ay humihinto ito sa anumang ginagawa at pumapasok sa kanyang silid at nagbabasa ng kuwento hanggang sa siya ay makatulog. Isang gabi, nang ito’y matapos magkuwento, tinanong niya si Kaira, “Mahal mo ba ako?”

   “Oh, opo, Daddy. Alam ninyo naman po, na talagang mahal ko kayo.”
“Kung gayon, puwede bang ibigay mo na sa akin ang kuwintas mong perlas?”

   “Ay . . , Daddy, huwag ang mga perlas ko. Sa inyo na ang Prinsesa ko na nakasakay sa puting kabayo mula sa aking mga laruan. Mayroon itong rosas na laso sa buntot. Natatandaan ninyo Daddy, binili ninyo ito para sa akin noong kaarawan ko? Paborito ko ito, eh.”

   “Okey lamang, Honey, Daddy loves you. Good night.”  At hinalikan ng ama sa pisngi ang anak.

   Isang linggo ang lumipas, matapos ang pagbasa ng isang kuwento, tinanong muli si Kaira ng ama, “Mahal mo ba ako?”

   “Daddy, alam ninyo po na mahal na mahal ko kayo.”
   “Kung gayon, ibigay mo sa akin ang iyong kuwintas na perlas.”

   “Ay . . naku, Daddy, huwag naman ang kuwintas ko. Puwede ninyong makuha ang aking magandang manika na regalo sa akin ni lola Carina, galing pa ito sa Amerika. Nakakatuwa po ito at may kasamang dilaw na kumot at katerno pa ang kanyang padyama. Sa iyo na ito, Daddy.

“That’s okay. Sleep well. God bless you, little one. Daddy loves you.” At tulad ng dati, muli niyang hinalikan ng banayad sa pisngi ang naghihikab na anak.

   Maraming gabi ang nakalipas at nang pumasok muli ang kanyang Daddy sa kanyang silid, nadatnan niya na nakaupong pasalampak si Kaira sa kama. Napansin kaagad ng ama ang nanginginig na baba nito, at pagkakita sa ama, ang namumuong luha sa mga mata ay matuling umagos sa magkabilang pisngi.

“Anong nangyari, Kaira? Bakit ka lumuluha, anong dahilan?

   Walang itinugon si Kaira sa halip itinaas nito ang kanyang maliit at nakakimis na kamay at hilam sa luhang binuksan ito sa harap ng ama, ang kuwintas ng mga perlas ay nasa palad. At sa nanginginig na mga labi ay gumagaralgal na nagsalita ito, “Eto na, Daddy. Ito’y para sa iyo.”

Napaluha ang ama sa nasaksihan at hindi makapagsalita sa biglaang pangyayari. Tahimik na tinanggap ang kuwintas na iniaabot ni Kaira, subalit may dinukot ang isang kamay sa bulsa at inilabas ang isang bughaw na gamusang kahon na may isang kuwintas ng mga totoong perlas, at ibinigay ito kay Kaira bilang kapalit. Matagal na itong nasa kanyang bulsa at naghihintay lamang ng pagkakataon kay Kaira na mawalan ng interes sa plastik na kuwintas,  upang mapalitan ito ng tunay at mamahaling mga perlas.

---
   Sa paglalarawan ng maikling kuwento na ito, pinatutunayan ng AKO, tunay na Pilipino ang kasalukuyang nangyayari sa ating katauhan.  Mga paslit pa rin tayong naturingan at nasa ating tabi lamang ang katotohanan. Maraming ulit na kumakatok sa ating puso na pagbuksan ito; dangan nga lamang, nananatili pa rin sa atin ang pagkagiliw sa mga panadaliang aliw at makasariling pananaw. At higit pang nakapanghihinayang; doon sa iba na nahuhumaling sa walang katuturang mga palabas sa telebisyon at mga libangan, na pawang ninanakaw lamang ang kanilang mahahalagang sandali at maging ang kanilang buhay.

   Ang ating Ama ay hindi lumilimot at patuloy na tumutugon sa ating mga karaingan. Laging nakatitig at minsan ma’y hindi Siya kumukurap. Ang tunay at higit na mahalaga lamang ang makapagpapalaya sa atin. Ito ang katotohanan.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment